Ang Ebanghelyo ay para sa Lahat
Hango sa “Friend to Friend,” Liahona, Abr. 1999, K2–K4.
Noong 11 anyos ako, lumipat ang pamilya ko sa West Germany. Ang tatay at nanay ko ay may palabahan para kumita, at ako ang tagahatid ng mga labada. May nakita akong makikintab na pulang bisikleta, at pinangarap kong magkaroon noon para magamit ko sa paghahatid. Ngunit kailangan ko ng matibay na bisikleta na hahatak sa kariton na sisidlan ng mga labada. Habang nakabisikleta hatak ko ang mabigat na kariton ng labada bago pumasok at sa pag-uwi galing sa paaralan. Masakit makita ang ibang mga bata na naglalaro. Ngunit lahat kami sa aming pamilya ay kailangang magtrabahong mabuti, at mahalagang bahagi ako ng negosyo ng pamilya.
Sa pagtanda ko, natuto ako tungkol sa mga pagpapala ng paggawa ng mga bagay na noong panahong iyon ay hindi mo alam na mahalaga at makakabuti sa iyo. Noong maliit pa ako, nagkaroon ako ng sakit sa baga, pero walang nakaalam niyon noong panahong iyon. Nang lumaki na ako, sumali ako sa air force. Nakita ng mga doktor na may mga butas ako sa baga. Dahil sa masipag na pagpadyak habang dala ang mabigat na labada, sa kung anong paraan ay kusang gumaling ang katawan ko. Nakatagal ang katawan ko. Naging malakas ako. Sabi ng mga doktor kusang gumaling ang sakit at nakapasa ako sa pisikal na pagsusuri. Kung hindi, hindi sana ako naging piloto.
Bilang piloto, nakalipad na ako sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi ako nagsawa sa pagtingin sa mga bituin, ulap, at tanawin. Nakita ko na ang kagandahan ng iba’t ibang bansa na may iba’t ibang kultura. Alam ko dahil sa pagpunta sa mga lugar na iyon at pagkakita sa mga tao at sa Simbahan sa iba’t ibang lugar na iyon na ang ebanghelyo ay para sa lahat, saang bansa ka man nakatira o anuman ang mga tradisyon ninyo. Ito ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang salita ng Diyos—nasusulat man ito sa mga banal na kasulatan o binibigkas ng buhay na mga propeta, nababasa man natin ito sa mga magasin ng Simbahan o naririnig sa mga pangkalahatang kumperensya—ay para sa lahat.