Iniisip si Jesus
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Tuwang-tuwa si Mía. Ito ang una niyang pagpunta sa simbahan! Mga missionary ang nagkuwento sa pamilya nila tungkol sa simbahang ito. Nagpasiya silang magpunta.
Tumingin sa paligid si Mía. May nakita siyang puting tela sa isang mesa. May kung ano sa ilalim nito.
“Ano ang nasa ilalim ng telang iyon?” tanong ni Mía sa isa sa mga missionary.
Ngumiti si Sister Hanson. “Ang sakramento.”
Sakramento. Mahalagang salita iyon. Narinig ni Mía ang mga missionary nang sabihin nila kina Inay at Itay ang tungkol dito. Pero hindi niya tiyak kung ano iyon.
Kumanta ang lahat. Inangat ng dalawang lalaki ang puting tela. Mga trey ng tinapay ang nasa ilalim nito! Pinanood sila ni Mía na pagpira-pirasuhin ang tinapay.
Matapos ang awitin nagdasal ang isang lalaki. Ipinasa naman ng iba pang kalalakihan ang tinapay sa lahat.
“Ipinaaalala sa atin ng tinapay ang katawan ni Jesus,” bulong ni Sister García.
Kumuha si Mía ng isang piraso ng tinapay. Inilarawan niya sa kanyang isipan na nakatayo si Jesus sa kanyang harapan.
Pagkatapos ay may isa pang panalangin. Ipinasa ng mga lalaki ang trey na may mga kopita ng tubig.
“Ipinaaalala sa atin ng tubig ang dugo ni Jesus,” bulong ni Sister García. “Namatay Siya para sa atin dahil mahal Niya tayo.”
Kumuha si Mía ng isang kopita ng tubig. Inisip niya kung gaano siya kamahal ni Jesus. Pakiramdam niya ay niyayakap siya ni Jesus.
Kalaunan ay binigyan ni Sister Hanson si Mía ng maliit na larawan ni Jesus. “Kumakain tayo ng tinapay at umiinom ng tubig para alalahanin si Jesus at mangakong susunod tayo sa Kanya.” Ngumiti siya. “Ano ang palagay mo sa sakramento?”
Tiningnan ni Mía ang larawan ni Jesus. Naalala niya ang mainit na pakiramdam niya. Ngumiti siya. “Napakaganda! Mahal ko si Jesucristo.”