2018
Hindi ko nararamdaman na nararapat akong mahalin ng Tagapagligtas. Paano ko mapaglalabanan ang pakiramdam na ito at makikita ang kahalagahan ng aking sarili?
Disyembre 2018


Mga Tanong at Sagot

“Hindi ko nararamdaman na nararapat akong mahalin ng Tagapagligtas. Paano ko mapaglalabanan ang pakiramdam na ito at makikita ang kahalagahan ng aking sarili?”

Larawan
standing in sunlight

Manalanagin upang Maramdaman ang Kanyang Pagmamahal

Lahat tayo ay mga minamahal na espiritung anak na lalaki at anak na babae ng ating Ama sa Langit. Di-masusukat ang Kanyang pag-ibig sa atin. Kung nararamdaman na natin na hindi tayo nararapat sa Kanyang pagmamahal, dapat manalangin tayo sa Kanya. Manalangin na maramdaman mo ang Kanyang pagmamahal. Manalangin na maramdaman na karapat-dapat ka sa Kanyang pagmamahal para sa iyo at na makita mo ang sarili mo sa paraan ng pagtingin Niya sa iyo. Sa Kanyang oras at Kanyang paraan, lagi Niyang sasagutin ang ating mga dalangin na may kasamang patunay ng Kanyang perpektong pagmamahal. Kapag malungkot ako o nararamdamang nag-iisa, iniaangat ako ng pananalangin para sa Kanyang pagmamahal.

Julia M., edad 16, Virginia, USA

Lumapit sa Tagapagligtas

Kamakailan, sa isang mission preparation class, nagkaroon kami ng talakayan tungkol sa kung paano namin mabubuksan ang aming mga mata sa pagmamahal ng Diyos para sa amin. Pinag-usapan namin ang iba’t ibang paraan na maaari naming gawin upang mas maramdaman ang kahalagahan ng sarili; ilan sa mga bagay na ito ay ang paglilingkod sa kapwa, pagdarasal upang humingi ng tulong sa mga bagay na mahalaga sa amin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagiging isang missionary. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nariyan upang palapitin tayo kay Jesucristo at tulungan tayong makita ang potensyal natin na maging katulad Niya.

Santiago Z., edad 17, Arizona, USA

Sundin ang mga Kautusan

Minsan nararamdaman ko na hindi ako karapat-dapat na mahalin ng Tagapagligtas dahil hindi ako lubos na sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon. Mapaglalabanan ko ang mga pakiramdam na ito sa pamamagitan ng pagsisisi, minsan sa tulong ng aking bishop, na nagtuturo sa akin na mahal ng Panginoon ang lahat ng Kanyang mga anak.

Jacques D., edad 15, Abidjian, Ivory Coast

Pagsisisi ang Susi

Lahat tayo ay nakagagawa ng kasalanan, at dahil dito, maaaring maramdaman natin na hindi tayo karapat-dapat sa pagmamahal ng Tagapagligtas. Ngunit ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin—nagsakripisyo Siya para sa atin. Ang walang pag-iimbot na gawaing ito ay nangyari dahil sa pagmamahal. Ang tanging bagay na kailangan nating gawin upang maramdaman na karapat-dapat tayo sa Kanyang pagmamahal ay gamitin ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan. Pagsisisi ang susi upang makilala natin ang kahalagahan ng sarili at pagmamahal ng Tagapagligtas.

Sister Custan, edad 23, Philippines Cebu Mission

Mahalin ang Iba

Isang paraan upang makilala natin ang kahalagahan ng sarili ay kilalanin ang kahalagahan ng mga tao sa paligid natin. Ang pagtutuon ng pansin sa iba ay tumutulong sa atin na magkaroon ng mabuting pakiramdam sa sarili dahil tumutulong tayong palakasin ang ibang tao. Panalo lahat dito! Nang nahirapan akong magkaroon ng kumpiyansa sa sarili, nagpasiya ako na maglilingkod ako sa isang tao sa paligid ko na nangangailangan ng tulong. Araw-araw sa loob ng isang buwan nagbigay ako ng papuri sa isang kaibigan na nahihirapan. Nakatulong ang pagtutuon ko ng pansin sa ibang tao para madama ko na ako ay karapat-dapat at kabilang. Kapag sinisikap nating mahalin ang iba sa kung sino sila, nagiging mas madaling makita kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Ang pagtulong sa iba na maramdaman na karapat-dapat sila sa pagmamahal ay tutulong sa atin mismo na maramdaman na karapat-dapat tayo sa pagmamahal.

Jayme W., edad 15, Minnesota, USA

Print