2017
Patuloy ang Digmaan
April 2017


Patuloy ang Digmaan

Patuloy ang digmaang nagsimula sa langit at nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Katunayan, umiinit ang labanan habang pinaghahandaan ng mga Banal ang pagbabalik ng Tagapagligtas.

clouds

Larawang kuha ni Katarina Stefanovic © iStock/Getty Images; Moment/Getty Images

Sinumang sumusubaybay sa mga balita ng buong mundo ay sasang-ayon na nabubuhay tayo sa panahon ng “mga digmaan at alingawngaw ng digmaan” (D at T 45:26). Mabuti na lang, lahat ng tao sa lupa ay beterano sa digmaan. Noon pa tayo nakikipaglaban sa mga hukbo ng kasamaan sa patuloy na digmaang nagsimula sa premortal na daigdig bago tayo isinilang.

Dahil wala pa tayong pisikal na katawan, nakipaglaban tayo sa Digmaan sa Langit nang walang mga espada, baril, o bomba. Ngunit ang labanan ay kasintindi lang ng anumang makabagong digmaan, at bilyun-bilyon ang mga napahamak.

Ang digmaan sa premortal na buhay ay gumamit ng mga salita, ideya, debate, at panghihikayat (tingnan sa Apocalipsis 12:7–9, 11). Ang estratehiya ni Satanas ay takutin ang mga tao. Alam niya na takot ang pinakamainam na paraan para sirain ang pananampalataya. Maaaring gumamit siya ng mga argumentong tulad nito: “Napakahirap.” “Imposibleng makabalik nang malinis.” “Lubhang mapanganib.” “Paano ninyo nalaman na mapagkakatiwalaan ninyo si Jesucristo?” Inggit na inggit siya sa Tagapagligtas.

Mabuti na lang, nangibabaw ang plano ng Diyos sa mga kasinungalingan ni Satanas. Kinailangan ng kalayaang moral para sa sangkatauhan at ng malaking sakripisyo upang maisagawa ang plano ng Diyos. Nagprisinta si Jehova, na kilala natin bilang si Jesucristo, na Siya ang maging sakripisyo—na magdusa para sa lahat ng kasalanan natin. Handa Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga kapatid upang ang mga nagsisi ay makabalik nang malinis at kalaunan ay maging katulad ng kanilang Ama sa Langit. (Tingnan sa Moises 4:1–4; Abraham 3:27.)

Ang isa pang nakatulong kay Jehova na makuha ang tiwala ng mga anak ng Diyos ay ang mga makapangyarihang patotoo ng Kanyang mga tagasuporta, na pinamunuan ni Miguel, ang arkanghel (tingnan sa Apocalipsis 12:7, 11; D at T 107:54). Sa premortal na buhay, ang tawag kay Adan ay Miguel, at ang tawag kay Satanas ay Lucifer, na ibig sabihin ay ang “nagdadala ng liwanag.”1 Maaaring tila kakaibang pangalan iyan para sa prinsipe ng kadiliman (tingnan sa Moises 7:26), ngunit itinuturo sa mga banal na kasulatan na si Satanas ay “anghel ng Diyos na may kapangyarihan sa harapan ng Diyos” bago siya nahulog (tingnan sa D at T 76:25–28).

Paano mahuhulog nang gayon ang isang espiritung labis ang kaalaman at karanasan? Dahil iyon sa kanyang kapalaluan. Naghimagsik si Lucifer laban sa ating Ama sa Langit dahil gusto niyang mapasakanya ang kaharian ng Diyos.

Sa kanyang klasikong mensaheng “Beware of Pride,” itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na si Lucifer ay “nangarap na maigalang nang higit sa lahat ng iba pa” at na “ang kanyang palalong hangarin ay agawan ng luklukan ang Diyos.”2 Narinig na rin ninyo na ginusto ni Satanas na wasakin ang kalayaan ng tao, ngunit hindi lamang iyon ang dahilan kaya hindi siya kinalugdan ng Diyos. Pinalayas siya sa langit dahil sa paghihimagsik laban sa Ama at sa Anak (tingnan sa D at T 76:25; Moises 4:3).

