2014
Imbitado Kayo
Enero 2014


Imbitado Kayo

Young Women general presidency 2013

Sino ba ang ayaw tumanggap ng paanyaya? Kapag tumanggap tayo ng paanyayang dumalo sa isang birthday party o handaan sa kasal, masaya tayong ipagdiwang na kasama ng iba ang mahahalagang pangyayari sa kanilang buhay. Ang tema ng Mutwal para sa 2014 ay may masayang paanyaya rin na walang hanggan ang kahalagahan: “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan” (Moroni 10:32).

Maraming paanyayang nangangailangan ng sagot—isang RSVP—para ipaalam kung dadalo tayo o hindi. Nakatugon na ba kayo sa paanyayang ito sa inyong buhay? Ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo ay sinusunod natin ang sagradong tipan na ginawa natin sa binyag. Ibig sabihin nito ay tinanggap natin si Jesucristo bilang personal nating Tagapagligtas at Manunubos. Ibig sabihin nito ay kinikilala at pinaniniwalaan natin ang itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Siblon: “Walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo” (Alma 38:9). Ang ibig sabihin ng pagtanggap sa paanyayang ito ay tapat tayong nangako na susundin ang perpektong halimbawa ni Cristo sa pamamagitan ng malinis at banal na pamumuhay at pagmamahal at paglilingkod sa kapwa.

Ang paanyayang ito ay hindi isang minsanang kaganapan; ito ay isang proseso. Inaanyayahan tayong sumunod sa landas na aakay sa atin tungo sa templo, kung saan tayo gumagawa ng karagdagang mga tipan sa ating Ama sa Langit at nakikibahagi sa mga ordenansang mahalaga sa ating kadakilaan. Maaaring kabilang sa landas na ito ang pagmimisyon. Kabilang dito ang kasal sa templo at pagiging matwid na kalalakihan at kababaihan sa kaharian ng Diyos. Nangangahulugan din ito ng pagtitiis hanggang wakas. Tulad ng nakasaad sa paanyaya, kapag lumapit tayo kay Cristo, maaari tayong maging ganap sa Kanya. Ginagawang posible ni Cristo na manatili tayo sa landas na ito ng tipan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya at pagsisisi. Ang proseso ng pagiging ganap o perpekto ay maaaring magsimula ngayon; nangyayari ito dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo.

Hinihingi ng paanyayang ito na pagkaitan natin ang ating sarili ng lahat ng kasamaan—na huwag sumunod sa uso, mga pamantayan, at gawi ng mundo. Inaanyayahan tayong “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti” (D at T 25:10). Pinatototohanan namin na ang pagtanggap sa paanyayang “lumapit kay Cristo at maging ganap” ay hahantong sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa mundong darating. Inaanyayahan kayong tumugon ngayon!