2017
Ang Makatarungan ay Mabubuhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya
April 2017


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Matwid ay Mabubuhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya

President Uchtdorf and his daughter visiting refugees

Ang Rabbi at ang Tagagawa ng Sabon

May isang lumang kuwento ng mga Judio tungkol sa isang tagagawa ng sabon na hindi naniniwala sa Diyos. Isang araw habang naglalakad sila ng isang rabbi, sabi niya, “Mayroon akong hindi maintindihan. Libu-libong taon na tayong may relihiyon. Ngunit saan ka man tumingin ay may kasamaan, katiwalian, pandaraya, kawalan ng katarungan, sakit, gutom, at karahasan. Mukhang ni hindi naman nakabuti ang relihiyon sa mundo. Kaya’t tatanungin kita, ano ang pakinabang nito?”

Hindi sumagot ang rabbi ngunit patuloy na lumakad na kasabay ng tagagawa ng sabon. Kalaunan napalapit sila sa isang playground kung saan may mga batang puno ng alikabok na naglalaro sa lupa.

“Mayroon akong hindi maintindihan,” sabi ng rabbi. “Tingnan mo ang mga batang iyon. Libu-libong taon na tayong may sabon, pero marurungis ang mga batang iyon. Ano ang pakinabang ng sabon?”

Sumagot ang tagagawa ng sabon, “Pero rabbi, hindi makatwirang isisi sa sabon ang marurungis na batang ito. Kailangang gamitin ang sabon bago maisakatuparan ang layunin nito.”

Ngumiti ang rabbi at nagsabing, “Tumpak.”

Paano Tayo Dapat Mabuhay?

Ibinuod ni Apostol Pablo, sa pagbanggit sa sinabi ng isang propeta sa Lumang Tipan, ang kahulugan ng isang taong naniniwala nang isulat niya, “Ang [matwid] ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya” (Mga Taga Roma 1:17).

Marahil sa simpleng pahayag na ito naiintindihan natin ang kaibhan ng relihiyong marupok at walang saysay sa isang may kapangyarihang baguhin ang mga buhay.

Ngunit para maintindihan ang kahulugan ng mabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, kailangan nating maintindihan kung ano ang pananampalataya.

Ang pananampalataya ay higit pa sa paniniwala. Ito ay lubos na tiwala sa Diyos na nilakipan ng pagkilos.

Higit pa ito sa paghahangad.

Higit pa ito sa pag-upo nang tuwid, pagtango, at pagsasabing sang-ayon tayo. Kapag sinabi nating “ang [matwid] ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,” ang ibig nating sabihin ay ginagabayan at pinapatnubayan tayo ng ating pananampalataya. Tayo ay kumikilos sa isang pamamaraan na alinsunod sa ating pananampalataya—hindi dahil sa pagsunod nang hindi nag-iisip kundi dahil sa tiwala at taos na pagmamahal sa ating Diyos at sa walang-katumbas na karunungang naihayag Niya sa Kanyang mga anak.

Ang pananampalataya ay kailangang lakipan ng pagkilos; kung hindi ay wala itong buhay (tingnan sa Santiago 2:17). Ni hindi ito pananampalataya. Wala itong kapangyarihang baguhin ang isang indibiduwal, ni ang daigdig.

Ang kalalakihan at kababaihang may pananampalataya ay nagtitiwala sa kanilang maawaing Ama sa Langit—maging sa mga oras ng kawalang-katiyakan, mga oras ng pag-aalinlangan at paghihirap na hindi sila lubos na makakita o malinaw na makaunawa.

Ang kalalakihan at kababaihang may pananampalataya ay taimtim na tumatahak sa landas ng pagkadisipulo at nagsisikap na tularan ang halimbawa ng kanilang pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo. Pananampalataya ang humihikayat at totoong nagbibigay-inspirasyon para ibaling ang ating puso sa langit at aktibong tulungan, pasiglahin, at pagpalain ang ating kapwa.

Ang relihiyong walang pagkilos ay parang sabon na nananatiling nasa kahon. Maaaring may kamangha-mangha itong potensyal, ngunit ang totoo ay kakatiting ang kapangyarihan nitong makagawa ng kaibhan hangga’t hindi natutupad ang mismong layunin nito. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagkilos. Ang Simbahan ni Jesucristo ay nagtuturo ng tunay na relihiyon bilang mensahe ng pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig sa kapwa, kabilang na ang pagtulong sa ating kapwa sa espirituwal at temporal na mga paraan.

Ilang buwan pa lang ang nakararaan, ipinasyal namin ng asawa kong si Harriet ang ilan sa aming mga anak sa Mediterranea area. Binisita namin ang ilang refugee camp at kinausap ang mga pamilya mula sa mga bansang winasak ng digmaan. Ang mga taong ito ay hindi natin mga kamiyembro, ngunit sila ay ating mga kapatid at kailangang-kailangan nila ng tulong. Lubhang naantig ang aming puso nang maranasan namin mismo kung paano naghahatid ng tulong, kapanatagan, at pag-asa ang aktibong pananampalataya ng mga miyembro ng ating Simbahan sa ating kapwa na nangangailangan, anuman ang kanilang relihiyon, nasyonalidad, o pinag-aralan.

Ang pananampalatayang sinamahan ng patuloy na pagkilos ay pinupuspos ang puso ng kabaitan, ang isipan ng karunungan at pang-unawa, at ang kaluluwa ng kapayapaan at pagmamahal.

Ang ating pananampalataya ay maaaring pagpalain at impluwensyahan sa kabutihan kapwa ang mga nasa paligid natin at tayo mismo.

Maaaring punuin ng ating pananampalataya ang mundo ng kabutihan at kapayapaan.

Ang ating pananampalataya ay maaaring gawing pagmamahal ang poot at mga kaibigan ang mga kaaway.

Ang matwid, kung gayon, ay nabubuhay sa pagkilos nang may pananampalataya; nabubuhay sila sa pagtitiwala sa Diyos at pagtahak sa Kanyang landas.

At iyan ang klase ng pananampalataya na maaaring magpabago sa mga indibiduwal, pamilya, bansa, at mundo.