Bakit tayo nakipaglaban sa diyablo? Nakipaglaban tayo dahil sa ating katapatan. Minahal at sinuportahan natin ang ating Ama sa Langit. Ninais nating maging katulad Niya. Iba ang mithiin ni Lucifer. Ginusto niyang palitan ang Ama (tingnan sa Isaias 14:12–14; 2 Nephi 24:12–14). Isipin kung paano nasaktan ang ating mga Magulang sa Langit sa kataksilan ni Satanas. Sa mga banal na kasulatan, mababasa natin na “ang kalangitan ay tumangis sa kanya” (D at T 76:26).

Pagkaraan ng isang mainitang kampanya, nanaig si Miguel at ang kanyang mga hukbo. Pinili ng dalawang-katlo ng mga hukbo ng langit na sundin ang Ama (tingnan sa D at T 29:36). Pinalayas si Satanas at ang kanyang mga alagad mula sa langit, ngunit hindi sila itinapon kaagad sa labas na kadiliman. Una, itinapon sila sa daigdig na ito (tingnan sa Apocalipsis 12:7–9), kung saan isisilang si Jesucristo at isasagawa ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Bakit pinayagang bumaba sa lupa ang mga hukbo ni Satanas? Bumaba sila upang maging oposisyon sa mga taong sinusubukan dito (tingnan sa 2 Nephi 2:11). Itatapon ba sila kalaunan sa labas na kadiliman? Oo. Pagkatapos ng Milenyo, si Satanas at ang kanyang mga hukbo ay itatakwil magpakailanman.

Alam ni Satanas na bilang na ang kanyang mga araw. Sa Ikalawang Pagparito ni Jesus, si Satanas at ang kanyang mga anghel ay igagapos nang 1,000 taon (tingnan sa Apocalipsis 20:1–3; 1 Nephi 22:26; D at T 101:28). Habang papalapit ang takdang-panahon, ang mga puwersa ng kasamaan ay desperadong nakikibaka upang mabihag ang lahat ng mga kaluluwang makakaya nilang bihagin.

Ipinakita kay Juan na Tagapaghayag ang Digmaan sa Langit bilang bahagi ng isang dakilang pangitain. Ipinakita sa kanya kung paano itinapon si Satanas sa lupa upang tuksuhin ang sangkatauhan. Ito ang reaksyon ni Juan: “Sa aba ng lupa at ng dagat: sapagka’t ang diablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya” (Apocalipsis 12:12).

Kaya paano ginugugol ni Satanas ang kanyang panahon, batid na walang panahong dapat masayang? Isinulat ni Apostol Pedro na “[ang] diyablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya” (I Ni Pedro 5:8).

family kneeling in prayer

Ano ang naghihikayat kay Satanas? Hindi siya kailanman magkakaroon ng katawan, hindi siya kailanman magkakaroon ng asawa o pamilya, at hindi siya kailanman magkakaroon ng kaganapan ng kagalakan, kaya gusto niyang gawing “kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” ang lahat ng lalaki at babae (2 Nephi 2:27).

Pinupuntirya ng diyablo ang lahat ng tao, ngunit lalo na yaong mga may potensyal na magtamo ng walang-hanggang kaligayahan. Malinaw na naiinggit siya sa sinumang nasa landas tungo sa kadakilaan. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na si Satanas ay “nakidigma sa mga banal ng Diyos, at pinaligiran sila” (D at T 76:29).

Patuloy ang digmaang nagsimula sa langit at nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Katunayan, umiinit ang labanan habang pinaghahandaan ng mga Banal ang pagbabalik ng Tagapagligtas.

