Mas Mabuti Nang Kaunti Kaysa Kahapon
Ang awtor ay naninirahan sa Salta, Argentina.
Dapat naming patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo. Sa ganitong paraan mapapasa amin si Sergio muli.
Nang tumawag ang kanyang mission president, mahigit isang taon nang nasa mission si Sergio. Siya ang aming nag-iisang anak na lalaki, at siya ang unang anak namin na nagmisyon. Ang asawa ko, si Liliana, at ako ay ipinagmamalaki siya at ang halimbawang ipinakita niya sa kanyang dalawang kapatid na babae.
Mayroong mga katangian si Sergio na alam naming tutulong sa kanya na maging mabuting missionary. Isa siyang natural o likas na lider, masayahin siya at matapat, at kaya niyang ganyakin ang ibang tao.
Hindi mahalaga sa kanya kung ang isang tao ay miyembro ng Simbahan o hindi—nakipagkaibigan siya sa lahat. At kapag pinagtatawanan siya ng iba sa pagiging isang Banal sa mga Huling Araw, ipinagkikibit-balikat lang niya ito at bihirang sumama ang loob.
Labis ang aming kasiyahan nang matanggap ni Sergio ang kanyang mission call sa Peru Chiclayo Mission. Sinimulan niya ang kanyang paglilingkod noong Nobyembre 20, 2013. Mahal niya ang kanyang mission. Noong una, madaling sumulat sa kanya. Ngunit habang dumaraan ang mga buwan, kinailangan ko ng higit na oras upang pag-isipan ang kanyang mga sulat at tumugon sa espirituwal na paglago niya.
Hindi kami nag-alala kay Sergio. Inisip namin na ang mission field ang pinakaligtas na lugar para sa kanya. Tinawagan kami ng kanyang mission president noong Oktubre 7, 2014.
Hindi Namin Naramdaman na Mag-isa Kami
Sinabi sa amin ng mission president na si Sergio at ang kompanyon niya ay nagtuturo sa mga investigator tungkol sa templo at walang-hanggang pamilya. Pagkatapos, habang nagbibigay si Sergio ng pangwakas na panalangin, tumigil siya, nawalan ng malay, at bumagsak sa sahig. Nakatanggap siya ng basbas at isinugod sa ospital. Sinabi ng mga doktor na nagkaroon siya ng ruptured brain aneurysm o may pumutok na ugat sa kanyang utak. Nabigo sila nang subukan siyang buhaying-muli.
Pinuno kami ng balitang ito ng matinding kalungkutan. Sa kabila ng aming kalungkutan, kinailangan namin ni Liliana na pumunta sa Peru upang kuhanin ang bangkay ni Sergio at personal na mga gamit niya. Nahirapan kaming mag-isip nang matuwid, kaya nagpapasalamat kami na may isang tao na galing sa Simbahan—mula nang umalis kami sa aming tahanan hanggang sa pag-uwi namin—na tumulong sa amin. Nakatanggap din kami ng tulong mula sa Espiritu Santo, na nagbigay sa amin ng aliw at tinulungan kami na makapagbata. Hindi namin naramdaman na mag-isa kami.
Mahirap humanap ng mapasasalamatan sa isang trahedya, ngunit nagpapasalamat ako sa magiliw na awa ng Panginoon sa pagkamatay ni Sergio. Nang mamatay siya, naglilingkod ako bilang bishop, si Liliana ay nagtuturo ng seminary, at ang aming anak na si Ximena ay naglilingkod bilang Young Women President ng ward. Abala kami sa pagsisilbi at pagmamahal sa ibang tao, na nagbigkis sa amin sa ebanghelyo. Kung nawala man sa amin si Sergio, lagi kong ipinagpapasalamat na kinuha siya ng Ama sa Langit sa panahon na malakas ang aming pananampalataya.
Nagpapasalamat din ako na nilisan ni Sergio ang buhay na ito habang naglilingkod sa Panginoon at habang siya ay “nasa paglilingkod ng [kanyang] kapwa-tao” (Mosias 2:17). Sinabi ng Panginoon, “Yaong namatay sa akin ay hindi matitikman ang kamatayan, sapagkat ito ay magiging matamis para sa kanila” (D at T 42:46).
Binigyan ako ng Espiritu Santo ng pagkakataon na masilayan nang bahagya ang tiniis ng Ama sa Langit nang mamatay para sa atin ang Kanyang Bugtong na Anak. Nalaman ko na wala akong karapatan na magalit sa Diyos. Alam ng Ama sa Langit ang pinagdaraanan ko. Nakaramdam ako ng kapayapaan na nagtulot sa akin na tanggapin ang Kanyang kalooban at ang oras ng pagkamatay ni Sergio. Naranasan din ito ni Liliana at gayundin ang naramdaman niya.
Mga Salitang Nakapapanatag ng Kalooban
Nabuklod ang aming pamilya sa templo noong 2005, noong maliliit pa sina Sergio at Ximena. Kalaunan ay ipinanganak sa tipan si Ruth. Bininyagan siya ni Sergio bago umalis papunta sa kanyang mission.
Tatlong araw matapos siya mamatay, napanaginipan ni Ruth si Sergio. Ito ang gabi ng kanyang ikasiyam na kaarawan. Nanaginip si Ruth na naglakad sila nang magkahawak kamay sa buong araw at inaliw siya ni Sergio ng kanyang mga salita.
Si Ruth at Ximena ay malapit kay Sergio at lubos silang nangungulila sa kanya. Nakararamdam pa rin si Ruth ng aliw sa panaginip na iyon.
Isang araw, habang tinitingnan namin ni Liliana ang mga gamit ni Sergio, nakita ko at ni Liliana ang kanyang mission day planner. Napansin namin na sa bawat pahina ng bawat araw, isinulat ni Sergio, “Maging mas mabuti nang kaunti kaysa kahapon.”
Nananatili sa akin ang mga salitang iyon. Pinapaalalahanan ako nito na dapat naming patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo. Sa ganitong paraan kami magiging magkakasama bilang isang pamilya pagkatapos ng buhay na ito. Sa ganitong paraan mapapasa amin muli si Sergio.
Sa pagdaan natin sa kahirapan, tutulungan tayo ng Tagapagligtas. Alam ko na ito ay totoo, tulad ng alam ko na ang Kanyang mga pangako ay totoo. Kaya kumakapit kami sa ebanghelyo, at sinusundan namin ang halimbawa ni Sergio. Sinusubukan naming maging mas mabuti nang kaunti kaysa kahapon.