2018
Isang Marahan at Banayad na Tinig sa Gitna ng Malalaking Desisyon
Disyembre 2018


Mga Young Adult

Isang Marahan at Banayad na Tinig sa Gitna ng Malalaking Desisyon

Mula sa mensahe sa isang debosyonal, “Heeding the Voice of the Lord,” inilahad sa Brigham Young University–Idaho noong Oktubre 17, 2017.

Kung karapat-dapat kayo, hindi kayo hahayaan ng Ama sa Langit na makagawa ng malalaking pagkakamali nang hindi kayo binibigyan ng babala.

climbing a mountain

Mga larawan mula sa Getty Images

Bilang isang bagong mission president noong taglagas ng 2011, nasasabik ako na makasama ang aming mga missionary. Ang aking asawa, si Emily, at ako ay nagpasiyang mag-inspeksyon ng mga apartment at bumisita sa bawat pares ng missionary sa mission.

Sa paglalakbay namin mula Guatemala City patungo sa isa sa aming mas liblib na zone, na tinatawag na Sololá, nalaman namin na may demonstrasyon o welga na humaharang sa kalsada sa harapan namin. Ang mga welga o demonstrasyon sa Guatemala ay tumatagal nang ilang oras, at kadalasan ay walang paraan para malagpasan ang mga ito. Subalit nang magtanong kami tungkol sa posibleng ibang madaraanan, nalaman namin ang tungkol sa isa pang ruta. Gayunman, ang daang iyon ay may kaakibat na mga babala:

  • Hindi maganda ang kalsadang iyon.

  • Tiyaking wala ka na sa kalsada kapag dumilim.

  • Malimit na may mga magnanakaw sa kalsada.

Tulad ng sinumang masigasig na bagong mission president at asawa, nagpatuloy kami ni Emily. Matapos magmaneho nang ilang sandali, dumating kami sa isang bahagi ng isang maputik na kalsada na mukhang matarik na pababa sa harapan namin. Nagbiro si Emily na dapat naming kunin ang kamera at kumuha ng mga litrato habang pababa kami.

Ilang taon na ang nakararaan, noong ako ay isang batang missionary sa Guatemala, natutuhan ko na ang isang sangang inilagay sa kalsada ay nangangahulugang “magpatuloy nang may pag-iingat.” Maaari pa ngang mangahulugan itong “tumigil.” Nakakita ako ng sanga pero hindi ko naisip kung ano ang kahulugan nito.

Pagkatapos ng ilang sandali, natagpuan namin ang aming sarili na nakabitin sa isang 20-talampakang (6 m) bangin kung saan natibag ang isang tulay. Nagawa kong lumabas mula sa aking puwesto, subalit hindi mabuksan ni Emily ang kanyang pinto. Nang sinubukan niyang lumipat ng puwesto at lumabas mula sa aking pinto, nagsimulang umuga ang sasakyan. Walang duda, lubhang nakakabalisa ang sandaling iyon.

Maraming bagay ang pumasok sa aking isip. Nakita ko ang ulo ng mga balita: “Isang Bagong Mission President ang Nagmaneho sa Dike Kung Saan Walang Tulay, Nagresulta sa Matinding Pinsala sa Kanyang Asawa” o “Isang Bagong Mission President at Asawa Nawawala Matapos Nakawan sa Kalsadang Hindi Nila Dapat Tinahak.”

Hindi alam kung ano ang gagawin, tumigil ako sa labas ng sasakyan at nagsumamo sa Ama sa Langit, “Tulungan ninyo po sana ako sa sandaling ito ng kawalang-ingat.” Maniniwala ba kayo na isang malaking trak ng saging ang biglang dumating sa likuran namin? Nakita kami ng drayber at ng mga pasahero at sinundan kami para pagtawanan at maaliw sa suliranin ng katawa-tawang banyaga. Itinuro nila ang sanga na nasa kalsada. Literal na maliit na sanga lang ito.

