Si Andrei at ang Masamang Pananalita
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Ako’y magsisisi’t mananalangin” (Liahona, Okt. 2004, “Pagsisisi”).
“Akala mo ba mas mabait ka kaysa iba dahil hindi ka nagmumura,” sabi si Nikolai sa oras ng rises.
“Hindi totoo ’yan,” sabi ni Andrei.
“Kung gano’n, bakit ayaw mong magmura kahit minsan? Minsan lang? Hindi mo naman ito ikamamatay. Lahat naman nagmumura.”
Nagkibit-balikat si Andrei. “Ayaw ko lang.”
Alam ni Andrei na mali ang magmura at itinataboy nito ang Espiritu Santo. Gusto ni Andrei na mapasakanya ang Espiritu Santo. Kaya hindi siya nagmura.
Bago lang si Andrei sa paaralan, at sa ngayon, si Nikolai lang ang kaklase niya sa ikaanim na grado na gustong makipagkaibigan sa kanya. Pero araw-araw siyang kinukulit ni Nikolai tungkol sa pagmumura. At araw-araw ay lalong napagod si Andrei sa pagtanggi. Bukod pa rito, natakot si Andrei na baka hindi na siya kaibiganin ni Nikolai, at talagang malulungkot siya.
“Isang mura lang,” sabi ni Nikolai pagkatapos ng eskuwela. “At hindi na kita kukulitin.”
Sa wakas ay napagod na nang husto si Andrei sa pangungulit kaya nagmura na siya—na hindi gaanong masama.
Tumango si Nikolai. “Buti naman, ngayo’y isa ka na sa amin.”
Pagkatapos nito, kinausap din si Andrei ng iba pang mga kaibigan ni Nikolai. Sinabayan nila siyang mananghalian at naglaro sila ng football sa oras ng rises. Pero ang pagsama sa barkada ni Nikolai ay parang pagtapak sa kumunoy. Nang lalong makibarkada si Andrei sa kanila, lalo siyang nagsalita at kumilos na katulad nila. At lahat sila ay nagmura. Sobra. Pinagtawanan at ininsulto nila ang isa’t isa. Nagsalita sila ng kabastusan tungkol sa kanilang mga guro. Madalas silang magalit at napakasalbahe nila. Unti-unting nagsimulang magalit nang mas madalas si Andrei at lalo pa siyang nakakita ng mga dahilan para magmura.
Isang gabing wala sina Inay at Itay, nagtalo si Andrei at ang ate niyang si Katya tungkol sa panonoorin nilang palabas. Bago pa nakapag-isip si Andrei, nakapagmura na siya.
Nagulat si Katya. “Isusumbong kita kay Inay.”
Nagtago si Andrei sa kanyang kuwarto at isinara nang malakas ang pinto. Ano’ng problema nilang lahat? Bakit palagi nila siyang ginagalit? Nang makauwi ang mga magulang niya, binuksan ni Andrei ang kanyang pinto at narinig niyang sinabi ni Katya, “Inay, minura po ako ni Andrei.”
“Ano?” gulat na sabi ni Inay. “Kahit kailan hindi magmumura si Andrei.”
Isinara ni Andrei ang pinto at nagmukmok sa kama niya. Naisip niya kung gaano kalaki ang ipinagbago niya simula nang magmura siya. Matagal na niyang hindi nadarama ang Espiritu Santo.
Lumuhod si Andrei sa tabi ng kanyang higaan at nagdasal. “Mahal na Ama sa Langit, sori po at naging salbahe ako at magagalitin. Sori po at nagsimula akong magmura. Magpapakabait na po ako.”
Habang nagdarasal si Andrei, nag-alab ang kanyang dibdib. Sa unang pagkakataon simula nang magmura siya, talagang sumaya siya. Alam niyang mahal siya ng Diyos, at nadarama niya ang Espiritu Santo. Nadama niya na pinatawad siya at batid niya na maaari siyang magbago at magpakabait.
Matapos manalangin, sinabi niya kay Inay ang totoo at humingi siya ng paumanhin kay Katya. Gumanda ang pakiramdam ni Andrei pagkatapos niyon. Ang ganda ng pakiramdam kapag nagsisi.
Kinabukasan sa paaralan, hindi na sumama si Andrei sa grupo ni Nikolai sa pananghalian. Sa halip ay naupo siya sa tabi ng ilang batang hindi niya kilala. Matatagalan pa, pero alam ni Andrei na makakatagpo siya ng mga kaibigang mababait at masasaya at hindi nagmumura. Katulad niya.