Isang Matapat na Batang Babae na Nagngangalang Emma
Gaano ang nalalaman ninyo tungkol sa isang matapat na batang babae na lumaki at naging kabiyak ni Propetang Joseph Smith?
Si Emma Hale ay isinilang noong Hulyo 10, 1804. Nakatira siya sa isang bukirin kasama ang kanyang ama at ina at walong kapatid na lalaki at babae. Ilan sa kanyang mga tiya, tiyo, at mga pinsan ay nakatira malapit sa kanila.
Ang bukirin ng mga Hale ay nasa Harmony, Pennsylvania, sa isang magandang lambak sa may baybayin ng Susquehanna River. Nakakapamitas si Emma ng mga mansanas mula sa taniman. Namamasdan niya ang mga batang tupa na naglalaro, at nakakatulong siya sa pagpitas ng mga gulay sa malaking halamanan. Kapag nagsisimula nang matunaw ang niyebe, makikita na niya ang kanyang tatay na nangunguha ng katas ng maple sa malalaking timba. Natutulungan niya ang kanyang ina sa pagpapakulo ng katas hanggang sa maging asukal na maple ito.
Noong si Emma ay sanggol pa, siya ay nabinyagan sa isang simbahang Kristiyano, at noong bata pa ay dumalo siya sa Sunday School. Hindi pa naipanumbalik noon ang Simbahan ni Jesucristo.
Isang araw, noong si Emma ay walong taong gulang, nagpunta siya sa kakahuyan para magdasal. Nag-aalala siya sa kanyang ama dahil wala itong malakas na pananampalataya kay Jesucristo. Habang nagdarasal si Emma, nagpunta ang kanyang ama sa kakahuyan para mangaso. Nang marinig niyang nagdarasal para sa kanya ang kanyang anak, labis siyang naantig. Ang pananampalataya niya sa Panginoon ay napalakas.
Si Emma ay lumaking matangkad at matalinong bata. Siya ay mahusay magbasa at sumulat. Noong siya ay 21 anyos, isang masipag at matalinong binata na nagngangalang Joseph Smith ang dumating upang tumira sa tahanan ng mga Hale. Si Emma Hale ay mabuting tao at madaling makaunawa. Siya ay isang mabait na dalaga. Hindi nakapagtatakang pinili nila ni Joseph ang isa’t isa na maging mag-asawa!