2018
Isang Dahilan para Magdiwang
Disyembre 2018


Isang Dahilan para Magdiwang

Pangulong Dallin H. Oaks
youth at Be One celebration

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw na nasa hustong gulang noong panahong iyon, ang paghahayag tungkol sa priesthood noong 1978 ay isang kaganapang nakaukit sa alaala.

I.

Umabot sa akin ang balita sa pamamagitan ng isang teleponong bihirang tumunog. Ang aking dalawang anak na lalaki at ako ay nagtatrabaho sa bakuran ng aming tahanan sa may kabundukan na itinayo namin bilang bahay-pahingahan mula sa aking mabibigat na responsibilidad bilang pangulo ng Brigham Young University. Ang tumatawag ay si Elder Boyd K. Packer. Sinabi niya sa akin ang tungkol sa paghahayag tungkol sa priesthood, na kababalita lang. Nagpalitan kami ng mga pahayag ng kagalakan, at bumalik ako sa aking trabaho. Ako ay umupo sa isang tumpok ng lupa na inililipat namin at tinawag ang aking mga anak na lalaki. Habang sinasabi ko sa kanila na maoorden na ngayon sa priesthood ang lahat ng karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan, naiyak ako sa kagalakan.

Bakit ba isang okasyon ng kagalakan ang paghahayag tungkol sa priesthood? Bilang isang batang lalaking nag-aaral at nagtatrabaho sa legal na propesyon, nanirahan ako sa Midwestern at Eastern na mga rehiyon ng United States nang 17 taon. Aking nakita at nadama ang sakit at kabiguan na naranasan ng mga taong pinagdusahan ang mga paghihigpit at ng mga taong inobserbahan, binatikos, at hinangad ang dahilan ng mga ito. Pinag-aralan ko ang mga dahilang ibinigay noon at hindi ko madama ang pagpapatibay tungkol sa katotohanan ng anuman sa mga ito. Bilang bahagi ng aking mapanalanging pag-aaral, natutuhan ko na, karaniwan, ang Panginoon ay bihirang nagbibigay ng mga dahilan para sa mga kautusan at patnubay na ibinibigay Niya sa Kanyang mga tagapaglingkod. Ipinagpasiya ko na maging matapat sa ating mga lider na propeta at manalangin—tulad ng ipinangako mula sa simula ng mga paghihigpit na ito—na darating ang araw kung kailan matatamasa ng lahat ang mga pagpapala ng priesthood at ng templo. Ngayon, noong Hunyo 8, 1978, dumating ang araw na iyon, at naiyak ako sa kagalakan.

II.

Kung isasaalang-alang natin kung ano ang nangyari at nangyayari sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa buhay ng mga miyembro nito simula noong 1978, tayong lahat ay may dahilan para magdiwang.

Bilang isang institusyon, ang Simbahan ay agarang tumugon sa paghahayag tungkol sa priesthood. Ang mga ordenasyon at mga temple recommend ay naisagawa kaagad. Ang mga dahilang ibinigay para ipaliwanag ang mga paghihigpit dati sa mga miyembrong may lahing Aprikano—maging ang mga sinabi noon ng mga kapita-pitagang lider ng Simbahan—ay pinabulaanan kaagad sa publiko. Ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng Kanyang propeta, at ang Kanyang Simbahan ay sumunod.

Sa kabaligtaran, ang mga pagbabago sa mga puso at mga gawi ng mga indibiduwal na miyembro ay hindi nangyari kaagad at nang panlahatan. Ang ilan ay kaagad at masunuring tinanggap ang mga epekto ng paghahayag, ang ilan ay tinanggap ito nang paunti-unti, at ang ilan, sa kanilang mga personal na buhay, ay nagpatuloy sa saloobing kapootang panlahi [racism] na naging masakit sa napakarami sa daigdig, kabilang ang nakaraang 40 taon. Ninais ng ilan na lumingon pabalik, itinutuon ang atensyon sa muling pagsusuri sa nakaraan, kabilang ang paghahangad ng mga dahilan sa ngayong wala nang saysay na mga restriksyon. Pero karamihan sa Simbahan, kabilang ang mga senior na lider nito, ay nagtuon sa mga oportunidad sa kinabukasan sa halip na sa mga kabiguan ng nakaraan. Karamihan ay nagtiwala sa karunungan at tamang oras ng Panginoon at tinanggap ang mga patnubay ng Kanyang propeta. Sa paggawa niyon, natanto natin ang walang-hanggang kahalagahan ng Kanyang malapropetang turo na “bawat nilikha ay magkakasinghalaga sa kanyang paningin” (Jacob 2:21). Sa paggawa nito, natanggap natin ang bagong sigla na tuparin ang kautusan ng Panginoong Jesucristo na ituro natin ang walang hanggang ebanghelyo sa lahat—sa “lahat ng bansa, lahi, wika at tao” (D at T 42:58).

III.

