Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Mga Aral mula sa Isang Aquarium
Ang pag-aalala ng anak kong babae sa nawalang maliit na isda ay nagpaisip sa akin tungkol sa isang tao at para sa kanya tayo ay hindi kailanman nawala at walang kabuluhan.
Alam ng isang miyembro ng aming bishopric na may aquarium ang siyam-na-taong-gulang kong anak na babae at isang araw ay tinanong niya ang anak ko kung gusto pa nito ng mga isda. Magbabakasyon ang pamilya niya at kailangan nilang alisin ang laman ng kanilang aquarium. Kaagad niyang tinanggap ang alok, at sa katuwaan ng anak ko, may nakasamang isang buntis na guppy sa grupo.
Pag-uwi mula sa simbahan isang hapon, ginawa ng anak ko ang dati niyang ginagawa na tingnan ang aquarium para makita kung masigla at malusog ang bawat isda. Laking gulat niya nang makita ang apat na maliliit na bagong silang na isda. Nagsimula nang manganak ang inang guppy. Kumilos siya kaagad, inilipat ang maliliit na isda sa ligtas na kahon na poprotekta sa mga ito sa mas malaki at agresibong mga isda. Gayunman, sa katuwaan, nawala ang isang maliit na guppy. Habang umiiyak sa pagkalungkot, nakita ito ng anak ko sa maliliit na bato sa ilalim ng aquarium. Sinikap niya itong salukin sa kanyang maliit na lambat para ilagay sa ligtas na kahon, ngunit hindi niya maililipat ang maliit na guppy nang hindi ito nasusugatan.
Nahuling lahat ang iba pang maliliit na guppy, at kahit puno ng maraming bagong maliliit na isda ang ligtas na kahon, matamang nakatuon ang pansin ng anak ko roon sa isdang nalaglag sa mga bato. Nakaupo siya at handang ilipat ito sa kahon kapag gumalaw ito. Tumanggi pa siyang maghapunan habang binabantayan ang kanyang aquarium nang mga apat na oras.
Habang pinagmamasdan ko siya, naalala ko ang ilang pamilyar na bagay. Naisip ko ang Mabuting Pastol, na iniwan ang Kanyang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isang nawawala (tingnan sa Lucas 15:3–8; Juan 10:11–14). Alam nating lahat kung ano ang pakiramdam ng mawala o magdalamhati o magkasakit sa espirituwal. Subalit hinding-hindi tayo pababayaan ng Tagapagligtas. Lagi Siyang nariyan na nakaunat ang mga bisig, handa at nagkukusang iligtas, palakasin, at pagpalain tayo.
Kahit hindi natin laging natatanto, magiliw tayong binabantayan nang husto ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo gabi’t araw, na lubhang nag-aalala sa ating kapakanan at sa landas na pinili nating tahakin. Dahil sa pagmamahal nila na walang hanggan, pinababantayan Nila tayo sa Kanilang mga anghel, naghihintay na magkaroon tayo ng sapat na lakas at pananampalatayang makahanap ng kaligtasan at kapayapaan sa Kanilang mga bisig.
Kalaunan sa araw na iyon nasulit ang pag-aalala ng anak ko sa guppy na iyon. Matapos ang mahaba at nakapapagod na mga oras ng kanyang paghihintay at pag-asam, sa wakas ay kumislot din ang isda at saka dahan-dahang lumangoy palabas sa mga bato. Maingat itong inilagay ng anak ko sa komportable at ligtas na kahon. Sapat nang patunay iyon sa akin ng nagpapalakas na kapangyarihan ng pagmamahal.