Makauwi Pa Kaya si Iñaki?
Paulina del Pilar Zelada Muñoz, Santiago, Chile
Pagkaraan lamang ng 23 linggo sa sinapupunan, ang pangatlong anak naming lalaki, si Iñaki, ay isinilang sa pamamagitan ng emergency cesarean section. Ang timbang niya 1 libra, 4 na onsa (560 g) lang at ang haba niya ay 12.2 pulgada (31 cm).
Dahil walang-wala pa sa panahon ang pagsilang ng aming anak, napakaliit ng pagkakataon niyang mabuhay. Tinanong kami ng doktor kung talagang gusto naming tulungan siya ng mga manggagamot, para mapahaba pa ang buhay niya. Sumagot ako na hangga’t buhay siya, kailangan naming bigyan siya ng pagkakataong mabuhay. Pagkatapos ay humiling ako sa Diyos ng isang himala.
Biniyayaan ng lakas si Iñaki noong unang gabing iyon. Nang sumunod na apat na mahahabang buwan, nabutas na ang kanyang mga bituka, dinugo ang kanyang utak, at bumigay ang kanyang baga. Dahil sa kanyang kalagayan, pinahintulutan kaming bigyan siya ng pangalan at basbas sa ospital.
Sa buong prosesong ito, may nakilala kaming iba pang mga magulang na gayon din ang dinanas, at inalalayan at inalo namin ang isa’t isa. Nagbahagi rin kami ng patotoo tungkol sa ebanghelyo sa lahat ng nakausap namin.
Isang araw tumanggap kami ng tawag na magpunta sa ospital upang magpaalam sa aming anak, na hindi na inaasahang magtatagal pa sa buong hapong iyon. Pagdating namin, niyakap namin siya at kinausap. Hindi maipaliwanag ang sakit nang makita namin siyang hinang-hina na. Sa kauna-unahang pagkakataon, natanto naming mag-asawa na pansamantalang tagapag-alaga lang kami ng anak na ito ng Diyos. Ang tanging nagawa namin para sa kanya ay magdasal at hilingin sa Ama sa Langit na mangyari ang Kanyang kalooban. Nanatiling buhay si Iñaki noong hapong iyon, at nagpapasalamat kami na nagpatuloy iyon nang sumunod na mga araw.
Sa apat na buwang ginugol ni Iñaki sa neonatal intensive-care unit, paulit-ulit naming nakita ang kapangyarihan ng priesthood nang basbasan ng Ama sa Langit ang aming anak sa pamamagitan ng mga kamay ng mga manggagamot at mga maytaglay ng priesthood—na kalaunan ay nagpagaling sa kanya, na lubhang ikinagulat ng mga doktor.
Noong Oktubre 2008, umuwi si Iñaki.
Marami kaming natutuhan sa karanasang ito bilang pamilya. Alam namin na mahal tayo ng ating Ama sa Langit at gumagawa Siya ng mga himala at pinangangalagaan ang Kanyang mga Banal sa kabila ng mga pagsubok na dapat nating tiisin. At mas nauunawaan namin ang layunin ng mga walang hanggang pamilya, ang mahalagang tungkuling ginagampanan nila sa plano ng kaligayahan, at kung gaano kabukas-palad ang ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak.
Ngayon ay nagbago na ang aming pamilya, mas nagkakaisa at mas batid ang mga pagdurusa at pangangailangan ng mga tao sa aming paligid—lahat ng ito dahil sa aming anak at sa himalang naihatid niya sa aming buhay.