2018
Pagkilala kay Cristo sa Pamamagitan ni Joseph Smith
Disyembre 2018


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pagkilala kay Cristo sa Pamamagitan ni Joseph Smith

Mula sa “Joseph Smith—The Mighty Prophet of the Restoration,” Ensign, Mayo 1976, 94–96. Pinagpare-pareho ang pagpapalaki ng mga letra.

May isang tao na nagparating ng kaalaman tungkol kay Cristo at sa kaligtasan sa ating panahon.

Christus statue

Itinuturo at pinatototohanan natin na ang kaligtasan ay nasa kay Cristo. Siya ang ating Panginoon, ating Diyos, ating Hari. Sinasamba natin ang Ama sa pangalan Niya, tulad ng lahat ng banal na propeta, at lahat ng Banal sa lahat ng panahon.

Nagagalak tayo sa Kanya at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang Kanyang pangalan ay mas mahalaga kaysa lahat ng iba pang pangalan, sa Kanya luluhod ang bawat tuhod at magtatapat ang bawat dila na Siya ang Panginoon ng lahat, na kung wala Siya ay walang imortalidad ni buhay na walang hanggan.

Ngunit magsasalita ako ngayon tungkol isa pang tao, na nagparating ng kaalaman tungkol kay Cristo at sa kaligtasan sa ating panahon. …

Magsasalita ako tungkol kay Joseph Smith, Jr., ang dakilang propeta ng Panunumbalik, ang siyang unang nakarinig sa tinig na nagmula sa langit sa dispensasyong ito, ang naging kasangkapan sa muling pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mga tao. …

Noong tagsibol ng 1820 hinati [ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo] ang lambong ng kadiliman na matagal na panahong nakatakip sa lupa. … Bumaba Sila mula sa Kanilang selestiyal na tahanan patungo sa isang kakahuyan malapit sa Palmyra, New York. Tinatawag ang batang si Joseph sa pangalan, sinabi Nila sa kanya na … siya ang magiging kasangkapan sa Kanilang mga kamay sa pagpapanumbalik ng kabuuan ng Kanilang walang-hanggang ebanghelyo. …

Makabubuting itanong ng lahat ng tao sa sarili nila kung saang panig sila nakatayo tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang banal na misyon. Nagtatanong ba sila tungkol sa kanya at hinahanap ba nila ang kaligtasang iyon na matatagpuan lamang sa ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng inihayag sa Kanyang propeta sa mga huling araw … ? Ang malaking katanungan na kailangang sagutin ng lahat ng tao sa ating panahon—at maaaring ikawala ng sarili nilang kaligtasan—ay: Tinawag ba ng Diyos si Joseph Smith? …

… Huwag tayong magkamali sa pag-unawa. Tayo ay mga saksi ni Jesucristo. Siya ang ating Tagapagligtas. … Ngunit tayo ay mga saksi rin ni Joseph Smith, na nagbigay sa atin ng kaalaman tungkol kay Cristo, at siyang legal na tagapangasiwa na binigyan ng kapangyarihang magbigkis sa lupa at magbuklod sa langit, upang lahat ng tao magmula sa kanyang panahon ay maging mga tagapagmana ng kaligtasan.