Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Nawawalang Pitaka
Kamakailan ay lumipat ako sa isang bagong tirahan at humingi ako ng tulong sa ilang miyembro ng Simbahan sa isang proyekto sa bahay ko. Sa kalagitnaan ng proyekto, umalis ako para bumili ng ilang materyales na kailangan namin para makatapos. Nang matapos namin ang proyekto, natanto ko na nawawala ang pitaka ko. Nag-alala ako dahil nasa loob ng pitaka ko ang lahat ng personal kong mga dokumento kasama ang pera ko na katatanggap ko lang mula sa isang kliyente nang umagang iyon. Binalikan ko ang mga dinaanan ko papunta sa binilhan ko pero hindi ako sinuwerte. Umuwi ako at naghanap para matiyak kung nalaglag ko ito sa kung saan, pero hindi ko pa rin iyon natagpuan. Sinimulan kong isipin ang posibilidad na kailangan kong kumuha ng panibagong mga kopya ng lahat ng dokumento. At bago ako umalis ng bahay, nagtanong ang isang kaibigan, “Nagdasal ka na ba?”
Agad kong naisip, “Siyempre nagdasal na ako!”
Pero ang totoo, hindi ako nagdasal nang may tunay na layunin. Sa halip, gusto kong ipilit ang kalooban ko sa Ama sa Langit at kahit paano’y gawing tungkulin Niya na tulungan akong mahanap ang pitaka ko. Pero naalala ko ang talata sa banal na kasulatan sa Isaias 55:8: “Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.”
Pagsapit ng Linggo nagsimba ako, at sinabi sa akin ng isang miyembrong nakasama ko sa araw bago ang araw na iyon na nanalangin siya nang taimtim sa Ama sa Langit na matagpuan ko ang pitaka ko. Nadama raw niya na matatagpuan ko ito. Kalaunan, nang maupo ako para sa aking personal na pag-aaral, sinimulan kong basahin ang Receiving Answers to Our Prayers ni Elder Gene R. Cook, na emeritus member ng Pitumpu. Ikinuwento sa unang pahina ang isang problemang katulad ng sa akin: nawala ng anak na lalaki ni Elder Cook ang kanyang pitaka, kaya nagtipun-tipon ang pamilya at nanalangin sa Panginoon na matagpuan nila ito.
Pagkatapos mabasa ang karanasang iyon, ginamit ko ang natutuhan ko at tinipon ko ang asawa ko’t mga anak. Tumayo kami nang pabilog, at bawat isa ay nagdasal, na sumasamo sa Panginoon na tulungan kaming matagpuan ang pitaka kung loloobin Niya.
Nasaksihan ko na dati ang kapangyarihan ng panalangin, pero pagkatapos, nang manalangin ako nang sarilinan, hiniling ko sa Ama sa Langit na sagutin ang aming panalangin para lumakas ang pananampalataya ng aking asawa at ng mga anak ko.
Kinabukasan tinawagan ako ng isang lalaki. Natagpuan daw niya ang pitaka ko, pati na ang pera. Napaiyak akong parang bata dahil sinagot ang panalangin ko at lumakas ang pananampalataya ng pamilya ko.
Alam ko na ang Ama sa Langit, kahit napakarami Niyang anak na aasikasuhin, ay sumasagot sa bawat isa sa atin alinsunod sa Kanyang takdang panahon at sa Kanyang paraan.