Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas: Pundasyon ng Tunay na Kristiyanismo
Mula sa mensaheng, “The Atonement,” na ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president sa Provo Missionary Training Center noong Hunyo 24, 2008.
Tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli at magiging imortal dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.
May nagtanong kay Propetang Joseph Smith (1805–44), “Ano ba ang mga pangunahing alituntunin ng inyong relihiyon?” Sabi niya, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit: at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”1
Nais kong magpatotoo tungkol sa pahayag ni Propetang Joseph. Ang sentro ng lahat ng ating paniniwala ay ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo—“ang pagpapakababa ng Diyos” (1 Nephi 11:16) kung saan isinugo ng Ama ang Kanyang Anak sa lupa upang isakatuparan ang Pagbabayad-sala. Ang pinakamahalagang layunin ng buhay ni Jesucristo ay ang tapusin ang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang Pagbabayad-sala ang pundasyon ng tunay na Kristiyanismo.
Bakit ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pinakamahalagang alituntunin ng ebanghelyo sa Simbahan at sa ating buhay?
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3
Sabi sa ikatlong saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”
Ang “maligtas” sa kontekstong ito ay tumutukoy sa pagkakamit ng pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ipinagkakaloob sa lahat ng pumaparito sa mundo, ngunit para matanggap ang buhay na walang hanggan, ang buong pagpapala ng walang-hanggang pag-unlad, bawat tao ay kailangang sumunod sa batas, tumanggap ng mga ordenansa, at gumawa ng mga tipan ng ebanghelyo.
Bakit si Jesucristo, at Siya lamang, ang maaaring magbayad-sala para mga kasalanan ng sanlibutan? Natugunan Niya ang lahat ng kwalipikasyon.
Minahal Siya at Pinagkatiwalaan ng Diyos
Si Jesus ay inanak ng mga Magulang sa Langit sa premortal na daigdig. Siya ang Panganay na Anak ng ating Ama sa Langit. Pinili Siya sa simula pa lamang. Sinunod Niya ang kalooban ng Kanyang Ama. Madalas banggitin sa mga banal na kasulatan ang kagalakan ng Ama sa Langit sa Kanyang Anak.
Sa Mateo mababasa natin, “At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan” (Mateo 3:16–17).
Nakatala sa Lucas, “At may tinig na nanggaling sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang aking Anak, ang aking hirang: siya ang inyong pakinggan” (Lucas 9:35).
At sa templo sa lupaing Bountiful kasunod ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, narinig ng mga tao ang tinig ng Ama: “Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan” (3 Nephi 11:7).
Ito lalo na ang umaantig sa puso ko nang mabasa ko na samantalang nagdurusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani, ang Ama, dahil sa Kanyang malaking pagmamahal at habag sa Kanyang Bugtong na Anak, ay nagsugo ng anghel upang aliwin at palakasin Siya (tingnan sa Lucas 22:43).
Ginamit ni Jesus ang Kanyang Kalayaang Sumunod
Kinailangang kusang-loob na ibuwis ni Jesus ang Kanyang buhay para sa atin.
Sa malaking Kapulungan sa Langit, sinabi ni Lucifer, ang “anak ng umaga” (Isaias 14:12; D at T 76:26–27):
“Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.
“Subalit, masdan, ang aking Minamahal na Anak, na aking Minamahal at Pinili mula pa sa simula, ay nagsabi sa akin—Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:1–2; tingnan din sa Abraham 3:27).
Dahil sa malaking pagmamahal ng Anak sa Kanyang Ama at sa bawat isa sa atin, sinabi Niya, “Isugo ako.” Nang sabihin Niyang “isugo ako”, ginamit Niya ang Kanyang kalayaan.
“Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa. …
“Dahil dito’y sinisinta ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.
“Sinoma’y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama” (Juan 10:15, 17–18).
