Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang Aklat ni Mormon Bilang Personal na Gabay
Nadarama nating lahat, sa ating pinakamasasayang sandali, ang hangaring makabalik sa piling ng Diyos. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang Pinakamamahal na Anak bilang ating Tagapagligtas upang maglaan ng landas at turuan tayo kung paano susundan ito. Binigyan Niya tayo ng mga propeta upang ituro ang daan. Ang Propetang Joseph Smith ay binigyang-inspirasyon na isalin ang talaan ng mga propeta na siya ngayong Aklat ni Mormon. Ito ang ating tiyak na gabay pauwi sa Diyos.
Sinabi ni Joseph Smith tungkol sa mahalagang aklat na ito, “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”1
Ang mga tuntunin ng Aklat ni Mormon ay ang mga kautusan ng Diyos na matatagpuan natin dito. Ang ilan ay tuwirang mga utos mula sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta kung ano ang dapat nating gawin at ano ang dapat nating kahinatnan. Ibinigay sa atin ng Aklat ni Mormon ang halimbawa ng Tagapagligtas upang dagdagan ang ating pananampalataya at determinasyong sundin ang Kanyang utos na sumunod sa Kanya. Ang aklat ay puno ng doktrina ni Cristo upang gabayan tayo. Narito ang isang halimbawa mula sa 2 Nephi:
“Sinabi [ni Jesus] sa mga anak ng tao: Sumunod kayo sa akin. Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, makasusunod ba tayo kay Jesus maliban sa tayo ay nakahandang sumunod sa mga kautusan ng Ama?
“At sinabi ng Ama: Magsisi kayo, magsisi kayo, at magpabinyag sa pangalan ng Sinisinta kong Anak” (2 Nephi 31:10–11).
Nilinaw sa aklat na kailangan nating matanggap ang Espiritu Santo bilang binyag ng apoy upang tulungan tayong manatili sa makipot at makitid na landas. Itinuro sa atin na kailangan tayong laging manalangin sa pangalan ni Cristo, huwag manghina, at kung gagawin natin ito, may pangako sa atin na: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, magpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).
Nilinaw sa Aklat ni Mormon sa kagila-gilalas na sermon ni Haring Benjamin kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Kapag nabago ang likas nating pagkatao sa pamamagitan ng kapangyarihan o bisa ng Pagbabayad-sala at sa katapatan natin sa pagsunod sa mga kautusan, tayo ay mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos (tingnan sa Mosias 4:1–12).
Binibigyan din tayo ng Aklat ni Mormon ng tiwala na maaari tayong lubhang mapadalisay sa buhay na ito na hindi na tayo maghahangad na gumawa pa ng masama (tingnan sa Mosias 5:2). Ang pag-asang ito ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob at kapanatagan habang sinisikap ni Satanas na tuksuhin tayo at pahinain ang ating loob.
Tuwing magbabasa ako ng kahit ilang linya lang sa Aklat ni Mormon, nadarama ko na lumalakas ang aking patotoo na ang aklat ay totoo, na si Jesus ang Cristo, na maaari natin Siyang sundan pauwi, at maaari nating isama pauwi ang mga mahal natin sa buhay. Para sa akin ito ang pinakadakilang aklat. Ito ang salita ng Diyos.
Dalangin ko na tayo at lahat ng mahal natin sa buhay ay uminom nang uminom mula rito araw-araw. Pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo na ito ay isang tunay na gabay.