2017
Ang Bahaging para sa Atin
April 2017


Ang Bahaging para sa Atin

uncle making ship in a bottle

Paglalarawan ni Dan Burr

Binibigyan Tayo ng Diyos ng mga Kagamitan

Ang tito ko ay isang artist at gumagawa ng maliliit na barkong yari sa kahoy na nasa loob ng mga bote. Kailangan ng maraming oras, konsentrasyon, at pagsisikap para magawa ang mga ito.

Isang araw nakita ko ang lahat ng kanyang mga kagamitan at napansin ko kung paano ginamit ang bawat kagamitan para sa partikular na detalye o hulma sa barko. Habang pinanonood ko siyang magtrabaho, nagulat ako kung paano niya ginagamit ang mga kagamitan sa paggawa ng mga barkong ito. Naalala ko ang kuwento ng pagbubuo ni Nephi ng barko (tingnan sa 1 Nephi 17–18). Binuo niya iyon sa paraan ng Panginoon, hindi sa paraan ng tao. Binibigyan tayo ng Diyos ng mga kagamitan sa pagbubuo ng sarili nating barko sa Kanyang paraan. Ang mga banal na kasulatan, pananampalataya, at pag-ibig ng Diyos ay mga kagamitan na kailangan kong gamitin sa sarili kong buhay upang maingat kong mabuo ang sarili kong barko nang walang mga bitak. Natututo ako bawat araw na maging disipulo ng Panginoon.

María Mercedes G., Monagas, Venezuela

Kalungkutan

Malamig na tagsibol noon sa Denmark. Kasisimula ko pa lang sa full-time mission ko, at nahihirapan ako sa aking patotoo. Labingsiyam na buwan pa lang akong miyembro at napakarami kong pangamba tungkol sa pagtira sa ibang bansa, paggamit ng wikang hindi ko mabigkas, at pagdaan sa mga kalsadang hindi pamilyar sa akin. Ang aking mga dalangin na dati’y puspos ng pasasalamat ay naging mapapait na paratang: “Diyos ko, bakit Ninyo ako pinabayaan?”

Isang umaga nagsumamo ako sa Kanya sa panalangin. Ngunit sa halip na magtanong ng “bakit” nang may galit sa puso ko, nagsumamo ako na bigyan ako ng patotoo tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo at masupil ko ang aking mga pag-aalinlangan.

Matapos magdasal, muli kong binuklat ang aking mga banal na kasulatan. Nabuksan ito sa Deuteronomio 31:6: “Kayo’y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot sa kanila; sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan ka niya.”

Napuspos ng galak ang puso ko nang matanto ko ang sagot sa aking panalangin: Palagi ko palang kasama ang Diyos. Naghihintay lang pala Siya ng taimtim na panalangin sa halip na mga paratang na pinabayaan Niya ako.

Hindi ako iiwan ng Diyos kailanman, kahit tila wala nang pag-asa ang lahat. At madarama natin ang Kanyang liwanag sa pamamagitan ng panalangin at sa Kanyang mga banal na kasulatan.

Clayton E., Texas, USA