Kung ninais ng Tagapagligtas, maaari Siyang kunin ng pulu-pulutong ng mga anghel mula sa krus pauwi sa Kanyang Ama. Pero ginamit Niya ang Kanyang kalayaang isakripisyo ang Kanyang sarili para sa atin, upang tapusin ang Kanyang misyon sa mortalidad, at magtiis hanggang wakas, na tumapos sa nagbabayad-salang sakripisyo.
Ninais ni Jesus na pumarito sa lupa, at naging karapat-dapat Siya. At nang pumarito Siya, sinabi Niya, “Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38).
Inorden si Jesus Noong Una pa Man
Itinuro ni Pedro na si Jesus ay “nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan” (tingnan sa I Ni Pedro 1:19–21).
Ipinropesiya ng mga propeta sa lahat ng dispensasyon ang pagparito ni Jesucristo at ang Kanyang magiging misyon. Dahil sa malaking pananampalataya, ipinakita kay Enoc ang isang kagila-gilalas na pangitain tungkol sa pagsilang, kamatayan, Pag-akyat sa Langit, at Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas:
“At masdan, nakita ni Enoc ang araw ng pagparito ng Anak ng Tao, maging sa laman; at ang kanyang kaluluwa ay nagsaya, nagsasabing: Ang Mabuti ay dinakila, at ang Kordero ay pinatay mula sa pagkakatatag ng daigdig. …
“At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Tingnan, at siya ay tumingin at namasdan ang Anak ng Tao na itinaas sa krus, alinsunod sa pamamaraan ng mga tao;
At siya ay nakarinig ng isang malakas na tinig; at ang kalangitan ay natalukbungan; at ang lahat ng nilikha ng Diyos ay nagdalamhati; at ang mundo ay dumaing; at ang mga bato ay nabiyak; at ang mga banal ay nagsibangon, at mga pinutungan sa kanang kamay ng Anak ng Tao, ng mga putong ng kaluwalhatian. …
“At namasdan ni Enoc ang Anak ng Tao na umaakyat sa Ama. …
“At ito ay nangyari na nakita ni Enoc ang araw ng pagparito ng Anak ng Tao, sa mga huling araw, upang manahanan sa mundo sa kabutihan sa loob ng isanlibong taon” (Moises 7:47, 55–56, 59, 65).
Mga 75 taon bago isinilang si Cristo, nagpatotoo si Amulek: “Masdan, sinasabi ko sa inyo, na alam ko na si Cristo ay paparito sa mga anak ng tao, upang akuin niya ang mga pagkakasala ng kanyang mga tao, at siya ay magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito” (Alma 34:8).
Si Jesus ay May Kakaibang mga Katangian
Si Jesucristo lamang ang makagagawa ng nagbabayad-salang sakripisyo—ipinanganak Siya ng isang mortal na ina, si Maria, at nakatanggap ng kapangyarihan ng buhay mula sa Kanyang Ama (tingnan sa Juan 5:26). Dahil sa kapangyarihan ng buhay na ito, nadaig Niya ang kamatayan, nawalan ng saysay ang kapangyarihan ng libingan, at Siya ang naging Tagapagligtas at Tagapamagitan natin at ang Panginoon ng Pagkabuhay na Mag-uli—ang paraan kung saan ang kaligtasan at imortalidad ay ibinigay sa ating lahat. Tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli at magiging imortal dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.
Si Jesus ay Kusang-loob na Nagbayad-sala para sa Kauna-unahang Kasalanan
Nakasaad sa ikalawang saligan ng pananampalataya na, “Naniniwala kami na ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan, at hindi dahil sa paglabag ni Adan.”
Sa paggamit ng ating kalayaan, pinipili nating sumampalataya. Sa pagsusumigasig, maaari tayong magsisi; kung wala ang Pagbabayad-sala, hindi natin ito magagawa.
