Mga Tampok sa Ika-185 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
“Kayo ay anak ng ating Ama sa Langit,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson sa sesyon sa Linggo ng umaga ng pangkalahatang kumperensya. “Kayo ay pumarito mula sa Kanyang kinaroroonan upang mabuhay sa mundong ito nang ilang panahon, maging huwaran ng pagmamahal at mga turo ng Tagapagligtas, at buong tapang na paningningin ang inyong ilaw para makita ng lahat. Kapag nagwakas na ang inyong buhay sa daigdig, kung nagawa ninyo ang inyong bahagi, mapapasainyo ang maluwalhating pagpapalang makabalik at makapiling Siya magpakailanman” (pahina 88).
Binanggit sa pangkalahatang kumperensyang ito ang pagpanaw kamakailan ni Pangulong Boyd K. Packer at nina Elder L. Tom Perry at Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang tatlong bagong miyembro ng korum: sina Elder Ronald A. Rasband, Elder Gary E. Stevenson, at Elder Dale G. Renlund.
Iba pang mga tampok na bahagi:
-
Binigyang-diin sa mga mensahe nina Elder M. Russell Ballard, Elder David A. Bednar, at Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan, na may mga propeta at apostol bilang pundasyon nito, upang gawin ang Kanyang gawain at makabalik tayo sa Kanya (tingnan sa mga pahina 24, 128, at 108).
-
Ipinaliwanag sa mga mensahe nina Pangulong Russell M. Nelson at Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mahahalagang tungkulin ng kababaihan. Sabi ni Pangulong Nelson: “Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!” (pahina 96).
-
Pinagtibay ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na “dinanas at pinagdusahan ng ating Tagapagligtas ang kabuuan ng lahat ng pagsubok sa buhay. … At dahil dito, binigyang-kapangyarihan Siya ng Kanyang Pagbabayad-sala na tulungan tayo—na bigyan tayo ng lakas na tiisin ang lahat” (mga pahina 61–62).