2017
Huwag Sana Ninyong Patugtugin ang Awiting Iyan
April 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Huwag Sana Ninyong Patugtugin ang Awiting Iyan

children listening to sterio

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Ilang taon na ang nakararaan, nakatira kami ng pamilya ko sa Veracruz, Mexico, kung saan nag-aral ng elementarya ang mga anak ko. Tuwing umaga kapag tinutulungan ko ang tatlong anak ko na maghandang pumasok sa paaralan, nakikinig kami sa radyo—sa pinakapopular na istasyon sa lungsod—na may isang kaaya-ayang programa na pinangangasiwaan ng isang binatang radio announcer.

Nagsimula kaming makarinig ng isang awiting madaling sundan. Nang mas pagtuunan ko ng pansin ang mga titik, natanto ko na ang mga sinasabi nito, bagama’t hindi bastos, ay mahalay at magaspang.

Determinado kong sinabi sa mga anak ko, “Hindi tayo maaaring makinig sa ganitong klase ng pananalita.” Siguro ni hindi nila pinansin ang mga titik ng awitin, pero talagang nagtuon sila ng pansin sa himig ng tono nito.

Nakita nilang pinatay ko ang stereo at tinanong nila ako kung ano ang ginagawa ko. “Sasabihin ko sa radio announcer na alisin ang awiting iyon sa programa.” Ang pagkamangha nila ay naghikayat sa akin na ipagpatuloy ang paggawa ng hakbang.

Hindi sila makapaniwala at maging ako man, pero dinampot ko ang telepono at tinawagan ko ang istasyon ng radyo. Hindi ko inasahang may sasagot, pero nagulat ako nang halos agad-agad ay sinagot ang tawag ko ng radio announcer ding iyon na karirinig lang namin sa programa.

Sinabi ko sa kanya na hindi ako sang-ayon na pakinggan ang awiting iyon, dahil maraming pamilyang nakikinig sa radyo sa oras na iyon ng umaga. Itinanong niya kung ano ang imumungkahi kong ipalit dito, pero napakahinahon niyang magsalita kaya hiniling ko na lang na huwag niyang patugtugin ang awiting iyon sa oras na nasa bahay ang mga bata.

Hindi ko kailanman nalaman kung dinig sa radyo ang tawag ko, pero nagpasalamat na lang ako na nakinig ang radio announcer. At nang sumunod na ilang araw, masasabi ko na pinagbigyan ang kahilingan ko.

Pinagtibay sa akin ng karanasang iyon na dapat tayong maging matapang kapag nasa mga kamay natin ang paggawa ng desisyon at kailangan nating gawin ang nararapat para protektahan ang ating mga anak laban sa masasamang impluwensya. Kapag ginawa natin ito, patuloy tayong mapapatnubayan ng Espiritu Santo.