2017
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at ang mga Katotohanan tungkol sa Katawan
April 2017


Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at ang mga Katotohanan Tungkol sa Katawan

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, itinuro sa atin ni Jesucristo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa katawan.

Resurrected Christ with Thomas

Detalye mula sa The Doubtful Thomas,ni Carl Heinrich Bloch

Background © janniwet/iStock/Getty Images

“Sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga” (Juan 19:30). Sa sandaling iyon, nilisan ng espiritu ni Jesucristo ang Kanyang katawan—ang katawang dumanas ng pagdurusa upang Siya ay makapagbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng tao at tulungan sila sa kanilang mga kahinaan (tingnan sa Alma 7:12–13). Ang katawang iyon, na ngayon ay walang laman, ay inalis sa krus, ibinalot sa lino, at kalauna’y inihimlay sa isang libingan. Sa ikatlong araw, naroon ang mga babaeng papalapit sa libingan upang tapusin ang paghahanda sa katawang iyon para sa libing.

Pero nawala ang katawan.

Ang pagkatuklas sa libingang walang laman ay simula pa lamang. Nasaksihan ni Maria Magdalena, ng mga Apostol, at ng marami pang iba kalaunan ang isang himala: si Jesucristo na nabuhay na mag-uli, ganap, sa anyong tao na nahahawakan.

Tiniyak ng Tagapagligtas na lubos na maunawaan ng mga nakasaksi sa Kanya matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli ang uri ng Kanyang katawan. Inanyayahan niya ang mga Apostol, halimbawa, na hawakan ang Kanyang katawan para matiyak nila mismo na naroon nga Siya sa pisikal at hindi Siya isang multo (tingnan sa Lucas 24:36–40).1 Kumain pa nga Siya na kasama nila (tingnan sa Lucas 24:42–43).

At nang matupad ng mga Apostol ang kanilang tungkuling ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo, dumanas sila ng oposisyon at pang-uusig, na ang ilan ay dahil itinuro nila na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli at na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay na mag-uli dahil dito (tingnan sa Mga Gawa 4:1–3).

Ngayon, ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay mahalaga rin sa mensaheng ipinahayag sa mundo ng Kanyang Simbahan na katulad noong unang panahon. Sabi nga ni Propetang Joseph Smith: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”2

Tumutulong ang Pagkabuhay na Mag-uli na masagot ang mahahalagang tanong tungkol sa likas na katangian ng Diyos, sa ating pagkatao at kaugnayan sa Diyos, sa layunin ng buhay na ito, at sa pag-asa natin kay Jesucristo. Narito ang ilan sa mga katotohanang binibigyang-diin ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Ang Ama sa Langit ay May Niluwalhating Katawan

First Vision

Ang Unang Pangitain,ni Gary L. Kapp

Ang ideya na ang Diyos ay hugis-tao ay tiyak na matatagpuan sa Biblia,3 at gayundin ang iniisip ng karamihan, ngunit tinanggihan ng maraming tradisyon sa teolohiya at relihiyon ang ideyang ito sa paniniwalang ang Diyos ay “walang katawan, mga bahagi, o silakbo ng damdamin,”4 dahil, sa ganitong pananaw, ang katawan (at lahat ng bagay) ay masama o hindi totoo, samantalang ang espiritu, isipan, o mga ideya ang tunay na sangkap ng pagkatao o buhay.

Napakasimple at radikal, kung gayon, ang paghahayag tungkol sa likas na katangian ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Sa Kanyang pagmiministeryo, sinabi ni Jesus, “Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama” (Juan 14:9). Mas totoo ito matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli sa isang perpekto at imortal na katawan, na nagpakita na “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din” (D at T 130:22).

