2010
Ang Ating mga Senior Missionary
Setyembre 2010


Ang Ating mga Senior Missionary

Sila ay “parang hamog na mula sa Panginoon, parang ulan sa damo.”

Elder Kent D. Watson

Bilang miyembro ng Asia Area Presidency, espesyal na pribilehiyo ang makapaglingkod ako sa isang lugar sa mundo na natutuhan kong mahalin noong bata pa akong misyonero mahigit 45 taon na ang nakararaan. Marami nang nagbago mula noon. Ang Southern Far East Mission noon ay binubuo na ngayon ng mahigit 25 mission. Ang kakaunting miyembro sa iilang branch ay umabot na sa 750,000 mga miyembro. Nagkalat ang mga chapel sa buong lugar, at nakasasamba na sa templo ang mga miyembro natin sa Asia.

Sa paglago ng Simbahan sa Asia, natutuhan kong mahalin at pahalagahan ang isang grupo ng mga taong hindi naghahangad ng gantimpala, karangalan, at iba pang makamundong kabayaran. Hangad lang nilang luwalhatiin ang ating Ama sa Langit. Sila ang ating mga senior missionary: mababait at mahuhusay na kalalakihan at kababaihang tahimik at masigasig na tumutulong na “maitatag ang saligan ng simbahang ito, at maipakita ito mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman” (D at T 1: 30).

Ang kanilang karanasan, pananampalataya, patotoo, at pagmamahal ay nagbibigay-kakayahan sa kanila na magsagawa ng kamangha-manghang mga himala sa pagtatatag at pagpapalakas ng Simbahan sa ating bahagi ng ubasan ng Panginoon—mula Ulaanbaatar hanggang New Delhi. Sila ang mga inilarawan ni Mikas na, “Ang nalabi sa Jacob ay parang hamog na mula sa Panginoon sa gitna ng maraming bayan, parang ulan sa damo” (Mikas 5:7).

Sa maraming pagkakataon nagugulat sila sa mga lugar kung saan sila nakadestino. Ang ilan sa kanila, marahil tulad ng propetang si Jonas, ay maaaring pinili ang Tarsis kaysa Ninive, wika nga. Ngunit hindi sila “tumakas na patungo sa Tarsis mula sa harapan ng Panginoon” o nanirahan “sa tiyan ng isda na tatlong araw at tatlong gabi” (Jonas 1:3, 17). Bagkus, batid na nagmula sa Panginoon ang kanilang tawag, “pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya” (Mateo 4:20).

Kabilang sa marami at iba’t ibang tungkulin nila ang paggawa sa mga templo, pagtuturo sa seminary at institute, paglilingkod sa mga tanggapan ng mission, pangangasiwa ng Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon, paglilingkod sa mga branch (pagtuturo, pagsasanay, pagpapaaktibo, at pagbabahagi), pagtuturo at pagtulong sa mga tao na pagbutihin ang kanilang mga kasanayan at umasenso sa trabaho, pagtatrabaho sa kanilang propesyon (batas, finance, engineering, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan), pag-uugnay ng mga pagkakawanggawa, at pagbibigay ng tulong kapag may baha, lindol, at iba pang kapinsalaang dulot ng kalikasan. Ang ilan sa kanila ay nakikibahagi pa sa paghahanap, pagtuturo, at pagbibinyag ng mga bagong miyembro!

Ganito ang mag-asawang sina Elder Phil at Sister Brenda Frandsen. Naglingkod sila sa Kaohsiung, Taiwan. Bukod sa iba pa niyang mga responsibilidad, naglingkod si Elder Frandsen bilang tagapayo sa mission president. Inilalarawan ng sumusunod na maikling interbyu sa mag-asawang Frandsen ang mga kaisipan at damdamin ng maraming mag-asawa at maaaring makapagbigay ng ideya sa mga nag-iisip magmisyon.

