2017
Gawing Personal ang Iyong Pag-aaral ng Ebanghelyo
April 2017


Gawing Personal ang Iyong Pag-aaral ng Ebanghelyo

Alamin ang mga tip na ito sa pag-aaral ng ebanghelyo at paghahanap ng mga sagot sa iyong espirituwal na mga tanong.

young woman studying

Paano ka mag-aral kapag naghahanap ka ng mga sagot sa isang espirituwal na tanong o kapag sinisikap mong mas maunawaan ang mga banal na kasulatan? Ibig kong sabihin ikaw—mismo. Lahat ay may kakaibang paraan ng pag-aaral sa paaralan, pero kung minsan nalilimutan natin na maaari rin nating iakma ang pag-aaral natin ng ebanghelyo. Sa susunod na may tanong ka ukol sa espirituwal o sa doktrina, subukan ang ilan sa mga tip na ito para malaman kung ano ang pinakamainam para sa iyo.

1. Lumikha

young man using tablet

Gumawa ng listahan, chart, o mapa. (Tingnan sa ibaba para sa halimbawa.)

Gumawa ng study web. Isulat ang mga salita at mga ideya at pagkatapos ay ikonekta ang mga ito gamit ang mga linya at bula para ipakita kung paano magkakaugnay ang mga ito.

2. Magsulat

Itala ang mga kaisipan at impresyon na natatanggap mo sa iyong pag-aaral sa isang study journal at madalas na repasuhin ang mga ideyang iyon.

Isulat ang mga ideya at impresyon mo matapos ang iyong mga panalangin, kahit ang impresyon ay hindi tuwirang nauugnay sa paksa na pinag-aaralan mo. Tingnan kung ano ang itinuturo ng Espiritu sa iyo sa paglipas ng panahon.

Isulat ang iyong mga tanong sa isang notebook, sa iyong phone, o sa notepad sa tabi ng iyong kama upang ipaalala sa iyo at para tulungan kang palaging isaisip ang natututuhan mo sa araw-araw.

3. Makinig at Pag-usapan

mother and daughter studying scriptures

Kausapin ang isang magulang o pinagkakatiwalaang lider. Magkasama ninyo itong gawin. Medyo matatagalan, pero kapwa kayo uunlad sa paggawa nito.

Turuan ang ibang tao. Maghalinhinan sa pagbabahagi ng inyong nalalaman. Talakayin ang natutuhan ninyo mula sa isa’t isa.

Makinig sa mga banal na kasulatan o iba pang mga kuwento at resources ng Simbahan.

4. MAGSALIKSIK

Hanapin ang mga tulong sa pag-aaral sa mga banal na kasulatan at online (tingnan sa ibaba para sa listahan ng mga makatutulong na sanggunian ng Simbahan).

Saliksikin ang LDS.org para sa mga video at awitin tungkol sa pinag-aaralan mo.

Pag-aralan ang konteksto. Saliksikin ang kasaysayan o mga kabanata na nakapalibot sa mga paksa o mga talata sa mga banal na kasulatan na pinag-aaralan mo.

5. Gawin

young man studying scriptures

Isadula ang mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan o sa iba pang mga sanggunian. Paanong ang paglalagay ng iyong sarili sa sitwasyon ng taong iyon ay nakatutulong sa iyo na mas maunawaan ang pinag-aaralan mo? Ano kaya ang hitsura ng gayong mga sitwasyon sa iyong buhay?

Gumawa ng scripture chain na nag-uugnay sa mga sagot na natatagpuan mo sa mga banal na kasulatan. (Tingnan sa ibaba para sa halimbawa.)