2017
Tapos Na!
April 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Tapos Na!

cell phones

Paglalarawan ni Allen Garns

Sa mga pag-iinterbyu ko bilang bishop isang Linggo ng hapon, nagkaroon ako ng pagkakataong maupo at makausap ang isang mabuting kaibigan tungkol sa ilang hamon na kanyang kinakaharap. Matapos pakinggan ang kanyang mga problema nang ilang minuto, nadama ko na ang kailangan niyang gawin ay palagiang magbasa ng mga banal na kasulatan. Naalala ko rin na, bilang kanyang bishop, dapat ay palagian din akong mag-aral ng mga banal na kasulatan, isang bagay na nahihirapan akong gawin. Kaya iminungkahi ko na “magbantayan” kami sa pagsisikap na mag-aral nang mas palagian.

Araw-araw matapos kaming magbasa ng mga banal na kasulatan, nagte-text kami sa isa’t isa ng Tapos na! Ang pagkaalam na may ibang naghihintay na marinig kung nakatapos sa pagbabasa ang isa o hindi pa sa araw na iyon ay nakahikayat nang husto sa aming dalawa. Kung nakalimot ang isa sa amin, paalala sa amin ang makatanggap ng text. Kapag hindi nag-text ang isa, hindi siya pinagagalitan dahil doon. Hinahayaan naming tanggapin ng bawat isa ang hamong ito nang hindi ipinararamdam sa isa na nagkulang siya.

Anim na buwan na naming sinimulan ang hamon, at wala akong maalalang araw na hindi kami nakapagbasa ng mga banal na kasulatan. Tumayo ang brother na ito sa fast and testimony meeting ilang buwan na ang nakararaan at nagpatotoo tungkol sa magandang epekto ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa kanya at sa kanyang pamilya.

Nagpapasalamat ako sa brother na ito at sa kanyang pakikipagkaibigan, gayundin sa araw-araw na pagte-text niya. Nakita ko na kung paano makakabuti ang teknolohiya, kapag ginamit nang wasto, sa ating buhay. Nagpapasalamat din ako sa mga banal na kasulatan at kung paano nagpapatotoo ang mga ito tungkol kay Cristo. Alam ko na ginagawang posible ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas na makabalik ang bawat isa sa atin sa Kanyang piling balang-araw.