Ano ang mga naiisip ninyo habang pinag-iisipan ninyo ang paglilingkod sa misyon?

Sister Frandsen: “Noon pa namin napag-uusapan ang pagmimisyon kapag malalaki na ang mga anak namin. Nang dumating ang panahon, hindi kami magkasundo kung saan kami pupunta at ano ang gagawin namin. Matapos ang maraming usapan, iminungkahi ni Elder Frandsen na ipabahala na lang namin ang pagpapasiya sa Panginoon. Nang matanggap namin ang aming mission call, tuwang-tuwa kami. Para sa amin napakaespesyal na pagpapala ito!”

Ano ang damdamin ninyo tungkol sa pagbalik sa dati ninyong misyon?

Elder Frandsen: “Napakalaking pagpapala ang maranasang makabalik pagkaraan ng 44 na taon. Sa isang lugar kung saan dati ay may munting branch sa isang inuupahang gusali, ngayon ay may nakatayo nang magandang stake center. Ang isang walong-taong-gulang na batang kilala ko noon ay isa nang matapat na stake president ngayon. Talagang kahanga-hanga ang pag-unlad sa bahaging ito ng mundo. Araw-araw ay may bagong espirituwal na karanasan habang sinisikap namin ni Sister Frandsen na tulungan ang mga tao na magkaroon o palakasin ang kanilang patotoo.”

Sa palagay ba ninyo napapakinabangan kayo nang husto?

Elder Frandsen: “Nagamit namin ang aming mga talento at karanasan, at natuklasan na namin ang mga talentong hindi namin alam na taglay namin. Muli kong natutuhang magsalita ng Chinese. Masasagot ni Sister Frandsen ang telepono sa wikang Chinese at nababasa niya ang mga pangalan para maipadala ang sulat. Sa palagay namin ang pag-aaral ng mga bagong kasanayan sa edad namin ay makabubuti sa utak ng matatanda!”

Pero paano naman ang pamilya ninyo?

Sister Frandsen: “Nag-alala akong mawalay sa mga anak at apo ko. Gayunman, nariyan ang mga kamangha-manghang teknolohiya sa komunikasyon na magagamit ng mga senior missionary. Sa ilang paraan, mas nakakausap at nakikita ko ngayon ang aming pamilya kaysa noong nasa bahay kami. Hindi kukulangin sa apat na apo ang isisilang habang narito kami, na itinuturing naming isa sa mga pinakadakilang biyaya sa lahat. Kahit kasasabikan kong mahawakan ang mga bagong-silang na sanggol, makikita naman namin kaagad ang mga retrato at video nila. Sa halip na ilayo kami sa pamilya, sa maraming paraan ay nailapit kami ng aming misyon sa kanila.”

Elder Frandsen: “Ang totoo, pakiramdam namin ay lumaki ang aming pamilya nang magmisyon kami. Kami ay ‘mga lolo’t lola’ sa mga misyonero. Bawat araw natutuwa kaming maging bahagi ng misyon ng mga kabataang misyonero. Mahal namin sila—at mahal din nila kami! Hindi ba kayo natutuwang marinig ang pag-uulat ng mga returned missionary ng kanilang mga karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Araw-araw naming naririnig ang mga karanasang iyon habang sariwa at buung-buo pa. Walang kapantay ang mamasdan ang paglago at pag-unlad ng mga misyonero sa pagiging epektibong mga guro ng ebanghelyo at mga lider!”

Sister Frandsen: “Habang wala kami, gumagawa pa rin kami ng gawaing misyonero doon sa Arizona. Dalawa sa matatalik naming kaibigan ang nag-anyaya sa mga misyonero sa kanilang tahanan. Bukod pa riyan, nagpasiya ang anak kong babae at ang kanyang asawa na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Dahil dito, nabinyagan kamakailan ang isa sa kanilang mga kaibigan. Habang sinisikap naming maglingkod, mas maraming pagpapala ang matatanggap namin. Imposibleng matumbasan ang mga pagpapala ng Panginoon.”

