2017
Isang Tulay tungo sa Pag-asa at Paggaling
April 2017


Isang Tulay tungo sa Pag-asa at Paggaling

Kapag may angkop na tulong, masusumpungan ng mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso ang paggaling na labis nilang ninanais.

creating a bridge

Paglalarawan ni Cristina Bernazzani

Kunwari’y nakatayo ka sa gilid ng isang talampas at gusto mong makarating sa kabilang panig ng isang malalim na bangin, kung saan may nakapagsabi sa iyo na malaking kaligayahan ang naghihintay sa iyo. Habang naghahanap ka ng paraan para makatawid, may nakita kang isang tumpok ng mga gamit na, kung mapagdurugtong mo nang wasto, ay makabubuo ng tulay patawid sa bangin.

Kung hindi mo alam kung paano gawin ang tulay, mawawalan ng silbi ang mga gamit at malulungkot ka at mawawalan ng pag-asa. Pero kung hihingi ka ng tulong sa isang taong may karanasan sa pagbuo ng mga tulay, maaaring maragdagan ang kaalaman at pang-unawa mo at magkasama ninyong matatapos ang gawain.

Sa nakaraang 18 taon, trabaho ko nang maglaan ng mga kagamitan at patnubay upang tulungan ang mga tao na malampasan ang paghihirap ng damdamin o isipan. Sa lahat ng taong napayuhan ko, wala nang iba pang mga kliyenteng dumating na lubhang sugatan maliban sa mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso. Nakita ko ang epekto ng problemang ito sa kakayahan ng bawat tao na magtiis hanggang wakas.

Gayunman, nalaman ko rin na posibleng makaranas ng walang-maliw na ginhawa mula sa ating mga paghihirap at pagdurusa sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas. Dinadala ng Kanyang pagmamahal ang mga tao mula sa kadiliman tungo sa liwanag.

Bakit Nagiging Sanhi ng Gayong Kapahamakan ang Seksuwal na Pang-aabuso?

Ikinukuwento sa akin ng mga biktima ng pang-aabuso na ang buhay ay puno ng kalungkutan, pagdududa sa sarili, at iba pang malalalim na pasakit sa damdamin. Ipinaunawa sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung bakit nagiging sanhi ng gayon katinding pasakit ang seksuwal na pang-aabuso:

“May kakila-kilabot at masamang gawi na seksuwal na pang-aabuso. Mahirap itong unawain. Lantarang paghamak ito sa kagandahang-asal na dapat umiral sa bawat lalaki at babae. Ito ay paglabag sa bagay na sagrado at banal. Ito ay nakapipinsala sa buhay ng mga bata. Kahiya-hiya ito at nararapat sa pinakamatinding kaparusahan.

“Kahiya-hiya ang sinumang lalaki o babaeng seksuwal na mang-aabuso sa isang bata. Sa paggawa nito, hindi lamang ginagawa ng nang-aabuso ang pinakamabigat na uri ng pinsala. Susumpain din siya sa harap ng Panginoon.”1

Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay isang sagrado at banal na kapangyarihang bigay ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay may espirituwal na kahalagahan. … Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mga tagalikha at ipinagkatiwala Nila sa atin ang bahagi ng Kanilang kapangyarihang lumikha.”2 Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang paglabag sa sagradong kapangyarihang ito ay “nararapat sa pinakamatinding kaparusahan” at nagiging sanhi ng “pinakamabigat na uri ng pinsala.”

Pag-unawa sa Pasakit

looking out a window

Mga paglalarawan © nuvolanevicata/iStock/Getty Images

Ang seksuwal na pang-aabuso ay anumang pagniniig ng dalawang tao kung saan ang isa sa kanila ay tutol sa pagniniig na may nangyayaring hipuan o kahit walang hipuan kung saan ang isang tao ay ginagamit para sa seksuwal na kasiyahan ng ibang tao. Mas madalas, naiiwang lito ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso at nakadarama ng di-pagkamarapat at kahihiyan na halos napakahirap tiisin. Ang sakit at pagdurusang nararanasan ng mga biktima ay kadalasang pinatitindi ng mga komento ng iba na hindi nakakaunawa sa seksuwal na pang-aabuso at mga epekto nito. Ang ilang biktima ay inaakusahang nagsisinungaling o sinasabihan na kahit paano ay kasalanan nila ang pang-aabuso. Naaakay namang maniwala ang iba na kailangan silang magsisi, na para bang may kasalanan sila kahit paano nang mabiktima sila.

