Kailangan ni Jim ang Tulong Ko
Jean Partridge, Utah, USA
Pagkatapos ng aming kasal sa Salt Lake Temple, tumira kami ni Jim sa isang paupahang bahay sa baybayin ng Oregon. Si Jim ay isang topographic engineer sa gobyerno, na namamahala sa pagsusuri at pagwawasto ng mapa ng baybayin ng Oregon. Tuwing umaga umaalis siya kasama ang isa pang inhinyero para ipagpatuloy ang gawain ng nakaraang araw. Mahirap ang kanyang trabaho dahil maraming punongkahoy ang baybayin.
Isang gabi habang naghahanda na ako ng hapunan, isang malakas na impresyon ang pumasok sa aking isipan na hindi mahalaga ang aking paghahanda. Hindi makakauwi si Jim para maghapunan sa gabing iyon. May sumunod pang pumasok sa aking isipan: Nanganganib si Jim at kailangan niya ang tulong ko!
Wala akong narinig na tinig, ngunit malinaw na dumating ang mensahe sa aking isipan na para bang sinabi ito. Kailangang matulungan ko siya, pero nasaan siya? Nagtrabaho siya bawat araw sa may baybayin, ngunit wala akong ideya kung saan siya nagtrabaho nang araw na iyon. Nadama kong dapat akong sumakay sa kotse at magmaneho papunta sa highway o pangunahing lansangan, pero saang direksyon ako pupunta? May kaunting pag-aalinlangan na nadama kong kailangan akong pumunta sa dakong timog. Marami akong nadaanang maliliit na kalsada, maaaring sa isa sa mga ito nagtatrabaho si Jim.
Naisip ko na umalis sa highway at sundan o tahakin ang isa sa mga single-lane na daan. Umuulan noon, at paglampas ng isa o dalawang milya naging maputik ang daanan. Nagpasiya akong lumiko pabalik. Pagabi na, at naisip ko, “Kalokohan lang ang pagpunta ko rito.”
Kaagad sa pagliko ko sa highway nakita ko ang dalawang pagod at lupaypay nang mga inhinyero, putikan at di gugustuhin ninuman na isakay sila. Sinabi sa akin ni Jim at ng kasamahan niya na nabaon ang kanilang trak sa putik. Sinikap nilang maialis ito pero sa huli iniwan nila ito at naglakad sa masukal na kadawagan pabalik sa pangunahing highway.
“Paano mo nalaman kung nasaan kami?” ang pagtataka nila, na tuwang-tuwa na natagpuan ko sila. Ganoon din ang kasiyahan ko habang ipinapaliwanag ko kung paano ako ginabayan ng Espiritu.
Habang nakaluhod kaming nananalangin ni Jim nang gabing iyon, nagpasalamat kami sa impluwensya ng Espiritu Santo, na dumating sa akin bilang sagot sa mga panalangin ng aking asawa na tulungan siya.