Kapaki-pakinabang ba sa inyo ang paglilingkod sa misyon?

Elder Frandsen: “Hinding-hindi nakababagot ang gawaing misyonero! May mga bagong hamon at bagong pakikipagsapalaran araw-araw. Bukod sa mga tungkulin namin sa opisina, nagtuturo kami sa isang English class tuwing Sabado ng umaga at ng klase sa Doktrina ng Ebanghelyo tuwing Linggo ng umaga. Dalawang beses sa isang linggo nagtuturo kami ng English class sa mga returned missionary bilang paghahanda sa pag-aaral nila sa kolehiyo. Sumasama rin kami sa paghahanap at pagtuturo ng mga investigator. Bawat pagkakataong makapaglingkod ay nagbubukas ng mga bagong oportunidad para maituro ang ebanghelyo.”

May maipapayo ba kayo sa mga mag-asawang nag-iisip magmisyon?

Sister Frandsen: “Siguro isa sa mga pinakamalaking pangamba ko ang mga problema sa kalusugan; sa halip, mas lumusog pa kami. Nakatutulong sa aming kalusugan ang iskedyul namin sa misyon. Maaga kaming gumigising, maagang natutulog, nag-eehersisyo kami araw-araw, at masustansya ang kinakain namin. Biniyayaan ng Panginoon ng lakas ang mga misyonero para magampanan ang kanilang gawain. Hindi kayo dapat matakot!”

Elder Frandsen: “Kung minsan ay napapangiti kami kapag iniisip ng pamilya namin na sakripisyo ang ginagawa namin. Kakatiting ang sakripisyo kumpara sa mga pagpapala, galak, at kasiyahang ibinibigay ng Diyos sa amin sa bawat araw.”

Ang mga karanasan ng mga Frandsen ay pangkaraniwang puna na naririnig natin mula sa iba pang mga senior missionary na naglilingkod sa buong Asia. Kamakailan, naging emosyonal ang isang matandang mag-asawang misyonero nang payuhan sila na maaari nilang tapusin ang kanilang misyon nang mas maaga ng isang buwan para makauwi sila sa Kapaskuhan. Akala namin ang mga luha nila ay luha ng kagalakan sa pagkakataong muling makasama ang kanilang mga anak at apo sa araw ng Pasko. Hindi namin naunawaan na ang kanilang mga luha ay luha ng kalungkutan. Batid na baka hindi na sila magkaroon ng ibang pagkakataon na maglingkod muli sa ganitong kapasidad, hinangad nilang gugulin ang isa pang Pasko sa misyon!

Ikinararangal ko ang ating mga senior missionary. Tunay na binigyan sila ng kapangyarihan sa mga lugar kung saan kailangang maitatag ang pundasyon ng Simbahang ito at ilabas ito mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman.

Naglilingkod ang mga senior missionary sa marami at iba’t ibang tungkulin.

Itaas, mula kaliwa: Sina Elder at Sister Frandsen kasama ang mga misyonero sa kanilang district; naghahandang magbahay-bahay si Elder Frandsen kasama ang nakababatang mga elder; naglilingkod si Sister Frandsen sa Primary; ang Mexico City Mexico Temple, kung saan naglingkod sina Brother at Sister Ortíz (tingnan sa ibaba); tinawag sina Elder at Sister Lopes na tumulong sa pangangalap at pagsusulat ng kasaysayan ng Simbahan sa Brazil.

Mga paglalarawan nina Steve Bunderson, Hyun Gyu Lee, Welden C. Andersen, Cody Bell, Farrell Barlow, at David Stoker

Kanan: unang tatlong retrato sa kagandahang-loob nina Phil at Brenda Frandsen; retrato ng Mexico City Mexico Temple na kuha ni Welden C. Andersen; larawang kuha ni Laureni Ademar Fochetto