Marami na akong nakatrabahong kliyente na nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso noong bata pa sila o noong kabataan nila na sinasabihan na “tanggapin mo na lang,” “nakaraan na iyon,” o “patawarin mo na at kalimutan mo na lang.” Ang ganitong mga pahayag—lalo na kapag nagmumula sa malalapit na kaibigan, kapamilya, o mga lider ng Simbahan—ay maaaring humantong sa lalong paglilihim ng biktima at pagkapahiya sa halip na gumaling at mapanatag. Tulad sa malubhang sugat o impeksyon, ang emosyonal na mga sugat na ito ay hindi basta naglalaho kung babalewalain. Sa halip, ang pagkalitong nagsisimula sa pang-aabuso ay tumitindi, at kasabay ng kapaitang dulot nito, maaaring magbago ang pag-iisip ng isang tao, at sa huli’y mauwi sa pagkakaroon ng masasamang pag-uugali. Karaniwa’y ayaw kilalanin ng mga biktima ng pang-aabuso na inabuso sila, subalit maaari pa rin silang magkaroon ng masasamang pag-uugali at makaranas ng kapaitan.

Si Hannah (binago ang pangalan) ay dumanas ng seksuwal na pang-aabuso noong kanyang kabataan. Tulad ng iba pang mga biktima, lumaki siya na nadaramang masamang tao siya at walang halaga. Halos habambuhay niyang pinagsikapang paglingkuran ang iba nang sapat para iwaksi ang kanyang nadarama na “hindi sapat ang kanyang kabutihan” para mahalin siya ng Ama sa Langit o ninuman. Sa kanyang mga pakikipag-ugnayan, natakot siya na kung may nakakakilala sa kanya talaga, iisipin nila na masamang tao siya tulad ng paniniwala niya. Labis ang takot niyang matanggihan kaya nangamba siyang sumubok ng mga bagong bagay sa buhay o gumawa ng mga simpleng gawain gaya ng pagtawag kaninuman sa telepono. Nabiyayaan siya ng talento sa sining pero itinigil niya ito sa takot na hindi niya makayanan ang mapintasan.

Sa loob ng mahigit 50 taon ang nadama niyang wala siyang magawa, panghihina, takot, galit, pagkalito, kahihiyan, kalungkutan, at pag-iisa ang gumabay sa kanyang mga desisyon sa araw-araw.

Palitan ng Kapayapaan ang Kapaitan

Dumanas ang Tagapagligtas ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Ginawa Niya ito upang “malaman [N]iya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:11–12). Ang Kanyang pagdurusa ay hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para din sa ating paggaling kapag nagdusa tayo dahil sa mga kasalanan ng iba.

Kung narito Siya ngayon, wari ko’y tatangisan at babasbasan ng Tagapagligtas ang mga seksuwal na naabuso, tulad noong tangisan at basbasan Niya ang mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 17). Bagama’t wala Siya rito nang personal, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu, at naglaan Siya ng paraan para tayo gumaling, mapayapa, at mapatawad.

reaching through a ladder

Para sa marami na nasaktan, halos imposibleng paniwalaan ang ideya na mapapalitan ng kapayapaan ang pait na nadarama nila. Kadalasan ang mga sugat na tinamo ng inabuso ay hindi napapansin at nauunawaan ng iba sa loob ng ilang taon. Ang sakit ay natatakpan ng nakangiting mga mukha, kahandaang tumulong sa iba, at pamumuhay na parang walang nangyaring mali, subalit palaging naroon ang kapaitan.

Ikumpara natin ang pagpapagaling ng damdamin sa pangangalaga at paggamot sa pinsala. Ipalagay natin na noong bata ka pa, nabalian ka ng binti. Sa halip na magpunta sa doktor para ipatuwid ito, umiika-ika ka na lang hanggang sa mawala ang matinding sakit, ngunit palaging may kaunting sakit sa bawat hakbang mo. Pagkaraan ng ilang taon gusto mong mawala ang sakit, kaya nagpunta ka sa doktor. Kailangang ituwid ng doktor ang buto, linisin ang anumang laman na tumubo, sementuhan ito, at papuntahin ka sa physical therapy para mapalakas ang binti mo.

Katulad ito ng pagpapagaling mula sa pang-aabuso dahil kailangan munang kilalanin ng biktima na tunay ang sakit at may magagawa tungkol dito. Kasama sa proseso ang pagtanggap sa nangyari at hayaang masaktan ang damdamin, matakot, at madama, kilalanin, at patunayan ang lungkot. Kadalasan makakatulong ang makipagkita sa isang propesyonal na may karanasan sa prosesong ito ng pagpapagaling. (Magtanong sa inyong lider ng priesthood kung may LDS Family Services sa inyong lugar.)

