2017
Paano ko malalaman na dinirinig ng Diyos ang aking mga dalangin?
April 2017


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ko malalaman na dinirinig ng Diyos ang aking mga dalangin?”

Ang panalangin ay isang malaking pagpapala, at pinangakuan tayo na laging nakikinig ang Ama sa Langit, ngunit kadalasan ay kailangan nating kumilos para mapansin ang Kanyang mga sagot.1

Isipin ito: maaaring pinakikinggan ka ng Diyos o hindi. Kung hindi Siya nakikinig, siyempre wala nang dahilan para magdasal. Ngunit kung nakikinig Siya (at nakikinig nga Siya!), kailangan nating malaman kung paano talaga makipag-usap sa Kanya sa panalangin, matukoy ang mga sagot, at buong katapatang sumulong.

Kapag nadama natin na hindi Siya nakikinig, siguro kailangan nating maranasan ang ilang personal na pag-unlad. Maaari mong itanong ito sa iyong sarili: Malinis ba ako? Karapat-dapat ba ang mga hangarin ko? Handa ba akong gawin ang ipinagagawa Niya?2 Kung oo ang sagot sa bawat isa sa mga ito, maaari kang magtiwala na “ang Panginoon mong Diyos ay … bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10). Tandaan, kung minsan dumarating ang mga sagot sa di-kapansin-pansin o di-inaasahang mga paraan.

Kung hindi ang sagot mo sa ilan sa mga tanong na iyon, hindi pa huli ang lahat! Baguhin ang mga dapat mong baguhin sa iyong buhay para mapasaiyo ang Espiritu. Maging handang kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap mo.

At huwag kalimutan na lahat ng tao ay tumatanggap ng mga sagot sa iba’t ibang paraan. Manalangin na turuan ka ng Espiritu Santo kung paano mo mapapansin ang mga sagot. Maaaring hindi madaling matukoy ang mga ito sa una, ngunit ito ay katulad ng iba pang mga kasanayan: sa pagpraktis ay nagiging perpekto. Manampalataya at magtiwala na ang Ama sa Langit ay palaging nakikinig.

Pakinggan ang Espiritu

Sikaping pakinggan ang Espiritu Santo. Naririnig ng mga tao ang Espiritu Santo sa iba’t ibang paraan, kaya marahil ay nakikinig ka sa marahan at banayad na tinig kapag ang pahiwatig ay dumating bilang isang pakiramdam. Alam ko na sasabihin sa iyo ng Espiritu Santo ang lahat ng kailangan mong malaman—kailangan mo lang makinig.

Elise G., edad 13, Alberta, Canada

Mga Sagot sa Simbahan

Minsan nag-alinlangan ako tungkol sa pakikipagdeyt sa isang di-miyembro. Isang araw ng Linggo sa sacrament meeting, isang sister ang nagbigay ng mensahe na tila para sa akin mismo. Sa sandaling iyon, nakatanggap ako ng katiyakan na sinagot ng Panginoon ang aking panalangin. Dati-rati, nalilito ako kung ano ang gagawin ko, pero inaliw ako ng Espiritu Santo, na pinuspos ng kagalakan at lakas-ng-loob ang puso ko. Sinasagot tayo ng Diyos sa pamamagitan ng mga pakiramdam, kaisipan, banal na kasulatan, at tagapagsalita sa simbahan!

Karen V., edad 19, Minas Gerais, Brazil

Tandaan Kung Sino Ka

Alam ko na dinirinig tayo ng Diyos dahil ang panalangin ay nagdudulot ng kapayapaan, kapanatagan, at pagmamahal sa puso ko. Nakikita ko na inilalayo Niya ako sa maraming panganib sa araw-araw at pinoprotektahan Niya ang aking pamilya, at dama kong mahal Niya ako. Bago ako pumasok sa paaralan, lagi kong binibigkas ang tema ng Young Women; tumutulong ito na ipaalala sa akin na ako ay anak ng Ama sa Langit, na nagmamahal sa akin.

Nicol M., edad 19, Lima, Peru

Saliksikin Ito

Minsan naisip ko kung naririnig ng Diyos ang aking mga dalangin, at nadama ko ang sagot sa aking puso. Narinig kong magpatotoo ang isang tao tungkol sa panalangin, at nadama ko ang Espiritu Santo. Ang isa pang payo ko ay magtanong sa iyong mga magulang, bishop, o iba pang mga miyembro ng inyong ward. Maaari ka ring manalangin para humingi ng tulong sa paksang ito!

Joshua S., edad 13, Oregon, USA

Panalangin ng Isang Bata

Alam ko na dinirinig ng Ama sa Langit ang mga dasal ko dahil sa mga titik na ito sa awitin sa Primary na “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6): “Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan? Langit daw ay sadyang kaylayo, ngunit ito’y dama ko sa ’king puso.” Kapag naaalala ko ang kantang iyon, alam ko na Siya ay nakikinig dahil nadarama ko ang Espiritu at ang Kanyang walang-katapusang pagmamahal sa akin. Kapag naaalala ko na mahal Niya ako, nakadarama ako ng kapanatagan at alam ko na naririnig Niya ang aking mga dasal.

Elaine B., edad 16, North Carolina, USA

Magtiwala sa Kanya

Ang Ama sa Langit ay palaging nakikinig sa ating mga dalangin, ngunit kung minsan parang hindi Niya sinasagot ang ating mga dalangin dahil maaaring hindi Niya tayo sagutin sa paraan o sa oras na gusto natin Siyang sumagot. Kailangang maging handa tayong isuko ang ating kalooban sa Kanya at manampalataya na alam Niya kung ano ang pinakamainam para sa atin. Mahal tayo ng Ama sa langit at palagi Niyang sisikapin na tulungan tayong matuto at lumago habang sinasagot Niya ang ating mga dalangin.

Mosiah M., edad 17, Utah, USA

Manalangin nang Taimtim

Pagkatapos ng iyong panalangin, maaari mong pakinggan ang damdamin at mga hangaring dumarating sa iyong puso. Maaaring isa sa mga ito ang sagot sa iyong dalangin. Kapag nagdarasal tayo nang may tunay na layunin at taos-puso, tumutugon ang ating Ama sa Langit alinsunod sa pananampalataya natin sa Kanya. Hindi Siya sumasagot para lamang bigyang-kasiyahan ang ating pag-uusisa.

Jean-Claude N., edad 16, Kasaï-Central, Democratic Republic of the Congo

Magsihingi, at Kayo ay Makatatanggap

Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, itinuro sa atin na palaging makikinig sa ating mga dalangin ang Diyos at sasagot sa mga ito kung magdarasal tayo sa Kanya nang may pananampalataya at tunay na layunin. Sa ating puso madarama natin ang kumpirmasyon na dinirinig Niya tayo, isang damdamin ng kapayapaan at kapanatagan. Madarama din natin na magiging maayos ang lahat kapag sinusunod natin ang kalooban ng Ama. Kung nag-aalinlangan tayo na naririnig Niya tayo, dapat tayong maghangad ng patnubay sa mga banal na kasulatan at pagkatapos ay itanong kung ang nababasa natin ay totoo.

Constanza L., edad 20, Bío Bío, Chile

Print