2017
Ang Kapangyarihan ng Diyos
April 2017


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Kapangyarihan ng Diyos

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang sesyon ng priesthood na pinamagatang “The Doctrine of the Priesthood,” Ensign,Mayo 1982, 32–34; pinagpare-pareho ang pagpapalaki ng mga titik.

Ang pananampalataya ay kapangyarihan at ang kapangyarihan ay priesthood.

Enoch and the city of Zion

Lungsod ng Sion na Nagbagong-Kalagayan, ni Del Parson

Ang Diyos ay Diyos dahil Siya ang sagisag ng lahat ng pananampalataya at lahat ng kapangyarihan at lahat ng priesthood. Ang uri ng Kanyang pamumuhay ay tinatawag na buhay na walang hanggan.

At kung hanggang saan tayo magiging katulad Niya ay hanggang doon din ang ating matatamong pananampalataya sa Kanya, matatamong kapangyarihan Niya, at magagamit na priesthood Niya. At kapag lubusan at tunay tayong naging katulad Niya, magkakaroon din tayo ng buhay na walang hanggan.

Ang pananampalataya at priesthood ay magkaugnay. Ang pananampalataya ay kapangyarihan at ang kapangyarihan ay priesthood. Matapos tayong magtamo ng pananampalataya, tatanggapin natin ang priesthood. Pagkatapos, sa pamamagitan ng priesthood, lalago ang ating pananampalataya hanggang sa, taglay ang lahat ng kapangyarihan, maging katulad tayo ng ating Panginoon.

Ang panahon natin dito sa mortalidad ay itinalaga bilang isang panahon ng pagsubok at pagsusuri. Pribilehiyo natin habang narito tayo na gawing lubos ang ating pananampalataya at lumago sa kapangyarihan ng priesthood. …

Ang banal na priesthood ay mas maraming nagawa para gawing perpekto ang mga tao noong panahon ni Enoc kaysa ibang panahon. Kilala noon bilang orden ni Enoc (tingnan sa D at T 76:57), ito ang kapangyarihang naging daan kaya nagbagong-kalagayan sila ng kanyang mga tao. At sila ay nagbagong-kalagayan dahil sumampalataya sila at ginamit nila ang kapangyarihan ng priesthood.

Kay Enoc gumawa ng walang-hanggang tipan ang Panginoon na lahat ng tumanggap ng priesthood ay magkakaroon ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng pananampalataya, na pamunuan at supilin ang lahat ng bagay sa lupa, labanan ang mga hukbo ng mga bansa, at tumayo sa kaluwalhatian at kadakilaan sa harapan ng Panginoon.

Si Melquisedec ay isang taong gayon ang pananampalataya, “at [ang] kanyang mga tao ay gumawa ng kabutihan, at natamo ang langit, at hinanap ang lungsod ni Enoc” (Joseph Smith Translation, Genesis 14:34). …

Ano, kung gayon, ang doktrina ng priesthood? At paano tayo mabubuhay bilang mga lingkod ng Panginoon?

Ang doktrinang ito ay na ang ating Diyos Ama ay isang niluwalhati, perpekto, at dakilang nilalang na nagtataglay ng lahat ng lakas, lahat ng kapangyarihan, at lahat ng kapamahalaan, na nakakaalam sa lahat ng bagay at walang hanggan sa lahat ng Kanyang katangian, at may pamilya.

Ito ay na tinatamasa ng ating Amang Walang Hanggan ang mataas na katayuan ng kaluwalhatian at kasakdalan at kapangyarihan dahil lubos ang Kanyang pananampalataya at walang limitasyon ang Kanyang priesthood.

Ito ay na priesthood ang mismong tawag sa kapangyarihan ng Diyos, at na kung nais nating maging katulad Niya, kailangang matanggap at gamitin natin ang Kanyang priesthood o kapangyarihan ayon sa paggamit Niya rito. …

Ito ay na mayroon tayong kapangyarihan, sa pamamagitan ng pananampalataya, na pamunuan at supilin ang lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; na gumawa ng mga himala at gawing sakdal ang mga buhay; na tumayo sa harapan ng Diyos at maging katulad Niya dahil natamo natin ang Kanyang pananampalataya, Kanyang kasakdalan, at Kanyang kapangyarihan, o sa madaling salita’y ang kabuuan ng Kanyang priesthood.

At wala nang mas dakila pa kaysa sa doktrinang ito ng priesthood. Ito ang kapangyarihang matatamo natin sa pamamagitan ng pananampalataya at kabutihan …

Talagang may kapangyarihan sa priesthood—isang kapangyarihang hinahangad nating matamo para gamitin, isang kapangyarihang taimtim nating ipinagdarasal na mapasaatin at mapasa ating mga inapo magpakailanman.