Pinagkakaisa ng Family History ang mga Pamilya
Yael B., Argentina
May nakita akong mithiin sa Pansariling Pag-unlad na humikayat sa akin na simulan ang aking family tree. Tuwing pupunta ako noon sa lolo’t lola ko para mananghali, kinukuwentuhan nila ako tungkol sa buhay nila at ng iba kong mga kamag-anak. Sinimulan kong magpunta sa family history center at magtipon ng impormasyon tungkol sa aking pamilya.
Naaalala ko noong makita ko ang impormasyon tungkol sa aking kalola-lolahan. Habang buntis siya, nagpunta siya sa Argentina sakay ng isang barko. Habang naglalayag, inilibing niya ang kanyang anak na lalaki sa karagatan. Isang kuwento lang siya para sa akin hanggang sa matagpuan ko ang kanyang pangalan sa isang talaan. Mas napalapit pa ako sa aking lolo’t lola, at nakilala ko ang aking mga ninuno na para bang nakapiling ko sila. Nakakita ako ng impormasyon tungkol sa aking mga ninuno, ibinahagi ko ang mabubuting balita ng walang-hanggang pagbubuklod, at nakatulong akong mapagpala ang maraming henerasyon.
Patuloy kong natutuklasan ang natatagong mga kayamanan, salamat sa FamilySearch. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Pinatototohanan ko na kapag ginagawa natin ang lahat upang maisakatuparan ang gawaing nasa ating harapan, ipapagamit sa atin ng Panginoon ang sagradong susing kailangan upang malantad ang kayamanang pinakahahangad natin.”1 Sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap, matutuklasan natin ang mga susi sa ating walang-hanggang kayamanan, at balang-araw ay personal nating makakaharap ang ating mga ninuno.