Pagpapalain Ako ng Diyos
Julio Cesar Merlos, Texas, USA
Naglilingkod ako sa mission office ng El Salvador San Salvador Mission nang ilipat ako ng mission president sa isang lugar na maraming taon nang isinara sa mga misyonero. Ang mga lider ng branch doon ay hindi lamang nanalangin at nag-ayuno na magbalik ang mga misyonero, kundi pinaghandaan din nila ang araw na iyon.
Nang dumating ako, ang bawat pamilya sa branch ay may mga kaibigan na handa nang makinig sa mga misyonero. Ipinakilala kami ng isang miyembro sa isang babaeng nagngangalang Ana Oviedo, na nagtitinda ng mga prutas at pagkaing gawa sa bahay sa isa sa mga pinakamataong kalsada sa lungsod. Habang nagtitinda siya ng pagkain doon isang umaga ng Sabado, nagtanong kami kung maaari namin siyang bisitahin sa kanyang tahanan at ibahagi ang mensahe tungkol kay Jesucristo. Tinanggap niya.
Pagdating namin nang gabing iyon, naghihintay na si Ana at ang kanyang apat na anak. Nagpakilala kami at nagsimulang magturo sa kanila. Nabigyan kami ng inspirasyon na ituro ang tungkol sa mga pagpapala ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Itinuro din namin sa pamilya ang tungkol sa ikapu at ang mga ipinangako ng propetang si Malakias (tingnan sa Malakias 3:10–12).
Bilang tugon, sinabi sa amin ni Ana na nakapaghanda na siya para magtinda ng pagkain kinabukasan—Linggo—tulad ng dati niyang ginagawa. Pagkatapos nanalangin kami, hinihiling sa Ama sa Langit na pagpalain ang mahirap na pamilyang ito, na nangangailangan ng kita ng ina.
Kinabukasan nagulat kaming makita na nagsimba siya kasama ang kanyang mga anak. Sinalubong namin sila at nagtanong kung ano ang nangyari sa pagkaing inihanda niya para ibenta.
“Elders, pinag-isipan kong mabuti kagabi ang mga pangako ng Diyos,” sabi niya. “Pagpapalain Niya ako.” Idinagdag pa niya, “Elders, saan ako magbabayad ng ikapu?”
Naantig kami sa ipinakita niyang pananampalataya, at idinalangin namin na sagutin ng Panginoon ang aming mga dasal para sa pamilyang ito.
Nang sumunod na gabi pumunta kaming muli sa kanyang bahay. Umiiyak siyang nagpapasalamat dahil lubos siyang pinagpala ng Diyos sa araw na iyon. Sabi niya habambuhay siyang nagtitinda ng pagkain sa kantong iyon—Lunes hanggang Linggo, alas 8:00 n.u. hanggang alas 6:00 n.g.—at palaging may natitira sa tinda niya. Ngunit nang Lunes na iyon naibenta niyang lahat ang pagkain pagsapit nang ala 1:00 n.h.
Sinagot ng Ama sa Langit ang aming mga dasal. Patuloy na pinagpala ng Panginoon si Ana, at hindi na niya kailangang magtinda ng pagkain tuwing Sabbath. Nabinyagan kalaunan ang kanyang mga anak, ngunit hindi pinayagan si Ana ng kanyang asawa na mabinyagan. Gayunpaman, nanatili siyang tapat sa ebanghelyo at nagsimba hanggang sa araw na pumanaw siya.
Alam kong tinutupad ng Ama sa Langit ang Kanyang mga pangako kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos nang buong puso natin.