Itinuro sa atin sa Moises na, “Dahil dito lumaganap ang kasabihan sa lahat ng dako, sa mga tao, na ang Anak ng Diyos ang nagbayad-sala sa kauna-unahang pagkakasala, kung saan ang mga kasalanan ng mga magulang ay hindi maaaring ipasagot sa mga ulo ng mga anak” (Moises 6:54).
Sa 2 Nephi binigyan tayo ng isang dakilang turo:
“Sapagkat kung paanong ang kamatayan ay napasalahat ng tao, upang matupad ang maawaing plano ng dakilang Lumikha, talagang kinakailangang magkaroon ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, at ang pagkabuhay na mag-uli ay tiyak na mapapasa-tao dahil sa pagkahulog; at ang pagkahulog ay dumating dahil sa kasalanan; at dahil ang tao ay nahulog, sila ay nahiwalay mula sa harapan ng Panginoon.
“Anupa’t talagang kailangang ito ay maging walang hanggang pagbabayad-sala—maliban kung ito ay maging walang hanggang pagbabayad-sala ang may kabulukang ito ay hindi makapagbibihis ng walang kabulukan. Kaya nga, ang unang kahatulang sumapit sa tao ay tiyak na mananatili nang walang hanggang panahon. At kung magkagayon, ang katawang ito ay tiyak na malilibing upang mabulok at maagnas sa inang lupa, upang hindi na bumangon pang muli” (2 Nephi 9:6–7).
Si Jesus ang Tanging Perpektong Nilalang
Sa Doktrina at mga Tipan, sinabi ng Tagapagligtas, “Ama, masdan ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na inyong lubos na kinalulugdan; masdan ang dugo ng inyong Anak na nabuhos, ang dugo niya na inyong ibinigay upang ang inyong sarili ay luwalhatiin” (D at T 45:4).
Si Jesus ang tanging nilalang na perpekto, walang kasalanan. Ang sakripisyo sa Lumang Tipan ay nangahulugan ng pagsasakripisyo ng dugo—na sumasagisag sa sakripisyo ng ating Panginoon at Manunubos sa pagkabayubay sa krus upang isakatuparan ang nagbabayad-salang sakripisyo. Nang gawin ang mga pagsasakripisyo ng dugo sa sinaunang mga templo, nag-alay ang mga saserdote ng tupang walang bahid-dungis, perpekto sa lahat ng paraan. Ang Tagapagligtas kadalasan ay tinutukoy sa mga banal na kasulatan na “ang Kordero ng Diyos” dahil sa Kanyang kadalisayan (tingnan, halimbawa, sa Juan 1:29, 36; 1 Nephi 12:6; 14:10; D at T 88:106).
Itinuro ni Pedro na tayo ay tinubos “ng mahalagang dugo [ni Cristo], gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis” (I Ni Pedro 1:19).
Inalis ni Jesus ang mga Kasalanan ng Sanlibutan
Nililinaw ng sumusunod na mga talata na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, binayaran ng Tagapagligtas ang halaga ng ating mga kasalanan:
“Tayong lahat, tulad ng tupa, ay nangaligaw; ang bawat isa sa atin ay nagkani-kanyang landas; at pinasan ng Panginoon ang mga kasamaan nating lahat” (Mosias 14:6).
“Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kanyang pagibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin. …
“Sapagka’t kung, noong tayo’y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay.
“At hindi lamang gayon, kundi tayo’y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya’y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo. …
“Sapagka’t kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid” (Mga Taga Roma 5:8, 10–11, 19).
“Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman” (Mateo 8:17).
“Ngunit ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagiging Diyos, at aangkin ng awa ang nagsisisi, at ang awa ay darating dahil sa pagbabayad-sala; at ang pagbabayad-sala ang nagdala upang mapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ang magbabalik sa tao sa harapan ng Diyos; at sa gayon sila ay manunumbalik sa kanyang harapan upang hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa batas at katarungan. …
“At sa gayon isinasagawa ng Diyos ang kanyang dakila at mga walang hanggang layunin, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig. At sa gayon dumating ang kaligtasan at katubusan ng mga tao, at gayundin ang kanilang pagkalipol at kalungkutan” (Alma 42:23, 26).