Ipinropesiya ni Pangulong Brigham Young (1801–77) “na ang Simbahan ay lalaganap, uunlad, lalago at lalawak, at habang lumalaganap ang Ebanghelyo sa mga bansa ng mundo, lumalakas rin ang kapangyarihan ni Satanas.”3

Palagay ko sasang-ayon tayong lahat na ang propesiyang ito ay natutupad na habang minamasdan natin ang pagpasok ng kasamaan sa mga lipunan ng mundo. Itinuro ni Pangulong Young na kailangan nating pag-aralan ang mga taktika ng kaaway para matalo natin siya. Magbabahagi ako ng apat na subok nang estratehiya ni Satanas at ng ilang ideya kung paano labanan ang mga ito.

Mga Estratehiya ni Satanas

1. Tukso. Mapangahas ang diyablo pagdating sa paglalagay ng masasamang ideya sa ating isipan. Itinuturo sa Aklat ni Mormon na si Satanas ay bumubulong ng marurumi at masasamang kaisipan at naghihikayat ng pag-aalinlangan sa ating isipan. Patuloy niya tayong hinihikayat na sundin ang mga panghihimok ng nakalululong na mga hilig at maging maramot at sakim. Ayaw niyang matukoy natin kung saan nagmumula ang mga ideyang ito, kaya bumubulong siya ng, “Hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo” (2 Nephi 28:22).

Paano natin mapaglalabanan ang deretsahang panunuksong ito? Ang isa sa pinakamabibisang kasangkapan ay itaboy lang si Satanas. Iyan ang gagawin ni Jesus.

Ang nakatala sa Bagong Tipan tungkol sa Tagapagligtas na nasa bundok ng mga tukso ay may itinuturong aral. Matapos ilahad sa Kanya ng diyablo ang bawat tukso, gumamit si Jesus ng dalawang-hakbang na depensa: una, pinaalis Niya si Satanas; pagkatapos ay sumipi Siya mula sa banal na kasulatan.

Bibigyan ko kayo ng halimbawa: “Humayo ka, Satanas,” pag-uutos ni Jesus, “sapagka’t nasusulat, sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran” (Mateo 4:10). Nakatala sa kasunod na talata, “Nang magkagayo’y iniwan siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at siya’y pinaglingkuran” (Mateo 4:11). Napakaepektibo ng depensa ng Tagapagligtas!

Ang talambuhay ni Pangulong Heber J. Grant (1856–1945) ay nagbibigay ng ideya kung paano nilabanan ni Pangulong Grant ang diyablo noong binata pa siya. Nang matukoy ni Pangulong Grant na bumubulong sa kanya si Satanas noon at nagsisikap na magtanim ng pag-aalinlangan sa kanyang puso, sinabi lang niya nang malakas, “Ginoong Diyablo, tumahimik ka.”4

May karapatan kayong paalisin si Satanas kapag naharap kayo sa tukso. Itinuturo sa banal na kasulatan, “[Lumaban] kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo” (Santiago 4:7).

Ang isa pang bahagi ng depensa ng Tagapagligtas ay sumipi sa banal na kasulatan. May dulot na malaking kapangyarihan ang pagsasaulo ng banal na kasulatan, tulad ng ginawa ni Jesus. Maraming epektibong paraan sa mga talata sa banal na kasulatan sa pagharap sa tukso.

Kapag natutukso kayo, maaari ninyong bigkasin ang mga kautusang tulad ng “Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin,” “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway,” o “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay” (Exodo 20:8; Lucas 6:27; D at T 121:45). Hindi lamang natatakot sa kapangyarihan ng banal na kasulatan si Satanas, kundi pinupuspos din nito ng Espiritu ang inyong puso, muli kayong binibigyan ng katiyakan, at nagpapatatag sa inyo laban sa tukso.