Sa gayo’y nahayag ang pisikal na katangian ng Ama sa Langit. Tulad ng ipinaliwanag ni Joseph Smith kalaunan, “Yaong walang katawan o mga bahagi ay wala[ng halaga]. Wala nang iba pang Diyos sa langit kundi ang Diyos na iyon na may laman at mga buto.”5

Ganito ang sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol dito: “Kung ang pagkakaroon ng katawan ay hindi naman pala kailangan at hindi kanais-nais sa Diyos, bakit iniligtas ng Manunubos ng sangkatauhan ang Kanyang katawan, iniligtas ito mula sa kamatayan at sa libingan, at tiniyak na hindi na ito muling mahihiwalay mula sa Kanyang espiritu sa panahong ito o sa kawalang-hanggan? Ang sinumang tutol sa konsepto na may katawan ang Diyos ay tutol din kapwa sa mortal at nabuhay na mag-uling Cristo.6

Ang Ama sa Langit ay Makapangyarihan, Maalam, at Mapagmahal

Nahayag din ang sukdulang mga katangian ng Ama sa Langit sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Sabi nga ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang mga pag-aalinlangan tungkol sa lubos na kapangyarihan, kaalaman, at kabaitan ng Diyos Ama—na ibinigay ang Kanyang Bugtong na Anak para matubos ang sangkatauhan—ay walang katotohanan o batayan.”7

Ang kapangyarihan, kaalaman, at kabutihan ng Diyos ay napatunayan sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na nagbibigay ng katibayan ng karunungan at pagmamahal sa plano ng Ama sa Langit at ng kakayahan Niya (at ng Kanyang Anak) na isagawa ito.

Tayo ay mga Anak ng Diyos

Tulad ng itinuturo sa atin sa Biblia, tayo ay hinubog “ayon sa larawan ng Dios … lalake at babae” (Genesis 1:27). Pinatibay ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang katotohanang ito. Katunayan, sa mismong oras ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, binigyang-diin ni Jesucristo ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit, na sinasabi, “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Diyos” (Juan 20:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Inihayag ng Tagapagligtas na ang Diyos at ang sangkatauhan ay hindi lubos na magkaiba sa kanilang mahalagang pagkatao. Ang pangunahing hugis ng ating katawan ay katulad sa ating espiritu,8 at ang ating espiritu ay nilikha sa larawan ng Diyos dahil iyan ang likas na kaugnayan ng magulang sa anak.

Ang Katawan ay Isang Kaloob na Nagpapalakas at Nagpapadakila

sleeping infant

Larawang kuha ni David Stoker

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ipinakita sa atin ng Tagapagligtas na ang pisikal na buhay na may katawan ay mahalagang bahagi ng walang-hanggang pagkatao ng Diyos at ng Kanyang mga anak. Tulad ng inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith, “Ang mga elemento ay walang hanggan, at ang espiritu at elemento, hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan” (D at T 93:33). Ang hindi mapaghihiwalay na kaugnayan ay pinagsasama ang espiritu at katawan kaya’t sila ay isang imortal, walang kabulukan, maluwalhati, at perpektong katawan—ang tanging uri ng katawan na may kakayahang tumanggap ng kaganapan ng kagalakang taglay ng Diyos.

Sa kabilang dako, matapos magkaroon ng pisikal na katawan at pagkatapos ay mahiwalay mula rito upang pumasok sa daigdig ng mga espiritu, “ang mga patay ay [tumitingin] sa … pagkawala ng kanilang mga espiritu mula sa kanilang mga katawan bilang isang pagkagapos” (D at T 138:50; tingnan din sa D at T 45:17).

Maging ang ating mortal na katawan ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit at isang banal na kaloob. Kapag ang ating premortal na espiritu ay pumarito sa lupa, sila ay “madaragdagan” (Abraham 3:26) ng katawan. Tulad ng itinuro ng Propeta: “Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan.”9

Tulad ng naituro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dahil sa ating pisikal na katawan mararanasan natin ang iba’t ibang matitinding karanasang hindi natin pagdaraanan sa buhay bago tayo isinilang sa mundo. Kaya nga, ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, ang kakayahang kumilala at kumilos ayon sa katotohanan, at kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagagawa dahil sa ating katawan. Sa buhay sa mortalidad, nararanasan natin ang pagkalinga, pagmamahal, kabaitan, kaligayahan, kalungkutan, kabiguan, pasakit, at maging ang mga hamon na dulot ng limitasyon sa kakayahan ng pisikal na katawan sa mga paraang naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan. Sa madaling salita, may mga aral na dapat nating matutuhan at mga karanasang dapat pagdaanan, na tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan, “ayon sa laman” (1 Nephi 19:6; Alma 7:12–13).”10

