Pag-asa sa mga Ordenansa ng Ebanghelyo
Tiniyak sa akin ng asawa ko sa telepono na mas mabuti na ang kanyang pakiramdam at magiging maayos ang lahat. Makaraan ang tatlong araw lahat ay nabago.
Ako ay isinilang at lumaki sa Pilipinas, kung saan nakilala ko at pinakasalan ang aking asawang si Monina. Doon isinilang ang aming anak na si Mark. Noong kalagitnaan ng 1990s, lumipat ang aming pamilya sa Saipan, na isang maliit na isla sa Pacific. Doon, kami ay aktibong mga miyembro ng ibang simbahan. Paminsan-minsan, nakakakita ako ng pares-pares na mga binata na naglalakad-lakad sa isla, na maayos na nakasuot ng polong puti at kurbata. Alam ko na sila ay mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw, ngunit wala akong planong sumapi sa ibang simbahan. Kapag nakikita kong papalapit sila sa akin, talagang tumatalikod ako at tumatakbo sa kabilang direksyon.
Ang inaasal ko sa mga misyonero ay nagbago nang mabinyagan sa Simbahan ang dalawa kong kaibigan, sina Mel at Soledad Espinosa. Hinikayat nila ang aming pamilya na makipagkita sa mga misyonero, at halos dahil lang sa pag-uusisa, pumayag kami. Ang una naming pagkikita ay noong Agosto 2007, at nang ibahagi ng mga misyonero ang kanilang mensahe, may masidhi akong nadama. Bumilis ang pintig ng puso ko, at magandang pakiramdam ang dumaloy sa buong katawan ko. Kalaunan nalaman ko na naantig at nasiyahan ang buong pamilya ko. Lalong tumindi ang aming nadarama nang sumunod na mga buwan habang marami pa kaming natututuhan tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Nang magsimula kaming turuan ng mga misyonero, nagsimulang manghina ang katawan ni Monina, at nagsimulang maglabasan ang kakaibang mga bukol sa buong katawan niya. Lumala ang kanyang arthritis na di tulad ng dati. Pinatingnan namin siya sa doktor, ngunit walang maibigay na anumang sagot ang mga pagsusuri ng doktor. Sa paglipas ng mga buwan, lalong humina ang kanyang katawan hanggang sa kinailangan siyang patingnan muli sa doktor. Buwan ng Disyembre nang lumipad si Monina papuntang Pilipinas para doon magpagamot. Naiwan ako sa Saipan para patuloy akong makapagtrabaho at maalagaan ang aming binatilyong anak.
Bago siya umalis, sinabi sa akin ni Monina na gusto niyang magpabinyag pagbalik niya sa Saipan. Hiniling rin niya na patuloy akong makipagkita sa mga misyonero kahit hindi niya maririnig ang ilan sa mga lesson. Nangako ako sa kanya na gagawin namin ito ni Mark.
Noong nasa Pilipinas siya, palagi kaming nag-uusap para malaman ko ang nangyayari sa pagpapatingin niya sa doktor at marinig niya ang natututuhan namin sa ebanghelyo. Ibinalita ng asawa ko na unti-unting nababawasan ang sakit na nadarama niya sa araw-araw, at natuwa ako na epektibo ang panggagamot sa kanya. Sa simula ng Enero 2008, bumili ako ng tiket para mabisita siya, pero tiniyak niyang babalik agad siya sa Saipan at hindi na kailangang mag-aksaya ng pera sa biyahe. Sinabi niyang mahal niya kaming mag-ama at gustung-gusto na niya kaming makita at tiniyak na magiging maayos ang lahat.
Makaraan ang tatlong araw bigla siyang pumanaw. Ang sanhi: hindi natuklasang leukemia. Nabigla kami ni Mark—at labis na namighati. Kaagad kaming nagpunta sa Pilipinas para sa libing at pagkatapos ay bumalik sa Saipan. Ito ang pinakamahirap na panahon sa aming buhay.
Napakatindi ng kalungkutang nadama ko, na halos hirap akong bumangon mula sa higaan tuwing umaga. Nang isang araw na hirap na hirap ako, ipinaalala sa akin ni Mark ang isang bagay na itinuro ng mga misyonero sa aming pamilya. Sabi niya, “Itay, huwag na po kayong masyadong umiyak. Nasa isang lugar ng Diyos si Inay. Nasa daigdig siya ng mga espiritu.” Labis ang pasasalamat ko na naglaan ang isang makatarungang Diyos ng paraan para patuloy na malaman ni Monina ang tungkol sa ebanghelyo, upang ang sinumang nabuhay sa mundong ito ay magkaroon ng pagkakataong tanggapin o tanggihan ang ebanghelyo ni Jesucristo—sa buhay mang ito o sa kabilang-buhay.
