Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Iniligtas sa Foyer
Kadalasan ay kailangang magtrabaho ang asawa ko tuwing Linggo, kaya naiiwan akong mag-isa para dalhin sa simbahan ang apat na anak namin. Isang partikular na Linggo sa sacrament meeting, nag-aaway ang dalawang maliliit kong anak. Nakuha ko ang interes ng isa sa kanila sa isang aklat, at gusto naman itong kunin ng kanyang kapatid. Sinubukan kong magbigay ng makakain, mga laruan, at pangkulay, pero walang umubra. Napagod ako sa mga anak ko, na parang hindi kayang maupo nang tahimik sa loob ng isang oras.
Dumukot ako ng isang maliit na laruan sa bag ko at ibinigay ito sa isang-taong-gulang na anak ko. Agad sumigaw ang tatlong-taong-gulang kong anak na si Tyson, habang hinahampas ang bunso niyang kapatid, sa pagsisikap na agawin ang laruan. Hiyang-hiya ako nang kargahin ko ang dalawang batang sumisigaw at nag-aaway papunta sa foyer.
Agad nabasa ng mainit na luha ang aking mukha. Bakit kailangan akong mahirapan nang husto? Ginagawa ko ang gustong ipagawa sa akin ng Ama sa Langit sa pagdadala ng pamilya ko sa simbahan, hindi ba? Pero hindi ko na kayang gawin iyon. Nakakapagod at nakakahiyang sawaying mag-isa ang mga anak ko sa sacrament meeting linggu-linggo. Ayaw ko nang bumalik kahit kailan.
Naupo ako na iniisip ito sa loob lamang ng mga 15 segundo, at pagkatapos ay isang babaeng hindi ko gaanong kilala ang sumunod sa akin sa foyer. Ang pangalan niya ay Sister Beus. Karaniwa’y mag-isa siya sa upuan, dahil naglilingkod sa bishopric ang kanyang asawa at malalaki na ang kanyang mga anak. Sabi niya, “Lagi kang nag-iisa rito! Nakikita ko na hirap na hirap ka. Puwede ko bang itabi sa akin si Tyson?” Ni wala akong maisip na isasagot! Tumango na lang ako nang hawakan niya sa kamay at akayin si Tyson, na ngayo’y panatag at masaya na, pabalik sa chapel.
Pinunasan ko ang luha ko, kinarga ko ang baby ko, at mapakumbaba akong bumalik sa loob ng chapel para ituloy ang pagdalo sa pulong nang mapayapa.
Nang sumunod na Linggo habang papasok kami sa sacrament meeting, hinanap ni Tyson ang bago niyang kaibigan. Sa gabi nagdarasal niya ng, “Salamat po, Ama sa Langit, kay Sister Beus. Mahal na mahal ko po siya!”
Mahigit tatlong taon na ang nakalipas, at madalas pa ring hanapin ni Tyson si Sister Beus sa chapel. Noong isang taon natawag itong maging guro ni Tyson sa Primary. Siya ang pinakamasayang batang nabubuhay.
Labis ang pasasalamat ko kay Sister Beus at sa kahandaan niyang mahalin at paglingkuran ang iba. Alam ko na mapagpapala natin ang buhay ng iba kapag naglingkod tayo na tulad ng Tagapagligtas.