”Sa Akin Ninyo Ginawa”
Shannon Knight
California, USA
Ang aming pamilya ay may isang tradisyon sa Pasko na pagbibigay ng mga gift bag na may lamang mga pagkain, guwantes, sumbrero, at iba pang pangangailangan para sa mga taong nangangailangan. Noong 2016, ang bisperas ng Pasko ay bukod-tanging napakalamig sa lugar ng California, USA, kung saan kami nakatira. Nakabalot na kami, subalit nanginginig pa rin kami!
Habang papunta sa isang liwasan malapit sa aming tahanan kung saan lumalagi ang maraming taong walang tahanan, nakita namin ang isang lalaking nakasiksik sa isang maliit na silungan ng isang bus stop, na nakabalot sa isang lumang kumot. Itinigil ng aking asawa, si Dennis, ang kotse at isinama ang aming anak na lalaki, si Jonathan, para bigyan ang lalaki ng gift bag. Ang aming anak na babae, si Abbey, at ako ay nanatili sa kotse at pinanood sila.
Iniangat ng lalaki ang kanyang ulo nang ibinigay ni Dennis sa kanya ang bag. Isang malaking ngiti ang bumalot sa mukha ng lalaki. Nagkamayan sila at nagsimulang mag-usap. Kakaiba ito dahil karaniwan ay wala namang masyadong salitaan.
Pagkatapos ng ilang minuto, bumalik si Dennis sa kotse at binuksan ang tarangkahan sa likod.
“OK lang ba lahat?” tanong ko.
“Oo,” sabi niya. “Ibibigay ko sa kanya ang aking parka jacket. Mas kailangan niya iyon kaysa sa akin.”
Hindi ako nakapagsalita. Iyon ay isang napakagandang parka na ilang beses pa lang isinuot ni Dennis! Bumalik si Dennis sa lalaki at tinulungan siyang isuot ang mainit na parka. Napakasaya ng mukha ng lalaki. Patuloy na nag-usap sina Dennis at ang lalaki.
Nadama ko na kailangan kong makilala ang lalaking iyon. Binuksan ko ang pinto ng kotse, at sumunod sa akin si Abbey. Ngumiti si Dennis nang papalapit na kami, at ipinakilala niya kami sa lalaki. Iniabot ko ang aking kamay at itinanong ang pangalan niya.
Tinanggap niya ang kamay ko, maayang ngumiti, at sumagot na, “Jesús.”
Ipinagpatuloy ng pamilya ko ang pakikipag-usap, pero wala na akong masyadong naintindihan pagkatapos noon. Patuloy kong iniisip ang kahalagahan ng pangalan ng kalugud-lugod na lalaking ito: Jesús—ang pangalan ng ating Tagapagligtas. Sa oras na iyon, ipinaalala sa akin ang turo ng Tagapagligtas: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40). Ako ay magpakailanmang binago ng karanasang iyan.