Habang patuloy kong natututuhan ang mga turo ni Jesucristo, natanto ko na ang Ama sa Langit ay naglaan ng higit pa riyan: Naglaan din Siya ng paraan para matanggap ni Monina ang mahahalagang ordenansa tulad ng binyag. Bago umalis papuntang Pilipinas ang aking asawa, napag-usapan na naming mag-asawa ang tungkol sa pagpapabinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagama’t hindi siya nabinyagan sa buhay na ito, hindi kami iniwan ng Ama sa Langit nang walang pag-asa.
Kami ni Mark ay naharap sa ilang pagsubok nang sumunod na mga buwan. Matapos bumalik sa Pilipinas para sa libing ng aking asawa, nawalan ako ng trabaho. Ibinenta ko ang aming kotse para mabayaran ang mga bayarin ni Monina sa ospital. At bukod pa rito, kailangang masanay kami ni Mark sa buhay na wala si Monina. Sa kabila ng mga paghihirap, nakatagpo kami ni Mark ng pag-asa sa bago naming relihiyon, at nabinyagan kami noong Abril 2008. Nang sumunod na mga buwan, nakahanap ako ng ibang trabaho at nabayaran ang mga bayarin sa ospital. Hinangad namin ni Mark na makasama sa pagbiyahe ng aming branch papunta sa Manila Philippines Temple upang mabuklod kami bilang pamilya.
Matapos maipon ang lahat ng aming sobrang kinikita at espirituwal na maihanda ang aming sarili, sumama kami ni Mark sa pagpunta ng aming branch sa templo noong Mayo 2009. Habang naghahanda kami para sa biyahe, naranasan namin mismo ang mapanirang gawain ng kaaway gayundin ang nagpapalakas at nagpapasiglang pagmamahal ng ating Ama sa Langit. Nagkasakit ako nang malubha isang araw bago ang takdang araw ng pagpunta sa templo. Ang ilang miyembro ay nagkaroon ng hindi inaasahang mga problema sa imigrasyon, samantalang nagkaproblema naman ang iba sa pagkuha ng mga pasaporte. Ang aming mga kaibigan na nagpakilala sa aking pamilya sa ebanghelyo, ang mga Espinosa, ay nawalan ng mga trabaho noong linggong ma-iskedyul kami na magpunta sa templo. Ang matindi pa, namatay sa biglaang pagkakasakit ang tatay ng isang miyembro ng aming branch presidency na naka-iskedyul na pumunta sa templo sa kauna-unahang pagkakataon tatlong araw bago ang aming biyahe. Ngunit sa huli pinalakas ng Panginoon ang bawat isa sa amin at nakapunta ang 42 miyembro ng branch sa templo. Labing-anim sa amin ang nakapunta sa kauna-unahang pagkakataon.
Ang Mayo 13, 2009, ang araw na hinding-hindi ko malilimutan. Nang dumating ako sa templo, ang lungkot at sakit na dulot ng pagkamatay ng aking asawa ay kaagad napawi. Bagama’t sa una ay kinakabahan ako sa templo dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin at saan pupunta, nakadama ako ng kapayapaan at katahimikan sa pagpasok ko sa loob. Talagang kakaiba ito sa maingay na kalsada sa labas lamang ng templo.
Sa paglipas ng maghapon, naging mas makabuluhan at nakaaantig ang naranasan ko sa templo. Sa umaga nakibahagi ang aming branch sa pagbibinyag para sa mga patay. Habang nakamasid ako, natagpuan ko ang aking sarili na iniisip ang aking asawa, na nagpahayag ng kanyang hangaring mabinyagan isa at kalahating taon na ang nakararaan. Nasaksihan ko ang katuparan ng hangaring iyan nang mabinyagan ang isang kaibigan para kay at alang-alang kay Monina.
Gayunpaman ang pinakamahalagang bahagi ng pagpunta ko sa templo ay nangyari nang hapong iyon nang maglakad ako papunta sa sealing room o silid-bukluran. Maraming taon na kaming kasal ng aking asawa, ngunit hindi kami ikinasal sa templo sa awtoridad ng priesthood ng Ama sa Langit. Nang pumanaw ang asawa ko, akala ko habampanahon na siyang nawala sa akin. Ngunit sa pakikipag-usap ko sa mga misyonero, nalaman ko na sa templo, ang mga pamilya ay maaaring magkakasamang mabuklod sa kawalang-hanggan.
Habang naglalakad ako papasok sa sealing room sa Manila Temple, napuspos ako ng kagalakan. Mula nang mabinyagan ako, alam kong totoo ang mga pagpapala ng ebanghelyo, ngunit sa sandaling iyon tunay na nasaksihan ko ang kahalagahan ng mga ito. Nang lumuhod kami ni Mark sa altar upang mabuklod bilang pamilya, nadama ko ang presensya ng aking asawa. Naririnig ko ang kanyang tinig, at parang kamay niya ang hawak ko. Dama ko ang presensya ni Monina sa bawat pintig ng aking puso. Noon ko nalaman na kami ay isang walang hanggang pamilya.