2. Mga kasinungalingan at panlilinlang. Inihayag sa mga banal na kasulatan na si Satanas ang “ama ng kasinungalingan” (2 Nephi 9:9). Huwag maniwala sa kanya kapag bumubulong siya ng mga mensaheng tulad ng “Wala kang nagagawang tama,” “Masyado kang makasalanan para mapatawad,” “Hindi ka magbabago kailanman,” “Walang nagmamahal sa iyo,” at “Wala kang mga talento.”

Ang isa pang kasinungalingang madalas niyang gamitin ay ang sumusunod: “Kailangan mong subukan ang lahat kahit minsan—para magkaroon ka lang ng karanasan. Hindi makakasama sa iyo kung minsan mo lang ito gagawin.” Ang nakayayamot na lihim na ayaw niyang malaman ninyo ay na nakakaadik ang kasalanan.

Ang isa pang epektibong kasinungalingang sinusubukan sa inyo ni Satanas ay ito: “Ginagawa ito ng lahat. OK lang iyan.” Hindi OK iyan! Kaya sabihin sa diyablo na ayaw ninyong mapunta sa kahariang telestiyal—kahit doon papunta ang lahat.

father teaching his family

Bagama’t magsisinungaling sa inyo si Satanas, makakaasa kayo na sasabihin sa inyo ng Espiritu ang katotohanan. Kaya nga napakahalaga ng kaloob na Espiritu Santo.

Ang diyablo ay tinatawag na “ang tusong manlilinlang.”5 Tinatangka niyang gayahin ang bawat tunay na alituntuning inilalahad ng Panginoon.

Tandaan, ang mga imitasyon ay hindi kapareho ng mga kabaligtaran. Ang kabaligtaran ng puti ay itim, ngunit ang imitasyon ng puti ay maaaring mamuti-muti o kulay-abo. Ang mga imitasyon ay hawig sa tunay na bagay para linlangin ang mga taong walang muwang. Ang mga ito ay baluktot na bersyon ng isang mabuting bagay, at gaya ng huwad na pera, walang halaga ang mga ito. Ilalarawan ko ito.

Ang isa sa mga imitasyon ni Satanas sa pananampalataya ay ang pamahiin. Ang kanyang imitasyon sa pagmamahal ay pagnanasa. Ginagaya niya ang priesthood sa pagpapasimula ng huwad na pagkasaserdote, at ginagaya niya ang mga himala ng Diyos sa pamamagitan ng mahika.

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos, ngunit ang kasal ng magkaparehong kasarian ay imitasyon lamang. Hindi ito nagdudulot ng mga inapo ni ng kadakilaan. Bagama’t nalilinlang ng kanyang mga imitasyon ang maraming tao, hindi ito ang tunay. Ang mga ito ay hindi makapagdudulot ng walang-hanggang kaligayahan.

Binalaan tayo ng Diyos sa Doktrina at mga Tipan tungkol sa mga imitasyon. Sabi niya, “Yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, at ito ay kadiliman” (D at T 50:23).

3. Pagtatalo. Si Satanas ang ama ng pagtatalo. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29).

Natutuhan ng diyablo mula sa maraming taon ng karanasan na kapag may pagtatalu-talo, lilisan ang Espiritu ng Panginoon. Mula nang makumbinsi niya si Cain na patayin si Abel, naimpluwensyahan na ni Satanas ang magkakapatid na mag-away-away. Nagpapasimula rin siya ng mga problema sa pagsasama ng mga mag-asawa, sa mga miyembro ng ward, at sa pagitan ng mga missionary companion. Nalulugod siyang makitang nagtatalo ang mabubuting tao. Sinisikap niyang magpasimula ng mga pagtatalo sa pamilya bago magsimba sa araw ng Linggo, bago mag-family home evening sa Lunes ng gabi, at tuwing magpaplano ang isang mag-asawa na dumalo sa sesyon sa templo. Madaling matukoy ang itinakda niyang panahon.

Kapag may pagtatalo sa bahay ninyo o sa trabaho, agad tumigil anuman ang ginagawa ninyo at hangaring makipagbati. Hindi mahalaga kung sino ang nagpasimula nito.