Bukod pa rito, itinuro ni Joseph Smith, “Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito.”11 Maaari tayong tuksuhin ni Satanas, ngunit hindi siya puwedeng mamilit. “Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung tulutan natin siya.”12

Sa huli, ang kaloob na isang perpekto at nabuhay na mag-uling katawan ay tumutulong para hindi tayo maapektuhan ng kapangyarihan ni Satanas magpakailanman. Kung walang Pagkabuhay na Mag-uli, “ang ating espiritu ay tiyak na mapapasailalim sa … diyablo, upang hindi na bumangon pang muli. At ang ating mga espiritu ay tiyak na matutulad sa kanya, at tayo ay magiging mga diyablo, mga anghel ng diyablo, upang masarahan mula sa kinaroroonan ng ating Diyos, at manatiling kasama ng ama ng kasinungalingan, sa kalungkutan, katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 9:8–9).

Ang Espiritu at ang Katawan ay Hindi Magkaaway

Bagama’t magkaiba, ang espiritu at ang katawan ay hindi dalawang totoong bagay na magkaiba na hindi maaaring magtulungan. Tulad ng nalaman ni Joseph Smith, “Walang anumang bagay na hindi materyal na bagay. Lahat ng espiritu ay bagay, subalit ito ay mas pino o dalisay, at maaari lamang makilala sa pamamagitan ng mas dalisay na mga mata; hindi natin ito makikita; subalit kapag ang ating mga katawan ay pinadalisay ating makikita na itong lahat ay bagay” (D at T 131:7–8).

Christ appears to the Nephites

Detalye mula sa Nagpakita si Cristo sa Western Hemisphere, ni Arnold Friberg

Sa Kanyang niluwalhati at nabuhay na mag-uling kalagayan, kinakatawan ni Jesucristo ang lubos na pagkakaisa ng espiritu at katawan, na inilalarawan sa atin na “ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao” (D at T 88:15). Sa buhay na ito sinisikap nating maging “espirituwal sa kaisipan” sa halip na “maging mahalay sa kaisipan” (2 Nephi 9:39), na “hubarin ang likas na tao” (Mosias 3:19), at “pigilin ang lahat ng silakbo ng [ating] damdamin” (Alma 38:12). Ngunit hindi iyan nangangahulugan na ang espiritu at ang katawan ay magkaaway. Tulad ng ipinakita sa atin ni Jesucristo, ang katawan ay hindi dapat hamakin at mangibabaw kundi dapat pigilan at baguhin.

Ang Buhay sa Isang Mortal na Katawan ay May Makabuluhang Layunin

Ang haka-haka na ang buhay na ito ay isang pagsubok ay mas makatuturan kapag inisip natin ang alam natin tungkol sa ating buhay bago tayo isinilang at pagkamatay natin. Nabuhay tayo bilang mga espiritu bago tayo pumarito sa lupa, at nilayon ng Ama sa Langit na tayo ay maging katulad Niya at mabuhay magpakailanman na may imortal na pisikal na katawan. Ang mga katotohanang ito ay nangangahulugan na ang ating panahon ng pagsubok sa mga mortal na katawang ito ay hindi nagkataon lamang kundi may tunay na kahulugan at layunin.

Tulad ng paliwanag ni Elder Christofferson: “Ipapamalas natin sa Diyos (at sa ating sarili) sa ating mga pagpapasiya ang ating tapat na pangako at kakayahang ipamuhay ang Kanyang selestiyal na batas habang wala tayo sa piling Niya at nasa pisikal na katawan na taglay ang lahat ng kapangyarihan, hilig o gana, at silakbo ng damdamin. Mapipigilan ba natin ang laman para maging kasangkapan ito sa halip na maging panginoon ng espiritu? Mapagtitiwalaan ba tayo kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ng mga kapangyarihan ng langit, kabilang na ang kapangyarihang lumikha ng buhay? Madadaig ba ng bawat isa sa atin ang kasamaan? Yaong mga nakagawa nito ay ‘magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan’ [Abraham 3:26]—isang napakahalagang aspeto ng kaluwalhatiang iyon ang magkaroon ng nabuhay na mag-uli, imortal, at niluwalhating pisikal na katawan.”13

Ang ating mga karanasan sa ating katawan ngayon, pati na ang ating pakikipag-ugnayan sa isa’t isa, ay makabuluhan dahil katulad ang mga ito niyaong darating. Tulad ng nalaman ni Joseph Smith, “At yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa” (D at T 130:2).