Pagkatapos, sa aming mahimalang pagpapala, kinuha nila mula sa kanilang trak ang tanging kadena na nakita ko sa tatlong taong paglilingkod sa Guatemala. Bago sila umalis, pumutol sila ng isang puno at hinila ito sa kalsada. Sa palagay ko ay gusto nilang makatiyak na ang susunod na North American na darating ay hindi magagawa ang parehong pagkakamali.

Sumunod sa mga Pahiwatig at Babala

Sinabi ko sa inyo ang kuwentong ito para bigyang-diin na dapat nating sundin ang mga babala, pahiwatig, at patnubay na ibinibigay sa atin ng tinig ng Panginoon—gaano man ito kalakas o kabanayad. Ang tinig na iyan ay dumarating sa pamamagitan ng maraming anyo: mga banal na kasulatan, mga kautusan, mga bulong mula sa Espiritu Santo, mga salita ng mga buhay na propeta, at payo mula sa mga magulang, lider sa Simbahan, at mabubuting kaibigan. Tayo ba ay nakikinig at sumusunod sa mga pahiwatig at mga babalang ito? Bakit mahalagang gawin iyon?

Nababasa natin sa Mga Kawikaan:

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

“Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan” (Mga Kawikaan 3:5–7).

Dapat tayong magtiwala sa Panginoon nang buo nating puso. Dapat nating maunawaan na kulang ang ating kaalaman tungkol sa kung ano ang pinakamabuti para sa atin at pinakamabuti para sa iba. Kapag nagtiwala tayo sa Kanya, anong kahanga-hangang pangako ang iginagawad Niya: Papatnubayan Niya ang ating mga landas.

Sa aming pamilya, may kasabihan kami na naging mahalagang bahagi ng aming mission. Matagal-tagal nang itinuturo ni Pangulong Russell M. Nelson ang konseptong ito. Ganito ang pagkakasabi niya: “Ang pagsunod ay nagdudulot ng tagumpay; ang pagsunod nang may kahustuhan ay nagdudulot ng mga himala.”1

Ang bersyon ng aming pamilya at mission ay “Ang pagsunod ay nagdudulot ng mga pagpapala, pero ang pagsunod nang may kahustuhan ay nagdudulot ng mga himala.”

Hindi ko ganap na nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod nang may kahustuhan, pero ito ang pagkakaunawa ko. Hindi ibig sabihin nito na tayo ay perpektong sumusunod ngayon mismo sa lahat ng bagay, bagamat maaari tayong maging perpekto sa pagsunod sa marami sa mga kautusan ng Panginoon. Kung kaya, ang pagsisisi ay tiyak na mahalagang bahagi ng pagsunod nang may kahustuhan. Ang pagsunod nang may kahustuhan ay nangangailangan ng katapatan sa lahat ng mga babala at mga pahiwatig at mga kautusan na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit.

Minsan ay hindi natin nauunawaan kung bakit hinihiling ng Ama sa Langit ang ilang bagay mula sa atin. Ang mga pagkakataong iyon ay maaaring ang ilan sa mga pinakamahirap na sandali na sumunod nang may kahustuhan. Alalahanin noong si Adan, isa sa pinakadakila sa lahat, ay tinanong kung bakit siya nag-alay ng hain: “At pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan, nagsasabing: Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon” (Moises 5:6).

street signs

Lead, Kindly Light, ni Simon Dewey; Christ’s Image, ni Heinrich Hofmann

Sundin ang mga Propeta

Si Emily ay naging kahanga-hangang halimbawa ng pagsunod nang may kahustuhan kahit na hindi niya nauunawaan. Noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2000, narinig niya ang sumusunod na payo mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Hindi natin sinasang-ayunan ang tato, at gayundin ‘ang pagpapabutas sa katawan maliban kung ang dahilan ay pagpapagamot.’ Gayunman, hindi kami nagpapahayag ng anumang posisyon ‘tungkol sa maliliit na pagpapabutas sa mga tainga ng kababaihan para sa isang pares ng hikaw’—isang pares.”2

Nang umuwi ang asawa ko, ipinaliwanag niya sa aming pangalawang anak na babae ang kahalagahan ng pagsunod sa mga propeta kahit ano ang mangyari. Habang nagsasalita siya, sumunod din ang aking asawa. Tinanggal niya ang kanyang pangalawang pares ng hikaw sa huling pagkakataon. Naniniwala ako na hindi pa rin niya nauunawaan kung bakit, pero alam ko kung bakit hindi iyon mahalaga sa kanya.

