2017
Nalimutang mga Aklat, Naalalang Patotoo
April 2017


Nalimutang mga Aklat, Naalalang Patotoo

Ang awtor ay naninirahan sa Cagayan, Philippines.

Lahat ng mata ay nakatuon sa akin. Maipagtatanggol ko ba ang Simbahan sa simpleng patotoo ko lamang?

girl in classroom

Isang taon kong minithing pagbutihin ang aking espirituwal na pag-aaral. Nagdadala ako ng mga aklat, polyeto, at manwal ng Simbahan, at mga banal na kasulatan kahit saan, pati na sa eskuwela, dahil gutom ako sa mga salita ng Diyos. Pero nabawasan ang pagsisikap ko nang maging abala ako sa pag-aaral para sa isang parating na pagsusulit.

Isang araw nagpasimula ng talakayan ang aming guro kung saan pinatayo niya ang mga estudyanteng hindi Katoliko na nasa silid. Ako lang ang Banal sa mga Huling Araw sa klase. Anim pang estudyante ang tumayo.

Pagkatapos ay tinanong kami: Anong simbahan ang kinabibilangan ninyo? Sino ang nagtatag? Paano itinatag ang simbahan ninyo?

Ako ang huling sumagot. Kinabahan ako nang matanto ko na hindi ko dala ang aking mga aklat sa Simbahan, pero sinikap kong alalahanin ang mga bagay na napag-aralan ko. Pumasok sa isipan ko ang isang talata sa Biblia:

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6).

Tumayo ako sa harap ng klase nang buong tapang at kinalimutan ko ang takot. Sinabi ko na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ibinahagi ko ang kuwento tungkol sa isang bata, si Joseph Smith, na nakakita sa Diyos. Nakaramdam ako ng pag-aalab sa aking dibdib, at tumulo ang luha ko. Ibinahagi ko na ang Simbahan ay inorganisa noong Abril 6, 1830, at nagpatotoo ako na isang propeta ng Diyos ang tinawag at ipinanumbalik ang priesthood. Nagpatotoo ako na alam ko na lahat ng ito ay totoo.

Nasulit ang maraming oras ng pag-aaral ng ebanghelyo. Nakatulong ito para maipagtanggol ko ang aking pananampalataya at maibahagi ko ang ebanghelyo. Natuwa ako nang, makalipas ang ilang linggo, apat sa mga kaklase ko ang sumama sa akin sa simbahan.

Itinuro sa akin ng karanasang iyon ang kahalagahan ng patotoo. Noong una inisip ko kung bakit hindi ako hinikayat ng Panginoon na dalhin ko ang aking mga aklat sa araw na iyon. Nakatulong sana ang mga ito para lubos kong masagot ang mga tanong. Subalit natanto ko na hindi natin kailangang isaulo ang lahat ng tungkol sa Simbahan o umasa sa mga reperensya—dapat nating pag-aralan, ipamuhay, at ibahagi ang ebanghelyo, na umaasa sa Espiritu Santo. Hindi ko man dala noon ang aking mga aklat, dala ko naman ang aking patotoo.