2018
Isang Masayang Pasko
Disyembre 2018


Isang Masayang Pasko

Wilson Correia dos Santos

Pernambuco, Brazil

lollipops

Paglalarawan ni Enya Todd

Laging ginagawa ng pamilya ko ang Pasko na isang di-malilimutang okasyon batay sa natatandaan ko. Nang umalis ako papuntang Brazil Porto Alegre South Mission, hindi ko natanto kung gaano kahirap para sa akin ang magpalipas ng Pasko na malayo sa kanila sa unang pagkakataon.

Sa una kong Pasko sa misyon, kinasabikan kong makasama ang aking pamilya, pero kami lang ng kompanyon ko ang magkasama. Labis akong nalungkot at naawa sa sarili ko.

Noong Bisperas ng Pasko, isang mabait na pamilya ang nag-anyaya sa akin at sa aking kompanyon na maghapunan. Naging masaya ang gabi namin, pero nagpaalala lang sa akin ang kaligayahan ng pamilyang ito na malayo ako sa sarili kong pamilya. Nang gabing iyon umuwi kami, at sinikap kong matulog at kalimutan na Pasko na kinabukasan. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, naginhawahan ako nang lumipas ang Pasko.

Makalipas ang isang taon, pinagnilayan ko ang nakaraang Pasko at inisip ko kung ano ang magagawa ko para maging mas masaya ang Pasko ko sa misyon. Natanto ko na ang lungkot na nadama ko noong nakaraang taon ay nagmula sa pagtutuon ko sa sarili ko sa halip na sa Tagapagligtas. Natanto ko rin na ang Pasko ay isang panahon para alalahanin ang pagsilang ng Tagapagligtas at dapat akong maging masaya sa paglilingkod sa Kanya bilang Kanyang kinatawan.

Sa pag-uusap namin ng kompanyon ko, nagpasiya kaming bumili ng mga lollipop na ipamimigay sa mga miyembro, investigator, bata, at sinumang masalubong namin sa Araw ng Pasko. Nagsanay rin kami ng mga kakantahing himno na Pamasko. Nag-umapaw ang kagalakan sa puso ko sa Araw ng Pasko nang kausapin namin ang mga tao, kantahin ang mga himno, at ipamigay ang mga lollipop.

Sa pag-uwi nang gabing iyon, nakilala namin ang isang matandang lalaking nakaupo sa bangketa. Tinanong namin kung may nagregalo na sa kanya para sa Pasko nang araw na iyon. Oo raw—nakausap daw niya sa telepono ang kanyang mga anak na nakatira sa malayo.

“May isa pa kaming regalo para sa inyo,” sabi namin. Binigyan namin siya ng lollipop.

“Hindi lamang nito patatamisin ang bibig ko,” sabi niya, “pero patatamisin rin nito ang aking espiritu.”

Naging napakasama ng Pasko ko sa misyon dahil nagtuon lang ako sa sarili ko. Naging napakaganda rin ng Pasko ko nang sa halip ay nagtuon ako sa Tagapagligtas. Alam ko na kapag nakatuon tayo sa Kanya, dudulutan Niya ng tamis ang ating espiritu sa Pasko at sa bawat araw ng taon.