2014
Puntahan Mo at Ayusin ang Kanyang Stereo
Enero 2014


Puntahan Mo at Ayusin ang Kanyang Stereo

Kent A. Russell, Florida, USA

Ang kapitbahay namin ay isang pastor ng mga kabataan sa isang lokal na simbahan, at madalas siyang bisitahin ng mga kabataan ng kanyang simbahan. Karaniwan na ang makakita ng ilang kotseng nakaparada sa harapan ng bahay niya sa umaga’t gabi.

Palaging nagpapatugtog nang malakas ang ilan sa mga tinedyer na ito sa stereo ng kanilang kotse. Naririnig namin silang dumarating kahit ilang kanto pa ang layo nila, at habang papalapit sila, yumuyugyog ang mga bintana sa bahay namin. Madalas akong magising sa gabi dahil sa lakas ng tugtog. Tumindi ang pagkainis ko, at sinimulan kong ituring na kaaway ang mga tinedyer na ito.

Isang araw habang nagkakalaykay ako ng mga dahon, narinig ko ang malakas na tunog ng stereo ng isang kotse na ilang kanto ang layo sa amin. Hindi nagtagal papalapit at papalakas na ang tunog. Nang lumiko ang drayber sa kanto papunta sa bahay ng kapitbahay ko, nagalit ako at ipinagdasal ko na sirain sana ng Ama sa Langit ang stereo.

Ang desperado kong panalangin ay nauwi sa papuri at pasasalamat nang biglang namatay ang stereo nang pumarada siya. Matagal na akong nagkukumpuni ng mga stereo ng kotse at alam ko sa tunog pa lang na hindi iyon pinatay kusang namatay iyon.

Nainis ang binatilyo nang hindi na gumana ang kanyang stereo, at inalo siya ng kanyang mga kaibigan. Natuwa naman akong masaksihan ang inakala kong kamay ng Diyos na siyang sumira sa stereo.

Ngunit habang patuloy akong nakamasid, natanto ko na nakikita ko ang sarili kong pag-uugali maraming taon na ang nakararaan. Lumambot ang puso ko, at naisip ko na maaaring hindi ko kaaway ang tinedyer na ito tulad ng inaakala ko. Pagkatapos ay bumulong ang Espiritu, “Puntahan mo at ayusin ang stereo niya.”

Nagulat ako sa pahiwatig na iyon at sinikap kong huwag pansinin iyon. Bakit ko aayusin ang isang bagay na nagpapahirap sa buhay ko? Ngunit muling dumating ang pahiwatig, at sinunod ko iyon.

Matapos akong mag-alok ng tulong, agad kong nakita ang pinagmulan ng problema. Mabilis ko iyong nagawa. Hindi nagtagal ay muling tumugtog nang malakas ang stereo gaya ng dati.

Nagpasalamat ang binata at nagtanong kung may magagawa siya para sa akin. Sinabi ko sa kanya na kailangan kong gumising nang maaga para makapasok sa trabaho, at kung puwede niyang hinaan ang pagpapatugtog niya sa gabi, talagang pasasalamatan ko iyon. Ngumiti siya at tiniyak sa akin na gagawin niya iyon.

Hindi lang niya hininaan ang stereo niya sa gabi, kundi siya rin ang sumasaway at tumitiyak na hinihinaan din ng mga kaibigan niya ang stereo nila. Mula noon, hindi na kami nagkaroon ng problema sa malakas na tugtog sa gabi.

Talagang dininig at sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin. Ang Kanyang solusyon ay naglaan ng kapayapaan at katiwasayan, isang mahalagang aral tungkol sa pagsunod sa Espiritu, at higit na pag-unawa sa kahulugan ng “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway” (Lucas 6:27).