2017
Nagningning si Star
April 2017


Nagningning si Star

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

“Masarap kayong makasama sa Primary” (Children’s Songbook, 254).

Star Shines

Hinatak ni Star ang damit niya. Parang nakakaasiwang magsuot ng bestida sa simbahan. Sa dati niyang simbahan pantalon o shorts ang suot ng mga batang babae sa araw ng Linggo. Pero hindi sa bago niyang simbahan. Kabibinyag pa lang nila ng nanay niya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Bumuntong-hininga si Star pagtingin niya sa salamin. Sabik na siyang magsimba sa unang pagkakataon bilang opisyal na miyembro, pero kinakabahan din siya. Dati-rati, buong oras silang magkatabi ni Inay sa simbahan. Pero sa pagkakataong ito pupunta siya sa Primary.

Kinindatan ni Star ang sarili niya sa salamin. Paano kung hindi niya sila makabagay? Paano kung ayaw sa kanya ng ibang mga bata?

“Star? Handa ka na ba?” pagtawag ni Inay.

Bumaba ng hagdan si Star. “OK lang po ba ang hitsura ko?” tanong niya.

Ngumiti si Inay. “Ang ganda mo.”

Sumimangot si Star. “Sasabihin nga ninyo iyan. Nanay ko kasi kayo.”

“Tama ka. Sasabihin ko talaga iyan. Kasi iyan ang totoo.”

Ngumiti nang kaunti si Star. Palaging may paraan si Inay para gumanda ang pakiramdam niya. Pero kinakabahan pa rin siya. Paano kung walang mga batang gustong kumausap sa kanya? May mga kaibigan siya sa paaralan, pero hindi sila miyembro ng bago niyang simbahan. Naisip niya na sana’y may isang kaibigan man lang siyang makasama sa pagsisimba.

“Naalala ko lang po na may kailangan akong gawin,” sabi niya kay Inay.

Tumakbo siya pabalik sa itaas at lumuhod sa tabi ng kama niya. “Mahal na Ama sa Langit, tulungan po ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan. Naniniwala po ako na totoo ang itinuro ng mga missionary, pero natatakot po ako.”

Nanatiling nakaluhod si Star at nakinig. Pagkaraan ng isang sandali nakadama siya ng magiliw at payapang damdamin, at hindi na siya kinabahan.

Sa simbahan naupo si Star at si Inay sa tabi ng isang pamilyang may tatlong batang babae. Nagpakilala ang mga magulang at nagsimulang kausapin si Inay bago nagsimula ang miting. Tinulungan ni Star ang mga bata na kulayan ang larawan ni Jesus.

Nilapitan sila ni Bishop Andrews. “Sister Cunningham! Star! Natutuwa akong makita kayo ngayon.” Magiliw niyang nginitian at kinamayan ang bawat isa sa kanila. Nalimutan na ni Star kung gaano kabait ang lahat sa simbahan. Siguro magkakaroon na rin siya ng kaibigan.

Pagkatapos ng sacrament meeting dumalo si Star sa Primary. Kinakabahan siyang sumulyap sa ibang mga bata nang maupo siya. Nag-uusap-usap ang mga ito at parang hindi siya napansin. Nadismaya si Star. Mag-iisa rin lang pala siya.

Nang sandaling iyon pumasok ng silid ang isang batang babaeng kaedad ni Star. “Mukhang kabado rin siya,” naisip ni Star. “Puwede ko siyang lapitan at kausapin.”

Huminga nang malalim si Star, at saka nilapitan ang bata. “Hi, ako si Star. Bago ako rito. Gusto mo bang tumabi sa akin?” Pinigil ni Star ang paghinga. Gusto kaya siyang kaibiganin ng bata?

Napangiti nang kaunti ang bata. “Ako si Sarah. Bago rin ako rito. Kalilipat lang ng pamilya namin dito mula sa Ontario.”

“Nabinyagan kami ni Inay dalawang linggo na ang nakalipas,” sabi ni Star. “Hindi ko tiyak kung ano ang dapat kong gawin.”

Lumaki ang ngiti ni Sarah. “Sabay nating pag-isipan iyan.”

Naupo sina Star at Sara sa klase nila. Noong minsan napatingin si Star kay Sarah at nginitian niya ito. Nginitian din siya ni Sarah. Napanatag at sumaya si Star. Alam niya na nasagot na ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin at tinulungan siyang makahanap ng kaibigan.

Sa klase hiniling ng guro kina Star at Sarah na magpakilala sila.

Tumayo si Star. “Ako si Star Cunningham. Nabinyagan kami ng nanay ko dalawang linggo na ang nakararaan.” Huminto siya sandali, at ngumiti nang tumingin siya sa bago niyang kaibigan. “At ito ang kaibigan kong si Sarah.”