Ang pagtatalo kadalasan ay nagsisimula sa paghahanap ng mali. Itinuro ni Joseph Smith na “binibilog ng diyablo ang ating ulo at sinasabing napakabuti natin, samantalang nakatuon tayo sa mga kamalian ng iba.”6 Kung iisipin ninyo, ang pagmamalinis ay imitasyon lamang ng tunay na kabutihan.

Gustung-gusto ni Satanas na magpalaganap ng pagtatalo sa Simbahan. Dalubhasa siya sa pagtuturo ng mga kamalian ng mga pinuno ng Simbahan. Binalaan ni Joseph Smith ang mga Banal na ang unang hakbang tungo sa apostasiya ay ang mawalan ng tiwala sa mga pinuno ng Simbahan.7

Halos lahat ng babasahing anti-Mormon ay batay sa mga kasinungalingan tungkol sa pagkatao ni Joseph Smith. Pinagsusumikapan ng kaaway na siraan si Joseph dahil ang mensahe ng Panunumbalik ay nakasalalay sa salaysay ng Propeta tungkol sa nangyari sa Sagradong Kakahuyan. Mas pinagsisikapan ngayon ng diyablo na pag-alinlanganan ng mga miyembro ang kanilang patotoo tungkol sa Panunumbalik.

Sa mga unang araw ng ating dispensasyon, maraming maytaglay ng priesthood ang hindi nanatiling tapat sa propeta, na pinagsisihan nila. Isa sa kanila si Lyman E. Johnson, na natiwalag sa simbahan dahil sa masamang pag-uugali. Kalaunan ay ikinalungkot niya ang pagtalikod sa Simbahan: “Ipapaputol ko ang kanang kamay ko, kung mapaniniwalaan ko itong muli. Noong naniniwala pa ako puno ako ng kagalakan at kasayahan. Masaya ang mga panaginip ko. Pagkagising ko kinaumagahan tuwang-tuwa ako. Masaya ako araw at gabi, puspos ng kapayapaan at kagalakan at pasasalamat. Pero ngayon ay sobra ang kadiliman, pasakit, dalamhati, at kalungkutan. Hindi na ako nakaranas ng masayang sandali simula noon.”8

Isipin ninyo ang mga salitang iyon. Babala ito sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Convert ako sa Simbahan. Nabinyagan ako noong 23 anyos ako na young single adult na nag-aaral ng medisina sa Arizona, USA. Alam ko mismo kung paano sinisikap ni Satanas na lituhin ang mga investigator at pigilan sila sa paghahanap ng katotohanan.

Sa buong kabataan ko, namasdan ko ang mga halimbawa ng mga kaibigan kong Banal sa mga Huling Araw. Humanga ako sa paraan ng kanilang pamumuhay. Nagpasiya akong alamin ang iba pa tungkol sa Simbahan, pero ayaw kong sabihin kaninuman na pinag-aaralan ko ang Mormonismo. Para maiwasan ang pamimilit ng mga kaibigan ko, nagpasiya akong gawing lihim ang pagsisiyasat ko.

Nangyari ito noon pa bago nagkaroon ng internet, kaya nagpunta ako sa public library. Nakakita ako ng kopya ng Aklat ni Mormon at ng isang aklat na pinamagatang A Marvelous Work and a Wonder, ni Elder LeGrand Richards (1886–1983) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sinimulan kong basahin ang mga aklat na ito nang may matinding hangarin, at nakakatuwang basahin ang mga ito.

Habang nasasabik ang aking espiritu na malaman pa ang iba, nagsimulang bumulong si Satanas sa aking tainga. Sinabi niya sa akin na para lubos akong walang panigan, kailangan ko ring basahin ang isinulat ng mga kritiko ng Simbahan. Bumalik ako sa public library at nagsimula akong tumingin sa paligid. Tulad ng aking inaasahan, nakakita ako ng isang aklat na naninira kay Propetang Joseph.

