2010
Ang Bahaging Para sa Atin
Setyembre 2010


Ang Bahaging Para sa Atin

Natuon ang Pansin sa Aklat na Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Isang araw habang tumutulong akong maglinis sa bahay, nakita ko ang kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ng aking kapatid mula sa kanyang misyon. Alam kong ginagamit iyon ng mga misyonero, ngunit hindi ko pa iyon nabasa kahit kailan. Sinimulan ko itong basahin at halos ayaw kong tigilan ito. (Kinailangan kong tumigil kasi maglilinis pa ako, pero ayaw ko talaga!)

Noon ko pa iniisip kung paano ginagawa ng mga misyonero ang mga bagay na ginagawa nila. Natanto ko na matutulungan ako ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na higit na maunawaan ang gawaing misyonero. Natulungan ako nitong maging mas mahusay sa paglapit at pagkausap sa mga tao at pagbabahagi ng ebanghelyo sa mas mainam na paraan.

Alissa F. (itaas), edad 19, New Hampshire, USA

Matapos matutong mag-scuba dive, bumili ako ng digital underwater camera at kinunan ko ng retrato ang bawat isdang nakita ko sa karagatan. Sa pamamagitan ng libangang ito nagkaroon ako ng patotoo sa dakilang paglikha ng daigdig. Kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang katibayan na mayroong Diyos, iniisip ko ang Moises 6:63, kung saan sinabi ng Panginoon, “Lahat ng bagay ay nilalang at nilikha upang magpatotoo sa akin, kapwa mga bagay na temporal, at mga bagay na espirituwal; mga bagay na nasa langit sa itaas, at mga bagay na nasa lupa, … at mga bagay na nasa ilalim ng lupa.”

Elder Bates, edad 20, Cauayan Philippines Mission

Ang Paborito Kong Banal na Kasulatan

2 Nephi 2:13

Sinasabi sa banal na kasulatang ito na talagang mayroong Diyos. Sinasabi rito na kung walang kasalanan, hindi magkakaroon ng kabutihan. Kailangang may pagsalungat. Ito ay isang banal na kasulatan na nagpapatotoo na mayroong Diyos.

Maria H. (ibaba), edad 15, Hesse, Germany

Youth Conference

Noong isang taon nang magpunta ako sa youth conference, wala akong kaalam-alam sa magiging epekto nito sa akin. Nagkaroon kami ng tatlong araw na puno ng masasayang aktibidad, at tuwang-tuwa akong makita ang dati kong mga kaibigan, makakilala ng mga bagong kaibigan, at makasali. Pero ang paborito kong bahagi ay ang testimony meeting. Malakas ang Espiritu habang nagpapatotoo kami tungkol sa ebanghelyo, at marami sa amin ang napaluha. Para sa akin ang magandang pakiramdam na ito ay nagtagal nang ilang araw pagkatapos ng conference, at ninais kong manatili iyon. Ni hindi ako nanood ng TV o nakinig sa musikang hindi pang-Simbahan. Ang karanasang ito ay talagang nagpatibay sa patotoo ko sa Simbahan.

Malalaman lang natin na totoo ang Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu. Dapat nating gawin ang mga bagay na nagtutulot sa Espiritu Santo na makasama natin, gaya ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal nang taimtim araw-araw, at pag-iisip ng mga panahon na nadama natin ang Espiritu. Kapag namuhay tayong kasama ang Espiritu, madarama natin ang Kanyang impluwensya at malalaman natin na ang Simbahan ay totoo. Mahal ko ang ebanghelyo; may mga sagot at patnubay dito. Sana’y malaman ng buong mundo ang alam natin.

Tahnee H., edad 20, South Australia

Larawan ng bandila © Getty Images; iba pang mga larawang kuha nina Melissa Merrill, J. Tyler Bates, at David A. Edwards