2017
Ang Lumang Album ng Pamilya: Ang Kapangyarihan ng mga Kuwento ng Pamilya
April 2017


Ang Lumang Album ng Pamilya: Ang Kapangyarihan ng mga Kuwento ng Pamilya

Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.

Ang mga pamana ng aking mga ninuno ay patuloy na nabubuhay sa akin, at patuloy na umiimpluwensya sa buhay ko tungo sa kabutihan.

funeral parade

Isang umaga ng tag-init bago nag-World War II, nagising ang kalolo-lolohan ko tulad ng dati—bago sumikat ang araw. Lumabas siya ng bahay papunta sa isang burol kung saan tanaw ang isang berdeng lambak at ang kanyang nayon sa Romania, at naupo sa damuhang puno ng hamog, na nag-iisip nang malalim—mga kaisipang matagal na sa kanyang isipan. Isang edukadong tao na mahabagin at mausisa, minahal at iginalang siya ng lahat ng tao sa nayon.

Nang sumikat na ang araw, umuwi siya at nagtapat sa kanyang asawa na interesado siyang malaman kung ano ang kalalabasan ng kanyang libing, at gusto niyang magkaroon ng dress-rehearsal ng kanyang libing. Nagtakda siya ng petsa, bumili ng kabaong, umupa ng pari at mga propesyonal na tagaiyak, at kinuha ang iba pang mga kailangan ayon sa tradisyon ng Greek Orthodox. Pagkatapos ay sumapit ang araw ng dress-rehearsal ng kanyang libing. Inayos ang mga mesa sa gitna ng nayon para sa piging ng pag-alaala (remembrance feast), nakasuot ng itim na damit ang pamilya, dumating ang pari, nahiga ang kalolo-lolohan ko sa kabaong, inayos ang unan para komportable ang pagtanaw niya, at nagsimula ang prusisyon ng libing. Nang matapos ang seremonya, inanyayahan ang buong nayon sa piging, at natupad ng kalolo-lolohan ko ang kanyang pangarap na sumayaw sa sarili niyang libing. Nabuhay pa siya nang 20 taon, na kadalasa’y tinitingnan kung kasya pa siya sa kanyang kabaong.

Hindi Lang Basta mga Pangalan at Petsa

Hindi ko pa nakita ang kalolo-lolohan ko, pero noon pa man ay paborito ko na ang kanyang kasaysayan na ikinuwento sa akin lolo’t lola ko. Araw-araw nagkukuwento ang lolo’t lola ko sa aming magkakapatid tungkol sa aming mga ninuno: saan sila nanggaling, ano ang hitsura nila, ang mga pinahahalagahan, pangarap, at inaasam nila. Pagkatapos ng hapunan tuwing Linggo, inilalabas ng lolo’t lola ko ang family album namin, at sa bawat pagbuklat ng pahina, nagkakabuhay ang mga kuwento at nabibigkis ang mga puso sa pagmamahalang umaabot hanggang anim na henerasyon. Hindi lang mga lumang litrato na may mga pangalan at petsang nakasulat sa likod. Nasa likod ng bawat litrato ang isang ama o isang ina, isang anak, isang kapatid, at sa gayo’y naipasa ang kanilang pamana, pati na ang iba pang mga tradisyon ng pamilya, sa akin.

Lakas sa Panahon ng Pagsubok

Noong 19 anyos ako, patay na ang mga magulang ko at halos lahat ng malalapit na kapamilya ko, at marami sa mga pag-aaring namana ko ay nawala o ninakaw. At gayon pa ma’y may isang bagay noon na hindi kayang sirain ng mga kalamidad, o maging ng kamatayan: ang pagmamahalang nagbibigkis sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng bawat isa sa aking mga kapamilya. Dahil sa kanilang pagsusumigasig, ang pising nagbibigkis sa mga puso ng aking mga kapamilya ay nagbigay sa akin ng lakas upang makayanan ang mahihirap na kalagayan.

Nang mamatay ang mga magulang at lolo’t lola ko, nakadama ako ng napakatinding kalungkutan kaya inisip ko kung magkakaroon ako ng sapat lakas na patuloy na mabuhay. Pinalad akong madama ang kanilang impluwensya mula sa kabila ng tabing, at nakatulong iyon upang magkaroon ako ng malakas na patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan, sa kabilang-buhay, at kalaunan, sa mga ordenansa sa templo na kailangang-kailangan para sa ating kaligtasan. Hindi ko nakilala ang lolo’t lola ko sa tuhod o karamihan sa mga tita at tito ko, pero tuwing dadamputin ko ang lumang family album namin na may mga litrato nila, nakikita ko ang sarili ko sa kanilang mga mata. Ganito ang pagkatao ko dahil sa lahat ng nauna sa akin. Ang kanilang mga karanasan at karunungan ay nakatulong sa paghubog ng pagkatao ko at naging gabay ko sa aking buhay.

Ang isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinigay sa akin ng pamilya ko mula pa noong bata ako ay ang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng aking pamilya at ang paniniwala na ako ang koneksyon ng nakaraan sa hinaharap. Alam ko rin na naparito ako sa mundo upang ipamuhay ang sarili kong kasaysayan—upang galugarin at danasin at mahalin ito. Ang kaalamang ito tungkol sa kasaysayan ng aking pamilya ang nagpapalakas sa akin sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.

Madalas kong isipin ang aking pamilya na nasa kabilang panig ng tabing at ang mga sakripisyo nila para sa akin upang magkaroon ako ng mas magandang buhay. Iniisip ko ang mga ordenansa sa templo na ginagawang posible na magkasama-sama kaming muli bilang pamilya balang-araw. At iniisip ko ang Pagbabayad-sala ng aking Tagapagligtas, na ginawang posible ang lahat ng ito. Siya ang nagbayad ng halaga upang tayo ay mabuhay. Dahil dito ay mahal natin Siya at sinasamba nang may pasasalamat ngayon at magpakailanman.