Nalito ako nang mabasa ko ang aklat na ito na anti-Mormon. Nawala ang magiliw na diwa at impluwensya na gumabay sa aking pagsisiyasat. Pinanghinaan ako ng loob at ititigil ko na sana ang paghahanap ko ng katotohanan. Nagdasal ako na masagot ako habang binabasa ko ang babasahing anti-Mormon!

Nagulat ako nang tawagan ako sa telepono ng isang kaibigan ko noong hayskul na nag-aaral sa Brigham Young University. Inanyayahan niya akong bisitahin siya sa Utah, na nangakong magugustuhan ko ang magagandang tanawin sa paglalakbay. Wala siyang kamalay-malay na lihim kong pinag-aaralan ang kanyang Simbahan.

Tinanggap ko ang kanyang imbitasyon. Iminungkahi ng kaibigan ko na pumunta kami sa Salt Lake City para bisitahin ang Temple Square. Nagulat siya sa masiglang sagot ko. Wala siyang kamalay-malay na interesado talaga akong malaman ang katotohanan tungkol kay Joseph Smith at sa Panunumbalik.

Malaking tulong ang mga sister missionary sa Temple Square. Hindi nila alam na nasagot nila ang marami sa mga tanong ko. Nakaimpluwensya ang kanilang patotoo para “pagdudahan [ko] ang [aking] pagdududa,”9 at nagsimulang lumago ang aking pananampalataya. Ang kapangyarihan ng taos-pusong patotoo ay hindi maaaring balewalain.

Nagpatotoo rin sa akin ang kaibigan ko at inanyayahan akong ipagdasal at itanong sa Diyos kung totoo ang Simbahan. Sa mahabang biyahe pabalik sa Arizona, nagsimula akong magdasal nang may pananampalataya—sa unang pagkakataon “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin” (Moroni 10:4). Sa isang bahagi ng paglalakbay na iyon, tila nagliwanag nang husto ang buong kotse ko. Nalaman ko mismo na mapapawi ng liwanag ang kadiliman.

Matapos akong magpasiyang magpabinyag, humirit ang diyablo sa huling pagkakataon. Inimpluwensyahan niya ang aking pamilya, na ginawa ang lahat para hadlangan ako, at ayaw nilang dumalo sa binyag ko.

Nabinyagan pa rin ako, at unti-unting lumambot ang puso nila. Nagsimula silang tumulong sa pagsasaliksik ko ng aking family history. Makalipas ang ilang taon, bininyagan ko ang nakababata kong kapatid na lalaki. Ang kaibigang nag-anyaya sa akin na bisitahin siya sa Utah ay asawa ko na ngayon.

4. Pagpapahina ng loob. Epektibong ginagamit ni Satanas ang kasangkapang ito sa pinaka-matatapat na Banal kapag bigo na ang lahat. Para sa akin, kapag pinanghihinaan na ako ng loob, nakakatulong ito para matukoy ko kung sino ang nagtatangkang pabagsakin ako. Dahil dito naisip kong sumigla—para lang biguin ang diyablo.

Ilang taon na ang nakararaan, nagbigay ng mensahe si Pangulong Benson na tinatawag na “Huwag Panghinaan ng Loob.” Sa magandang mensaheng iyon, nagbabala siya, “Si Satanas ay lalong nagsisikap na madaig ang mga Banal sa pamamagitan ng kalungkutan, kabiguan, kawalang pag-asa, at depresyon.”10 Hinimok ni Pangulong Benson ang mga miyembro ng Simbahan na mag-ingat, at nagbigay siya ng 12 makatotohanang mungkahi upang mapaglabanan ang panghihina ng loob.

