Paano Ako Mag-aaral sa Aking Isipan at sa Aking Puso?
Alamin kung ano ang magagawa mo kapag may mga tanong ka.
Ano ang dapat mong gawin kapag may tanong ka tungkol sa isang bagay na patungkol sa doktrina, kasaysayan, o personal? Paano ka makasusumpong ng sagot? Nangako ang Panginoon, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (D at T 8:2). Paano mo ginagamit ang iyong isipan at puso upang mapansin ang inspirasyon? Narito ang ilang ideya.
Isipan
Pag-aralan, Ipagdasal, Pakinggan
Sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa paggawa natin ng “malalaking desisyon [sa buhay] …, inaasahan ng Ama sa Langit na gagamitin natin ang ating kalayaan, pag-aaralan ang sitwasyon sa ating isipan ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at ipagdarasal ang desisyong iyan sa Kanya” (“Ang Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2016, 105).
Gayon din sa anumang tanong. Habang pinag-aaralan mo ito, taimtim na ipagdasal ang mga sagot na masusumpungan mo. Magpapahiwatig sa iyo ang Espiritu Santo—sa pamamagitan man ng mga ideya, mga salita sa iyong isipan, o iba pang mga personal na paalala—upang gabayan ka sa karagdagang mga sagot na kailangan mo.
Gamitin ang mga Sanggunian
Saliksikin ang mga banal na kasulatan, pati na ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan at iba pang mga tulong sa pag-aaral. Maaari mo ring saliksikin ang iba pang mga sanggunian ng LDS tulad ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, Gospel Topics sa LDS.org, mga magasin ng Simbahan, Joseph Smith Papers Project, at marami pang iba. (Tingnan sa pahina 54 ang listahan ng makakatulong na mga sanggunian ng Simbahan.)
Pag-usapan Ito
Huwag matakot na humingi ng tulong. Paghikayat ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “May ibibigay akong hamon sa inyo. … Kailangan ninyong mag-isip ng isang tao [na makakatulong sa paghahanap ninyo ng sagot]—isang pinagkakatiwalaang kaibigan, isang magulang o mga magulang, lolo o lola, guro, bishopric, [o] adviser … —at kailangang masagot ninyo ang mga tanong na ito” (Face to Face broadcast, Ene. 20, 2016). Subukan ninyo! Kausapin ang isang pinagkakatiwalaan mo tungkol sa iyong mga tanong at magkasama kayong maghanap ng mga sagot.
Puso
Pag-aralan, Ipagdasal, Pakinggan
Ito ay mahahalagang hakbang sa pagninilay kapwa sa iyong isipan at sa iyong puso. Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Kung gusto ninyong makilala ang espirituwal na katotohanan, kailangan kayong gumamit ng mga tamang kasangkapan. Hindi ninyo mauunawaan ang espirituwal na katotohanan gamit ang mga kasangkapang hindi kayang tuklasin ito” (“Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Liahona, Nob. 2014, 22). Ang Espiritu Santo ang kasangkapang magagamit natin upang matututuhan ang espirituwal na mga bagay. Kaya kapag nagdasal at nakinig ka sa Espiritu, darating ang oras na masusumpungan mo ang mga sagot.
Magtiyaga
Ipinaliwanag din ni Pangulong Uchtdorf, “Kapag mas itinuon natin ang ating puso’t isipan sa Diyos, mas maraming liwanag mula sa langit ang magpapadalisay sa ating kaluluwa. … Unti-unti, ang mga bagay na dating malabo, madilim, at malayo ay nagiging malinaw, maliwanag, at pamilyar sa atin” (“Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” 22). Ang paghahanap ng mga sagot ay maaaring maging mahabang proseso. Ngunit kung handa kang pakinggan ang mga sagot, kahit matagal ito, masusumpungan mo ang mga ito.
Magpraktis sa Pagtukoy sa mga Pahiwatig
Kapag mas natukoy mo ang mga pahiwatig at handa kang kumilos kapag bumulong ang Espiritu sa puso mo, nagiging mas madaling mapansin ang iba pang mga pahiwatig sa hinaharap. “Madarama mo na ito ay tama” o makararanas ka ng “pagkatuliro ng pag-iisip,” kung ito ay mali (tingnan sa D at T 9:8–9). Maaari ka ring makadama ng magiliw na paalala, kapayapaan, o iba pang damdaming para sa iyo lamang. Kilala ka ng Panginoon, at alam Niya kung paano mo mauunawaan ang Espiritu. Bibigyan Ka niya ng mapagmahal na patnubay na para sa iyo lamang. Kaya patuloy na makinig at magpraktis sa pakikinig sa Espiritu.