Mayroon man o walang makuhang propesyonal na tulong ang biktima, pinakamainam ang manalangin, pag-aralan ang buhay ng Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala, at regular na makipag-usap sa isang lider ng priesthood. Maaari siyang magpagaan ng mga pasanin at tumanggap ng inspirasyon upang tulungan ang mga biktima na maunawaan ang kanilang banal na kahalagahan at kaugnayan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Itinuro ni Sister Carole M. Stephens, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, kamakailan: “Maaaring tumagal ang paggaling. Kailangan ninyong manalangin at humingi ng patnubay at angkop na tulong, kabilang ang paghingi ng payo sa mga inordenang mayhawak ng priesthood. Kapag natuto kayong makipag-usap nang hayagan, magtakda ng wastong mga hangganan at marahil ay humingi ng payo sa isang propesyonal. Mahalagang manatiling espirituwal sa buong proseso!”3

Para kay Hannah, labis na hindi naging komportable ang kanyang buhay kaya humingi siya ng tulong. Nalaman niya mula sa kanyang patotoo na nadarama niya ang kapayapaan at katiwasayan sa buhay pero hindi palagi. Sa pamamagitan ng panalangin at pagkausap sa kanyang bishop, nahikayat siyang humingi ng payo, kung saan niya natamo ang mga kailangan niya para ilabas ang katotohanan mula sa kadiliman at ibahagi ang nakakatakot na pasaning mag-isa niyang dala-dala. Sa paggawa nito, nailabas niya ang sakit ng damdamin at nasumpungan ang kapayapaang ipinangako ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 14:27). Kasama sa kapayapaan at kapanatagang ito ang hangarin at kakayahan niyang magpatawad.

Ang Pangangailangang Magpatawad

Kadalasan ay mahirap para sa mga biktima ng pang-aabuso na marinig ang ideyang magpatawad at kadalasa’y hindi ito maunawaan. Kung iniisip nila na ang pagpapatawad ay ang hayaang makawala ang nang-abuso o ang sabihin na balewala na ang ginawa nila, madarama ng biktima na wala siya sa katwiran. Bagaman tayo ay inuutusang magpatawad (tingnan sa D at T 64:10), sa mga sitwasyon kung saan ang sugat ay malalim, karaniwa’y kailangang magsimula ang pagpapagaling bago lubos na mapatawad ng biktima ang nang-abuso.

Ang mga nagtitiis ng sakit na dulot ng pang-aabuso ay mapapanatag sa payong ito mula sa Aklat ni Mormon: “Ako, si Jacob, ay magsasalita sa inyo na may mga pusong dalisay. Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, at kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap, at kanyang isasamo ang inyong kapakanan, at magpapataw ng katarungan sa mga yaong naghahangad ng inyong pagkalipol” (Jacob 3:1). Ang pangangailangan sa katarungan at ang karapatang pagbayaran ang sala ay maaaring ipaubaya sa Panginoon para mapalitan Niya ng kapayapaan ang sakit na ating nararamdaman.

Nalaman ni Hannah kalaunan na maaari niyang ipaubaya ang pangangailangan sa katarungan sa Tagapagligtas at kapalit nito’y maging payapa ang kanyang buhay na hindi niya kailanman naranasan. Dati-rati, takot siyang dumalo sa mga pagtitipon ng pamilya kung saan dadalo rin ang nang-abuso. Ngayon, dahil sa kahandaan niyang harapin ang masasakit na sugat habang nagpapagaling, hindi na siya takot sa presensya nito at naaawa pa nga dahil matanda na ito.

Malaya sa Di-kailangang mga Pasanin

reaching up

Sinabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang lubusang paggaling ay magmumula sa inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan at kakayahan. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay mapaghihilom ang mga sugat ng di-makatwirang pang-aabuso. …

“Mahal Niya kayo. Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para kayo mapalaya sa mga walang kabuluhang pasanin. Tutulungan Niya kayong gawin ito. Alam kong may kapangyarihan Siyang pagalingin kayo.”4

Gusto ng kaaway na alipinin ng pasakit at pagdurusa ang mga tao dahil kaaba-aba siya (tingnan sa 2 Nephi 2:27). Sa tulong ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, talagang mapapalitan ng kapayapaan ang pasakit, ayon lamang sa kayang ibigay ng Tagapagligtas, at maaari tayong magalak sa buhay. “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Gagawing mas magaan ng kagalakan sa buhay ang mga panahon ng pagsubok at magbibigay-kakayahan sa atin na matuto at lumago at maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit.

Nakadarama ako ng pagpapakumbaba sa pagpapala sa buhay ko na makaugnayan ang mga taong nasaktan ng pang-aabuso at makita ang himala ng paggaling na talagang nagmumula lamang sa Tagapagligtas. Kung nagdurusa kayo, mapanalanging humingi ng tulong. Hindi ninyo kailangang dalhing mag-isa ang mabigat na pasanin. Alam ko na nagpapagaling Siya, sapagkat nasaksihan ko ito nang maraming beses.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Save the Children,” Ensign, Nob. 1994, 54; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42.

  3. Carole M. Stephens, “Ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2016, 11.

  4. Richard G. Scott, “Upang Maging Malaya sa Mabibigat na Pasanin,” Liahona, Nob. 2002, 88.