Ipinagdiwang ng Tabernacle Choir ang Anibersaryo ng mga Unang Pagrerekord ng Awit
Isang siglo na ang nakakaraan sa buwang ito, ang Mormon Tabernacle Choir at organo ay unang na-irekord sa Tabernacle sa Temple Square. Upang maipagdiwang ang anibersaryo, naglabas ang koro ng tatluhang disc, 100: Celebrating a Century of Recording Excellence, kasama na ang mga seleksyon mula sa 100-taong kasaysayan ng nakarekord na musika.
Ngayon, marami ang sasang-ayon sa bantog na direktor na si Eugene Ormandy, na nagsabi, “Ang Mormon Tabernacle Choir ang pinakamahusay na koro sa mundo.”1 Ngunit sa unang ilang dekada mula nang binuo ito noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, hindi gaanong kilala ang Tabernacle Choir dahil kaunti pa lang ang nakarinig ng pagtatanghal nito. Ngunit noong 1909—32 taon matapos maimbento ang ponograpo—nakipagkasundo ang Columbia Phonograph Company na subukang irekord ang maringal na himig ng koro at organo. Mahirap na gawain iyon bunga ng limitadong teknolohiya ng panahon, na sapat lang para sa mga soloista at hindi kayang makapagrekord nang magandang kalidad para sa maramihan.2
Sa loob ng tatlong araw sa huling bahagi ng Agosto at simula ng Setyembre 1910, si Alexander Hausmann, ang recording engineer na namahala sa operasyon, ay nagsabit ng dalawang mahabang pang-rekord na mikropono “mula sa taling umaabot sa magkabilang panig ng gallery, ang malakampanang korte ng dalawang mikropono ay sumasakop sa—ang isa sa mga soprano at alto, at ang isa naman sa mga tenor at bass.”3
Iniulat ng Salt Lake Herald na nakapagrekord si Ginoong Hausmann nang 25 pagtatanghal: 12 seleksyon ng koro, 10 sa organista ng Tabernacle na si John J. McClellan, 2 kay Brother McClellan at sa biyulinistang si Willard E. Weihe, at isa sa dating organista ng Tabernacle na si Joseph J. Daynes Sr.4
Bagama’t hindi alam kung ilang natapos na disc ang naipagbili o gaano kalawak naipamahagi ang mga ito, maganda ang pagtugon ng publiko. Si J. A. Vernon, isang misyonerong naglilingkod sa Larned, Kansas, USA, ay nag-ulat sa kanyang liham na inilimbag noong Pebrero 1911 Improvement Era: “Kamakailan nakatanggap kami ng ilang plaka na naglalaman ng mga awiting pang-grupo at pang-solo ng Tabernacle Choir at organo. Nang mapakinggan ito, nagtanungan ang mga tao, na nagbigay sa amin ng maraming pagkakataong ipaliwanag ang mga alituntunin ng ebanghelyo.”5
Mula noong makalumang pagrerekord noong 1910, nakapaglabas na ang Tabernacle Choir ng mahigit 175 album, kabilang na ang dalawang nakapagbenta ng mahigit tig-isang milyong kopya. Isa sa inirekord ng koro ang nakatanggap ng U.S. Grammy Award noong 1959, at isa pang album ang nagkamit ng dalawang nominasyon sa Grammy noong 2007. Higit pa sa mga gantimpala at parangal, gayunman, ay ang epekto ng musika ng koro sa mga tagapakinig nito. Sa pamamagitan ng teknolohiya na malaki ang ipinagbago sa nakalipas na siglo, ang nakarekord na musika ng koro ay patuloy na umaantig at nagbibigay-inspirasyon, tulad ng ginawa nito noong 1910.