Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan
Paano Makasumpong ng Tunay na Kapayapaan
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2013.
Ang banal na pag-asa ng mabubuting tao sa lahat ng dako ay kapayapaan sa mundo ngayon at magpakailanman. Huwag tayong sumuko na makamit ang mithiing ito. Ngunit, itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), “Ang diwa ng kapayapaan at pagmamahalan ay hindi darating sa daigdig hangga’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan … ang katotohanan ng Diyos at ang mensahe ng Diyos … , at kilalanin … ang kanyang kapangyarihan at awtoridad mula sa langit.”
Taimtim nating inaasam at ipinagdarasal na magkaroon ng kapayapaan sa mundo, ngunit nakakamtan natin bilang mga indibiduwal at pamilya ang uri ng kapayapaan na siyang ipinangakong gantimpala ng kabutihan. Ang kapayapaang ito ang ipinangakong kaloob ng misyon at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.
Ang kapayapaan ay hindi lamang kaligtasan o kawalan ng digmaan, karahasan, alitan, at pagtatalo. Ang kapayapaan ay nagmumula sa kaalamang kilala tayo ng Tagapagligtas at alam Niya na sumasampalataya tayo sa Kanya, mahal natin Siya, at sinusunod natin ang Kanyang mga utos, kahit at lalo na sa gitna ng nakapanlulumong mga pagsubok at trahedya [sa buhay] (tingnan sa D at T 121:7–8).
“Sa’n naro’n ang aking kapayapaan? Kung ang ginhawa’y ’di ko matagpuan?” (“Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” Mga Himno, blg. 74). Ang sagot ay ang Tagapagligtas, na siyang pinagmumulan at may-akda ng kapayapaan. Siya ang “Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).
Ang pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos, pagdarasal tuwina, pagsisisi sa mga kasalanan, pagpapabinyag na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo ang napakagandang halimbawa ng kabutihan na ginagantimpalaan ng walang hanggang kapayapaan.
Ang Simbahan ay isang kanlungan kung saan nagtatamo ng kapayapaan ang mga disipulo ni Cristo. Sinasabi ng ilang kabataan sa mundo na sila ay espirituwal ngunit hindi relihiyoso. Ang madama na kayo ay espirituwal ay isang mabuting unang hakbang. Gayunman, sa Simbahan tayo kinakaibigan, tinuturuan, at pinangangalagaan ng mabuting salita ng Diyos. Ang mas mahalaga, ang awtoridad ng priesthood sa Simbahan ang naglalaan ng mga sagradong ordenansa at tipan na nagbibigkis sa mga pamilya at ginagawang karapat-dapat ang bawat isa sa atin na makabalik sa Diyos Ama at kay Jesucristo sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansang ito ay naghahatid ng kapayapaan dahil mga tipan ito sa Panginoon.
Sa mga templo isinasagawa ang marami sa mga sagradong ordenansang ito at pinagmumulan din ng payapang kanlungan sa mundo. Yaong mga pumupunta sa bakuran ng templo o nakikibahagi sa mga temple open house ay nadarama rin ang kapayapaang ito.
Ang Tagapagligtas ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan. Nakakaranas man ng mga pagsubok sa buhay, dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa Kanyang biyaya, ang matwid na pamumuhay ay gagantimpalaan ng kapayapaan sa sarili (tingnan sa Juan 14:26–27; 16:33).