family walking on Boston Massachusetts Temple grounds

Kabilang sa kanyang mga mungkahi ang paglilingkod sa iba; pagsisipag at pag-iwas sa katamaran; pagkakaroon ng mabubuting kaugaliang pangkalusugan, na kinabibilangan ng pag-eehersisyo at pagkain ng mga pagkaing nasa kanilang natural na estado; paghingi ng basbas ng priesthood; pakikinig sa nagbibigay-inspirasyong musika; pagbibilang ng mga pagpapala; at pagtatakda ng mga mithiin. At higit sa lahat, tulad ng itinuturo sa mga banal na kasulatan, lagi tayong manalangin para madaig natin si Satanas (tingnan sa D at T 10:5).11

Nanginginig si Satanas kapag nakikita niya

Na nakaluhod ang banal na pinakamahina.12

Mahalagang malaman na may mga limitasyon ang kapangyarihan ng kasamaan. Ang Panguluhang Diyos ang nagtatakda sa mga limitasyong iyon, at hindi pinapayagang lumagpas diyan si Satanas. Halimbawa, tinitiyak sa atin ng mga banal na kasulatan na “ang kapangyarihan ay hindi ibinigay kay Satanas upang tuksuhin ang maliliit na bata” (D at T 29:47).

Ang isa pang mahalagang limitasyon ay na hindi alam ni Satanas ang ating mga iniisip maliban kung sasabihin natin sa kanya. Ipinaliwanag ng Tagapagligtas, “Wala nang iba pa kundi Diyos lamang ang nakaaalam ng iyong mga saloobin at hangarin ng iyong puso” (D at T 6:16).

Marahil ay ito ang dahilan kaya tayo binigyan ng Panginoon ng mga kautusang tulad ng “Huwag bumulung-bulong” (D at T 9:6) at “Huwag kayong magsasalita ng masama sa inyong kapwa” (D at T 42:27). Kung matututo kayong magpigil ng dila (tingnan sa Santiago 1:26), hindi kayo magbibigay ng labis na impormasyon sa diyablo sa huli. Kapag nakarinig siya ng pagbulung-bulong, pagrereklamo, at pamimintas, itinatala niyang lahat iyan. Ang mga negatibong salita ninyo ay naglalantad sa inyong mga kahinaan sa kaaway.

May magandang balita ako sa inyo. Ang mga hukbo ng Diyos ay mas malaki kaysa mga hukbo ni Lucifer. Tumingin kayo sa paligid at isipin sa inyong sarili, “Pasama nang pasama ang mundo. Si Satanas yata ang nagwawagi sa digmaan.” Huwag magpalinlang. Ang totoo ay, mas marami tayo kaysa sa kaaway. Tandaan, dalawang-katlo sa mga anak ng Diyos ang pumili sa plano ng Ama.

Mga kapatid, tiyakin na nasa panig kayo ng Panginoon sa pakikibaka. Tiyakin na bitbit ninyo ang espada ng Espiritu.

Dalangin ko na sa pagwawakas ng buhay ninyo, masasabi ninyo ang sinabi ni Apostol Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya” (II Kay Timoteo 4:7).

Mga Tala

  1. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lucifer,” scriptures.lds.org.

  2. Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 5.

  3. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 72.

  4. Tingnan sa Francis M. Gibbons, Heber J. Grant: Man of Steel, Prophet of God(1979), 35–36.

  5. Tingnan, halimbawa, sa Dieter F. Uchtdorf, “Mahalaga Kayo sa Kanya,” Liahona, Nob. 2011, 20; Gordon B. Hinckley, “Sa Panahon Natin Ngayon,” Liahona, Ene. 2002, 86.

  6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 532.

  7. Tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 372.

  8. Lyman E. Johnson, sa Brigham Young, Deseret News, Ago. 15, 1877, 484.

  9. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23.

  10. Ezra Taft Benson, “Do Not Despair,” Ensign, Nob. 1974, 65.

  11. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “Do Not Despair,” 65–67.

  12. William Cowper, sa Robert Andrews, comp., The Concise Columbia Dictionary of Quotations (1987), 78.