May Pag-asa Tayo kay Jesucristo

women at the tomb

Ang Tatlong Maria sa Tabi ng Libingan, ni William-Adolphe Bouguereau, Superstock.com

Mula nang makita ang libingang walang laman, naghatid ng pag-asa ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo dahil kinikilala natin sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli na posible ring mangyari sa atin iyon, kung saan “lahat ng nawala sa [atin] ay pupunan sa [atin] … , kung patuloy [tayong] mananalig.”14

Nakapag-iwan ng matapang na patotoo ang naunang mga Apostol ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli dahil nakita at nahipo nila ang Kanyang katawan. Ngunit may higit pa riyan. Tulad noong pagalingin ni Jesucristo ang mga sakit ng katawan para ipakita na may kapangyarihan Siyang magpatawad ng mga kasalanan (tingnan sa Lucas 5:23–25), ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli—ang mapanghahawakang katibayan ng kapangyarihan Niyang daigin ang pisikal na kamatayan—ay naging katiyakan sa Kanyang mga alagad na may kapangyarihan Siyang daigin ang espirituwal na kamatayan. Ang mga pangakong ibinigay Niya sa Kanyang mga turo—pagpapatawad ng mga kasalanan, kapayapaan sa buhay na ito, buhay na walang hanggan sa kaharian ng Ama—ay nagkatotoo at hindi na natinag ang kanilang pananampalataya.

“Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang [ating] pananampalataya ay walang kabuluhan” (I Mga Taga Corinto 15:17). Ngunit dahil Siya ay talagang nagbangon mula sa mga patay, tayo ay “magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41).

Sa Kanyang mortal na buhay, inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na sumunod sa Kanya. Pagkatapos ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, mas luminaw pa ang ating patutunguhan. Kung tayo, sa pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo, ay magkakaroon ng “selestiyal na espiritu” sa ating kalooban, tayo ay “tatanggap ng yaon ding katawan na isang likas na katawan” at “binubuhay ng ilang bahagi ng kaluwalhatiang selestiyal [at] makatatanggap pagkatapos ng gayon din, maging isang kaganapan” (D at T 88:28–29). Naipakita Niya ang daan. Siya ang daan. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan—sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli—posibleng mangyari ang selestiyal na kaganapang ito, na may kasamang kaganapan ng kagalakan sa isang nabuhay na mag-uling katawan.

Mga Tala

  1. Nang magpakita si Jesucristo sa mga tao sa Amerika, hiniling Niya sa kanila—sa libu-libo sa kanila—na lumapit, “isa-isa,” at salatin ang Kanyang mga kamay, paa, at tagiliran para mapatunayan nila na kapwa nadama at nakita nila ang nabuhay na mag-uling Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 11:14–15; 18:25).

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 58.

  3. Tingnan sa Genesis 1:27; Exodo 33:11; Mga Gawa 7:56.

  4. Bagama’t may ganitong mga ideya sa naunang mga doktrinang Kristiyano, ang partikular na ideyang ito ay nagmumula sa Tatlumpu’t Siyam na mga Saligan ng Simbahang Anglican (1563).

  5. Mga Turo: Joseph Smith, 49.

  6. Jeffrey R. Holland, “Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Liahona Nob. 2007, 42.

  7. D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 113.

  8. Maging ang paghahayag tungkol sa premortal na Jesucristo ay isang patotoo sa katotohanang ito, dahil ipinakita nito na ang katawan ng Kanyang espiritu ay hugis-tao (tingnan sa Eter 3:16).

  9. Mga Turo: Joseph Smith, 245.

  10. David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41.

  11. Mga Turo: Joseph Smith, 245.

  12. Mga Turo: Joseph Smith, 248.

  13. D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 51.

  14. Mga Turo: Joseph Smith, 60.