Ang alalahanin natin kung ano ang hindi inihayag o ang paliwanag na ginawa dati ng mga taong limitado ang pang-unawa ay magreresulta lang sa pagbabakasakali at pagkabigo. Para sa lahat ng may ganitong alalahanin, aming ipinaaabot ang pagmamahal namin at ang natatanging imbitasyong ito. Harapin natin nang nagkakaisa ang ating pananampalataya at tiwala sa pangako ng Panginoon na “inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” (2 Nephi 26:33).

Sa ating pagtingin sa hinaharap, isa sa mga pinakamahalagang epekto ng paghahayag tungkol sa priesthood ay ang banal na panawagan nito na itigil ang mga saloobin ng pagtatangi laban sa anumang grupo ng mga anak ng Diyos. Ang kapootang panlahi marahil ang pinakapamilyar na pinagmumulan ng pagtatangi ngayon, at sinasabihan tayong pagsisihan iyan. Subalit sa kabuuan ng kasaysayan, maraming grupo ng mga anak ng Diyos ang pinagmamalupitan o nalagay sa kawalan dahil sa mga pagtatangi, tulad ng mga yaong nakabatay sa lahi o kultura o nasyonalidad o edukasyon o sitwasyon sa ekonomiya.

Bilang mga tagapaglingkod ng Diyos na may kaalaman at mga responsibilidad sa Kanyang dakilang plano ng kaligtasan, dapat nating agarang ihanda ang ating mga saloobin at mga gawa—bilang isang institusyon at indibiduwal—na talikuran ang lahat ng personal na pagtatangi. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson matapos ang aming pulong kamakailan kasama ang mga national officer ng National Association for the Advancement of Colored People: “Sama-samang inaanyayahan namin ang lahat ng tao, organisasyon, at gobyerno na kumilos nang may dakilang paggalang, inaalis ang lahat ng uri ng pagtatangi.”1

Kahit na nagkakaisa tayo na iwaksi ang mga saloobin at mga gawi ng pagtatangi, dapat nating tandaan na hindi pagtatangi para sa Simbahan na igiit ang mga partikular na panuntunan sa pagsulong sa mga hinihingi ng Panginoon na pagkamarapat para makapasok sa templo. Ipinahayag ng Panginoon na ang pagsunod sa mga tipan at mga kautusan ay mahalagang kinakailangan para matamasa ang mga sagradong pagpapala. Anumang pagtatangkang burahin ang mga banal na kinakailangan para sa buhay na walang hanggan at walang hanggang pamilya ay katulad ng pagsisikap na itatag ang plano ni Satanas na “lahat ay maliligtas.” Tayong mga mortal ay tinanggihan na ang plano ni Satanas sa ating buhay bago tayo isinilang. Pinili natin ang plano ng ating Ama sa Langit, na nagbibigay ng kalayaang pumili at sundin ang mga walang hanggang tipan at mga kautusan na nauukol nang pantay-pantay sa lahat. Ang pagkakapantay-pantay sa Diyos ay hindi magkakatulad na kalalabasan para sa lahat, subalit pantay-pantay na oportunidad para sa lahat.

IV.

Ang ating determinasyon sa anibersaryong programang ito ay ipagdiwang ang ika-40 anibersaryo ng paghahayag tungkol sa priesthood sa pamamagitan ng pagtanaw sa hinaharap. Sa paggawa natin nito, ipinahahayag natin ang espesyal na pagpapahalaga para sa ating mga kahanga-hangang miyembro na may lahing Aprikano, lalo na ang ating mga miyembrong Aprikano-Amerikano na nanindigan sa pananampalataya at katapatan sa mahirap na panahon ng pagbabago ng kumukupas na pagtatangi. Ngayon ay magsama-sama tayo sa pagtutuon ng ating atensyon sa maluwalhating mga epekto pagkatapos ng 1978 na paghahayag na iyon sa pagbabasbas sa mga anak ng Diyos sa buong daigdig. Katulad ng ipinahayag ng ating mga malapropetang lider noong panahong iyon:

“Ipinaalam ng Panginoon ngayon ang kanyang kalooban para sa pagpapala ng lahat ng kanyang mga anak sa lahat ng dako ng mundo na makikinig sa tinig ng kanyang binigyan ng mga kapangyarihang tagapaglingkod, at ihanda ang kanilang sarili na tumanggap ng lahat ng pagpapala ng ebanghelyo.”2

Ngayon ay itinatayo ang mga templo sa maraming bansa para sa pagbabasbas sa mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing. Sa lupa at sa langit, sama-sama tayong nagagalak. Ito ay bahagi ng ating paghahanda para sa Ikalawang Pagparito Niya na ipinahayag sa pamamagitan ng isang propeta sa Aklat ni Mormon na “wala siyang inuutusan na hindi sila makababahagi ng kanyang kaligtasan” (2 Nephi 26:24) at ipinahayag sa pamamagitan ng isang propeta sa panahon natin na “kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (D at T 38:27).

Mga Tala

  1. “First Presidency and NAACP Leaders Call for Greater Civility, Racial Harmony,” Mayo 17, 2018, mormonnewsroom.org.

  2. Opisyal na Pahayag 2.