2017
Nakita Nila Siya
April 2017


Nakita Nila Siya

Talagang nakita ng mga taong ito ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, ngunit kayo rin ay maaaring maging saksi ni Cristo sa sarili ninyong paraan.

Jesus and Mary in front of the tomb

Siya ay Nagbangon,ni Greg K. Olsen, hindi maaaring kopyahin

Sa palagay ninyo ano kaya ang pakiramdam ng masaksihan ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas? Para sa daan-daang tao noong panahon ni Jesus, hindi nila kinailangang wariin ito—nasaksihan nila ito mismo. Nakasaad sa mga banal na kasulatan ang di-kukulangin sa isang dosenang nakatalang mga pagkakataon sa Bagong Tipan at ilang iba pa sa Aklat ni Mormon nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga tao. Nasaksihan ng mga taong ito ang isa sa pinakamalalaking himala sa kasaysayan: nadaig ni Jesucristo ang kamatayan at ginawang posible na mabuhay na muli ang bawat isa sa atin. Talagang kahanga-hanga, ’di ba?

Kaya ano nga ba ang kahulugan ng maging saksi ni Cristo? Tingnan natin ang ilan sa mga sandaling ito sa mga banal na kasulatan at isipin kung paano tayo maaaring maging mga saksi rin ni Cristo, kahit hindi natin Siya pisikal na nakita.

Maria Magdalena

Si Maria Magdalena ang unang saksi. Linggo ng umaga pagkatapos ng Pagpapako sa Krus, nagpunta siya sa libingan kasama ang ilang kababaihan para pahiran ng pabango ang katawan ng Panginoon. Nang matuklasan ni Maria ang libingang walang laman, siya ay tumangis. May lumapit sa kanya mula sa likuran at nagtanong, “Babae, bakit ka umiiyak?” Laking gulat siguro niya nang matuklasan niya na si Jesus iyon, na bumangon mula sa patay. (Tingnan sa Juan 20:1–18.)

Dalawang Disipulo sa Daan Patungong Emaus

Christ on the road to Emmaus

Daan Patungo sa Emmaus, ni Jon McNaughton

Si Cleofas at ang isa pang disipulo ay naglalakad noon sa daan patungong Emaus nang sabayan sila ng isang estranghero. Hindi nila nakilala ang bago nilang kasama, ngunit nang naghahapunan na sila, nagpira-piraso ng tinapay ang estranghero. At nabuksan ang kanilang mga mata, at natanto nila na kasama pala nilang naglalakbay ang Tagapagligtas. “Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin … ?” tanong nila sa isa’t isa, na pinagbubulay-bulay ang mga pagpapatibay na nadama nila na talagang Siya ang kasama nila. (Tingnan sa Lucas 24:13–34.)

Ang Sampung Apostol

Resurrected Christ with Apostles

Masdan ang Aking mga Kamay at Paa, ni Harry Anderson

Ang dalawang disipulong naglakbay papuntang Emaus kasama ni Cristo ay bumalik sa Jerusalem at ikinuwento sa sampung Apostol ang kanilang karanasan. Habang nangag-uusap sila, nagpakita mismo ang Tagapagligtas sa kanila, na nagsasabing, “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Tingnan sa Lucas 24:36–41, 44–49.)

Si Apostol Tomas

Christ with Thomas

larawan ni Thomas na ipininta ni Brian Call

Wala si Apostol Tomas nang unang magpakita ang Tagapagligtas sa mga Apostol, kaya hindi siya naniwala na nabuhay na mag-uli si Cristo. Makaraan ang isang linggo, muling nagpakita si Cristo sa mga Apostol. Sa panahong ito, si Tomas ay naroon, at dahil nakita niya si Cristo, naniwala siya na nagbangon si Cristo. Binalaan ng Tagapagligtas si Tomas laban sa paniniwala lamang matapos makakita: “Sapagka’t ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon maʼy nagsisampalataya.” (Tingnan sa Juan 20:24–29.)

Ang Labing-isang Apostol sa Dagat ng Tiberias

Apostles on the Sea of Tiberias

Ang Nabuhay na Mag-uling Cristo sa Dagat ng Tiberias, ni David Lindsley

Isang araw, hindi pa nagtatagal matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli, ilan sa mga Apostol ang nangisda sa Dagat ng Tiberias ngunit hindi sila pinalad. Kinaumagahan, nagpakita ang Tagapagligtas at pinayuhan silang ihagis ang lambat sa dakong kanan ng bangka. Nang gawin nila ito, maraming nahuling isda ang lambat kaya halos hindi nila ito mahila! Pagkatapos nilang magpakabusog, itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng paglilingkod sa iba, sinasabing, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” Gugugulin ng mga Apostol ang natitira nilang buhay sa paggawa lamang nito—ang magturo sa mga tao tungkol kay Cristo—at sa ilang pagkakataon, ibinuwis nila ang kanilang buhay para dito. (Tingnan sa Juan 21:1–22.)

Ang mga Nephita sa Lupain ng Amerika

Christ among the Nephites

Isang Pastol, ni Howard Lyon

Sa oras ng Pagpapako sa Krus, ang lupain ng Amerika ay winasak ng mga lindol, sunog, iba pang mga kalamidad, at binalot ng tatlong araw na kadiliman tanda ng pagkamatay ng Tagapagligtas. Kalaunan, si Cristo ay bumaba mula sa langit at bumisita sa 2,500 tao na nagtipon malapit sa templo sa Bountiful o Masagana. Inanyayahan Niya ang mga tao na damhin ang sugat sa Kanyang mga kamay at paa at tagiliran, nagbigay ng sermon, at isa-isang binasbasan ang mga anak ng mga Nephita. Mas marami pang tao ang nagtipon nang sumunod na araw, at dumalaw ang Tagapagligtas at tinuruan sila. Kalaunan ay itinatag ng mga disipulo ang Simbahan ni Cristo, at tumanggap ang mga Nephita ng napakalakas na patotoo na sila at ang mga Lamanita rin ay nagbalik-loob sa Panginoon. (Tingnan sa 3 Nephi 11–18; tingnan din sa 3 Nephi 8–10; 4 Nephi 1.)

Mga Saksi Noon at Ngayon

Nagpakita rin si Cristo sa marami pang iba, kabilang na ang ilang kababaihang pumunta sa libingan upang tulungan si Maria Magdalena na pahiran ng pabango ang katawan ni Cristo, sa isang grupo ng mahigit 500 kalalakihan, kay Santiago, at kay Pablo. (Tingnan sa Mateo 28:9; Mga Gawa 9:4–19; I Mga Taga Corinto 15:6–7; tingnan din sa 3 Nephi 19; 26:13.)

Maaaring hindi tayo magkaroon ng pagkakataong makita ang Tagapagligtas na tulad ng naranasan ng mga saksing ito, ngunit maaari pa rin kayong maging saksi ni Cristo. Maaari ninyong personal na hanapin ang Tagapagligtas, tulad ng ginawa ni Maria nang magpunta siya sa libingan, sa pamamagitan ng pag-aaral pa tungkol sa Kanya. O maaari kayong manampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at pagsunod sa payo ng mga propeta. O maaari ninyong kilalanin ang mga pagpapala ng Tagapagligtas sa inyong buhay, tulad ng ginawa ng dalawang disipulong naglalakad patungong Emaus. Ngayong panahon ng Paskua, isipin kung ano ang ibig sabihin ng maging saksi ni Cristo. Ang mga taong ito ay literal na mga saksi na tunay na nakakita sa nabuhay na mag-uling Cristo—ngunit hindi lamang iyan ang paraan para masaksihan ninyo Siya sa inyong buhay.