Maghanda para sa Templo Araw-araw
Noong siyam na taong gulang ako, nagkaroon ako ng kahanga-hangang guro sa Primary na nagngangalang Sister Kohler. Napakamahiyain ko noon, at napakagiliw niya kaya gustung-gusto ko siyang kasama. Isang araw binigyan niya ng papel ang bawat isa sa amin. Isinulat naming lahat ang gusto naming gawin paglaki namin. Isinulat ko: “Mag-aral sa kolehiyo at makasal sa templo.” Idinikit ko ang papel ko sa ibabaw ng pintuan ng kabinet ko. Sa gabi, tagos sa bintana ko ang liwanag ng ilaw sa poste sa labas. Tiningnan ko ang papel ko. Ipinaalala nito sa akin na gusto kong magpunta sa templo.
Noon, may 12 templo pa lang sa mundo. Gusto kong makapunta sa bawat isa.
Tuwing magpaplano ng bakasyon ang nanay at tatay ko, lagi nilang dinadala ang pamilya namin sa templo. Nakatira kami noon sa Oregon, USA. Ang pinakamalapit na templo ay 600 milya (965 km) ang layo sa Cardston, Alberta, Canada. Walang air conditioner ang kotse namin. Sa likuran kami umuupo ng mga kapatid kong lalaki at babae. Nagsasabit kami ng basang bimpo sa labas ng bintana ng kotse. Pagkatapos ay inilalagay namin ito sa leeg namin para magpalamig.
Napakasaya nang makita namin ang templo sa wakas. Wala akong gaanong alam kung ano ang nangyayari doon, pero laging masaya ang mga magulang ko paglabas nila. Alam ko na napakahalaga ng templo. Alam ko na bahay ito ng Panginoon. (Sa retrato, ako iyong nakaputing T-shirt.)
Nang mag-12 anyos ako, nakagawa ako ng mga binyag sa ilang templo. At nang makilala ko ang mapapangasawa ko, nalaman ko na mahal din niya ang templo! Ikinasal kami sa Manti Utah Temple.
Maaari kang maghanda para sa templo araw-araw. Magpunta sa templo kapag kaya mo. Hipuin ang mga pader nito. Noong ang apo kong si Jarret ay 11 taong gulang, gumawa siya ng family history tuwing Linggo kasama ang tatay niya. Marami siyang nakitang mga pangalan ng kanyang mga ninuno. Ngayong 12 taong gulang na siya, gumagawa na siya ng mga pagbibinyag sa templo para sa mga ninunong ito!
Kapag nasa templo ka, makakalakad ka sa nilalakaran ni Jesus. Bahay Niya ito. Sana araw-araw ninyong ipagdasal sa Ama sa Langit na tulungan kayong maghanda na makapasok sa templo at madama ang Kanyang pagmamahal.