2017
Paghahanda para sa Isang Bagong Paglalakbay
April 2017


Paghahanda para sa Isang Bagong Paglalakbay

Ang awtor ay naninirahan sa Paraná, Brazil.

Tulad ni Nephi na naglalayag sa kawalang-katiyakan, kinailangan kong manampalataya sa Panginoon tungkol sa pagsisimula ng isang pamilya.

sail boat on the water

Larawang kuha ng © Getty Images

Ilang linggo bago sumapit ang aking kasal at temple sealing, nagsimula akong kabahan tungkol sa lahat ng bagay na kailangan kong gawin bago ako magsimula ng bagong pamilya. Sa kabila ng lahat ng kagalakan ng sandaling iyon, namroblema ako tungkol sa pagpaplano ng mga bagong gagawin namin araw-araw, pagsasaayos ng aming pananalapi, paghahanap ng paglalagyan ng aming mga kagamitan, at lahat ng bago kong responsibilidad bilang maybahay. Gusto kong matiyak na masimulan namin ang pagsasama naming mag-asawa sa tamang paraan sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa aming mga aktibidad para sa mahahalagang bagay gaya ng pagsunod sa mga kautusan at pagkakaroon ng oras para sa isa’t isa bilang mag-asawa sa kabila ng kaabalahan namin sa buhay.

Habang papalapit ang araw ng kasal, nagulat ako sa sunud-sunod na bangungot tungkol sa lahat ng uri ng problemang makakaapekto sa isang pamilya. Dahil nagmula ako sa isang pamilyang nagmamahalan ngunit may mga pagsubok, na laging may posibilidad na magkaroon ng matitinding pagtatalo at magkasamaan ng loob, lubha akong naapektuhan ng masasamang panaginip na ito. Kaya isang gabi, pagkaraan ng ilang ganitong karanasan, nagising ako na pinagpapawisan at nagpasiya akong sundin ang payo ni Sister Neill F. Marriott, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency, sa kanyang mensaheng “Pagpapasakop ng Ating Puso sa Diyos” (Liahona, Nob. 2015, 30–32). Pumikit ako at nagdasal, “Mahal na Ama sa Langit, ano po ang magagawa ko para mailayo ang pamilya ko sa masasamang bagay na ito?”

Dumating ang sagot nang mabilis at napakalakas na para bang may nagbukas ng pinto sa ulo ko at naglagay roon ng ideya. Hinikayat ako ng marahan at banayad na tinig, “Gawin mo lang ang dapat mong gawin. Maging tapat sa bawat hakbang.” Nagbulong ang Espiritu ng partikular na payo, at nadama ko na kung gagawin ko ang mga bagay na iyon, magiging maayos ang lahat.”

Ngumiti ako at nadama kong nag-alab ang aking dibdib. Lahat ng pag-aalala ay bigla kong nalimutan, dahil alam kong totoo ito. Nadama ko na dati ang Espiritu Santo, ngunit hindi kasinlakas ng pagkadama ko noong gabing iyon. Nadama ko na nilukob ako ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas, at nalaman ko na ang kaginhawahan at kaligtasan ng pamilya ko ay mahalaga rin sa Kanila tulad sa akin.

Bilang dagdag na katiyakan, isang kuwento mula sa mga banal na kasulatan ang naalala ko—ang sandali na inutusan ng Panginoon si Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat: “At ito ay nangyari na, na nangusap sa akin ang Panginoon, sinasabing: Ikaw ay gumawa ng isang sasakyang-dagat, alinsunod sa pamamaraang ipakikita ko sa iyo, upang maitawid ko ang iyong mga tao sa kabila ng mga tubig na ito” (1 Nephi 17:8; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ilang taon nang nasa ilang si Nephi at ang kanyang pamilya, na nagtitiis ng lahat ng uri ng paghihirap. Maaari sana siyang matakot na simulan ang paglalakbay patawid ng dagat at hayaan niyang mangibabaw ang kanyang takot kaysa sa kanyang pananampalataya. Ngunit hindi niya ginawa iyon. Tinanggap at sinunod niya ang mga tagubilin ng Diyos. Nanampalataya siya na matutupad ang Kanyang mga pangako. Hindi sinabi ng Panginoon kay Nephi kailanman na hindi magkakaroon ng mga unos o na hindi sasalpukin ng mga alon ang sasakyang-dagat. Ngunit sinabi Niya kay Nephi na kung susundin niya ang Kanyang mga tagubilin, ligtas niyang maitatawid ng karagatan ang kanyang pamilya patungo sa lupang pangako.

Natanto ko na ilang taon din akong naglakbay sa ilang, ngunit ngayo’y nakaharap ako sa dagat, at naghahanda para sa isang bagong paglalakbay: pag-aasawa. Ako ay tinawag—at palagay ko’y ganyan ang lahat ng pamilyang Banal sa mga Huling Araw—na gumawa ng barko na sinusunod ang mga tagubilin ng Diyos.

Nang ikasal kaming mag-asawa, dumating nga ang mga problema. Nagkasakit ako, at nahirapan kaming balansehin ang aming pananalapi at ipamuhay ang lahat ng mabubuting gawi na naipasiya naming sundin.

Ngunit ang payong natanggap ko nang gabing iyon ay nanatili sa puso ko. Sinikap namin araw-araw na pag-aralan at pahalagahan ang salita ng Diyos sa aming puso, na sundin ang magagandang halimbawa ng mahal nating mga pinuno—kabilang na si Cristo—at pagbutihin pa ang aming pag-uugali. Lalong lumakas ang aking patotoo tungkol sa panalangin at talagang nalasap ko ang pagmamahal sa amin ng Ama. Sinimulan kong mas magtiwala at bawasan ang takot. Natanto namin na ang mga hirap na naranasan namin ay naging mga hakbang tungo sa pag-unlad. Ngayo’y tila maliit na kapiraso ng langit ang aming tahanan.

Nasa simula pa rin kami ng aming paglalakbay, ngunit ang pagpapakasal at pagsisimula ng isang pamilya ang pinakamagandang pagpapasiyang nagawa ko. Ang puso ko ay puspos ng kagalakan kapag iniisip ko ang ordenansa sa templo na natanggap namin at alam ko na ibinuklod iyon ng awtoridad ng Diyos. Habang lalo kong nauunawaan ang kahalagahan ng pamilya sa plano ng Ama sa Langit at ang kasagraduhan ng tipang ginawa namin, lalo kong gustong tulungan ang iba pang mga pamilya na matanggap ang ordenansang iyon.

Nalaman ko na hindi tayo kailangang mag-alala tungkol sa mangyayari, dahil “hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan, at ng pag-ibig at ng kahusayan” (II Kay Timoteo 1:7). Kailangan lang nating maging masunurin, sundin ang mga tagubiling ibinigay sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga makabagong propeta, at ipagdasal na magkaroon pa tayo ng ibang mga personal na tagubilin. Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, matatawid natin ang karagatan ng mga huling araw na ito na may tiwala na anumang uri ng kaguluhan ang dumating sa atin, magiging ligtas ang ating mga mahal sa buhay.