2018
Paglago mula sa Paglilingkod
Disyembre 2018


Paglilingkod sa Simbahan

Paglago mula sa Paglilingkod

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nadama namin na ang bagong mga miyembro ng aming branch ay dapat mabigyan agad ng mga tungkulin upang lumago sila sa pamamagitan ng paglilingkod.

Larawan
Kaohsiung Seventh Branch

Ang Kaohsiung Seventh Branch sa Taipei Taiwan Temple noong December 2001.

Noong 2000 tinawag kami na maglingkod bilang branch president at Primary president sa pinakamaliit na yunit sa Kaohsiung Taiwan Stake. Mayroong mga 20 tao sa sacrament meeting, kabilang ang batang pamilya namin, apat na aktibong mga elder, at mga missionary. Kalaunan ay nagpadala kami ng dalawang elder sa mission, nagtitiwala na magbibigay ang Panginoon ng papalit sa kanila.

Sa pagtatrabaho namin sa branch, naalala namin ang payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na ang bawat nabinyagan ay kailangan ng “isang kaibigan, isang responsibilidad, at pangangalaga ng ‘mabuting salita ng Diyos.’”1 Nadama namin na ang bagong mga miyembro ng aming branch ay dapat mabigyan agad ng mga tungkulin upang lumago sila sa pamamagitan ng paglilingkod. Ipinakilala ng mga missionary sa amin ang bawat investigator, at sa loob ng dalawang linggo matapos mabinyagan ang bawat isa sa kanila, ay nakatanggap sila ng tungkulin. Nagkaroon sila ng mga kaibigan habang naglilingkod sila kasama ang ibang mga miyembro.

Sa loob ng isang buwan, bawat bagong nabinyagang lalaki ay nakatanggap ng Aaronic Priesthood, at bawat isa ay nagbasbas at nagpasa ng sakramento. Inihanda rin namin sila na tanggapin ang Melchizedek Priesthood sa susunod na stake conference.

Ang bagong mga elder ay tinuruan kung paano gawin ang mga ordenansa, at ang mga elder na ito ang nagturo sa mga mas bago pang elder. Naniwala kami sa pagkatuto sa pamamagitan ng paggawa at pagpapanatili ng pagkatuto sa pamamagitan ng pagtuturo. Ang mga miyembro ng branch ay responsable na maging isang halimbawa at tagapagturo, magturo at magbigay ng kasanayan, at mag-angat at sumuporta sa isa’t isa.

Ginamit namin ang mga home at visiting teacher, family home evening, mga aktibidad ng ward, at mga potluck upang kaibiganin ang bagong mga miyembro. Sila ay pinangalagaan ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga tagubiling pangrelihiyon tuwing Linggo at sa iba pang mga araw ng linggo. Lumago ang institute mula sa 2 hanggang sa 25 estudyante. Upang patuloy na pangalagaan ang aming branch, dumalo kami at naglingkod sa Taipei Taiwan Temple kada buwan—isang 10-oras na biyaheng balikan sakay ng bus. Kadalasan, nahihirapan ang stake namin na punuin ang dalawang temple bus. Habang lumalaki ang aming branch at naghahanda ang mga pamilya para sa mga biyaya ng templo, nagtakda kami ng layunin na punuin ang sarili naming bus. Dalawang beses nang unang taon na iyon, habang pinupuno ng mga natitirang miyembro ng aming stake ang isang bus, pinuno ng maliit naming branch ang isa pang bus. Di-nagtagal, hiniling ng stake sa bawat ward na magpuno ng isang temple bus kahit na isang beses sa isang taon.

Sa pangalawang taon, ang pagpapanatili namin sa mga bagong miyembro ay umangat mula 30 porsiyento hanggang mahigit sa 90 porsiyento, at ang aming sacrament meeting ay naging halos mga 100 tao, kabilang ang 25 aktibong mga elder. Ang aming branch ay naging isang ward, at ang aming lumang gusali ay ginawang bagong chapel.

Ang pinakamaliit na branch ay naging pinakamalakas na ward sa stake dahil ang bawat bagong miyembro ay nabiyayaan ng mga kaibigan, tungkulin, at pangangalaga ng salita ng Diyos.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47.

Print