Si Jesus ay Nagtiis Hanggang Wakas
Tiniis ni Cristo ang mga pagsubok, paghihirap, sakripisyo, at mga pagdurusa sa Getsemani, gayundin ang dalamhati ng Golgota sa pagkabayubay sa krus. Pagkatapos, sa huli, masasabi Niyang, “Naganap na” (Juan 19:30). Natapos Niya ang Kanyang gawain sa mortalidad at nagtiis Siya hanggang wakas, sa gayo’y natapos ang nagbabayad-salang sakripisyo.
Sa halamanan sinabi Niya, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39).
Itinuturo sa atin sa Doktrina at mga Tipan:
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—
“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao” (D at T 19:18–19).
Sinabi ni Jesus sa Kanyang Ama, “Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin” (Juan 17:4).
Pagkatapos, habang nakabayubay sa krus, “nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukyok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga” (Juan 19:30).
Si Jesus ay pumarito sa lupa, pinanatili ang Kanyang kabanalan upang maisagawa Niya ang nagbabayad-salang sakripisyo, at nagtiis hanggang wakas.
Alalahanin Siya sa pamamagitan ng Sakramento
Ngayo’y inaalala natin ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa mga sagisag na tinapay at tubig—mga simbolo ng Kanyang katawan at dugo—tulad ng pinasimulan sa Huling Hapunan ng Panginoon na kasama ng Kanyang mga Apostol.
“At siya’y dumampot ng tinapay, at nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.
“Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo” (Lucas 22:19–20).
Sa Juan 11:25–26 mababasa natin:
“Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya;
“At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man.”
Mababasa rin natin: “Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan” (Juan 6:51).
Ang ibig sabihin ng “ikabubuhay ng sanglibutan” ay buhay na walang hanggan.
Kailangan nating ihanda ang ating sarili at ating pamilya linggu-linggo na maging karapat-dapat na makibahagi ng sakramento at magpanibago ng ating mga tipan na may pagsisisi sa ating puso.
Mahal Tayo ng Ama at ng Anak
Isinugo ng Ama ang Kanyang Anak sa lupa—ang pagpapakababa—upang maipako Siya sa krus at danasin ang lahat ng kinailangan Niyang pagdaanan. Sa Juan mababasa natin:
“Sinabi … ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.
“Kung ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya’y inyong mangakikilala, at siya’y inyong nakita” (Juan 14:6–7).
“Narito ang pagibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan” (I Ni Juan 4:10).
Ang ibig sabihin ng pampalubag-loob ay pakikipagkasundo o pakikipagbati.
Katapusan
Lahat ng pumaparito sa lupa at tumatanggap ng mortal na katawan ay mabubuhay na mag-uli, ngunit kailangan nating pagsikapang matanggap ang pagpapala ng kadakilaan sa pamamagitan ng katapatan, paggamit ng kalayaan, pagsunod, at pagsisisi natin. Ang awa ay ipapataw nang may katarungan, na magbibigay-daan sa pagsisisi.
Dahil napili nating sundin at tanggapin si Jesucristo bilang ating Manunubos, tinataglay natin ang Kanyang pangalan sa binyag. Tinatanggap natin ang batas ng pagsunod. Nangangako tayo na lagi natin Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan. Pinaninibago natin ang ating mga tipan kapag tumatanggap tayo ng sakramento.
Sa pagpapanibago ng ating mga tipan, pinapangakuan tayo na sasaatin ang Kanyang Espiritu sa tuwina. Kung hahayaan nating pumasok ang Kanyang Espiritu sa ating buhay at patnubayan tayo nito, makababalik tayo sa piling ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na siyang Kanilang plano ng kaligayahan para sa atin—ang plano ng kaligtasan.