Para sa ilan sa atin, iyan ay maaaring hindi mahalaga dahil napakaliit na bagay lang nito. Iyan ay totoo. Gayunman, hindi ko naaalala na sinabi ng Panginoon na, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos na mukhang mahalaga” (tingnan sa Juan 14:15).

Mahal kong mga kapatid, isang malinaw na tinig ng babala ng dapat nating sundin palagi ang nagmumula sa mga piniling apostol at mga propeta ng Panginoon. Maaaring hindi ito sikat ayon sa pamantayan ng daigdig, tulad ng maliit na bagay na hiniling ni Pangulong Hinckley. Subalit magagawa mo—kailangan—na magtiwala na nagmumula ito sa Ama sa Langit. Maaaring maliit na sanga lang ito, o maaaring ito ay isang buong puno na inilagay sa kalsada. Pinapayuhan ko kayo na basahin o pakinggan ang pangkalahatang kumperensya na isinasaisip ito: Anong maliliit na sanga o mga puno ang inilalagay ng Panginoon sa aking landas?

Magtiwala sa Panginoon

Maaaring iniisip ng ilan sa inyo na, “Mabuti iyan. Ngunit ano ang ginagawa ninyo kapag naghahangad kayo ng mga pahiwatig, payo mula sa Panginoon, mga babala, at patnubay, at tila hindi talaga kayo makatanggap ng sagot?”

Marahil ay may inaalala kayong ganito tungkol sa mahahalagang desisyon sa inyong buhay. Tandaan ang pangako na magtiwala sa Panginoon nang inyong buong puso, at papatnubayan Niya kayo sa inyong mga landas.

Tungkol sa mahahalagang pangyayari sa inyong mga buhay, hindi natin gusto ng malinaw na patnubay, at maaaring mahirap iyang mahanap. Subalit naunawaan ko na kung ako ay nagsisisi, sumusunod nang may kahustuhan, sumusunod sa aking mga lider, at gumagawa ng mabubuting pagpili—sa ibang mga salita, kung karapat-dapat ako—hindi ako hahayaan ng Ama sa Langit na makagawa ng malalaking pagkakamali nang hindi kayo binibigyan ng babala. Ni hindi rin Niya kayo hahayaan.

Mga nakababata kong kaibigan, ang Ama sa Langit ay nandito para ilayo tayo sa paggawa ng malalaking pagkakamali kung hahangarin natin ang Kanyang mga babala, pahiwatig, at paghahayag mula sa lahat ng pinagmumulan—kung susundin at kikilos tayo alinsunod sa mga ito. Tayo ay may karapatang makapiling palagi ang Espiritu Santo, lalo na sa mahahalagang sandali ng buhay.

Umaasa ako na matagumpay ninyong makikilala ang nagbababalang maliliit na sanga at mga puno na inilagay ng Ama sa Langit sa inyong landas.

Pinapatotohanan ko na kapag sinunod natin ang tinig ng Panginoon, kapag natanggap natin ito mula sa maraming pinagmumulan nito at nagsumikap na sumunod nang may kahustuhan, magkakaroon tayo ng buhay na magtatapos sa “at namuhay sila nang masaya magpakailanman.” Mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa doktrina ni Cristo at sa paggawa at pagsunod sa mga sagradong tipan.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, sa R. Scott Lloyd, “Elder Nelson Delivers Spiritual Thanksgiving Feast to MTCs,” Church News section ng LDS.org, Dis. 4, 2013, news.lds.org.

  2. Gordon B. Hinckley, “Magiging Malaki ang Kapayapaan ng Iyong mga Anak,” Liahona, Ene. 2001, 68.