2018
Isang Pulang Bombilya
Disyembre 2018


Mga Pagninilay

Isang Pulang Bombilya

Ang awtor ay naninirahan sa Oregon, USA.

Isang simpleng ornamento sa Christmas tree ang nakapagpaalala sa akin sa tunay na kahulugan ng Pasko.

single red bulb

Larawan mula sa Getty Images

Ang Pasko ay hindi Pasko noon. Kahit na sinubukan kong maging masaya habang tumutugtog ang mga awiting para sa Pasko, inilabas ko ang mga kaban ng dekorasyon nang may mabigat na puso. Ipinaalala lamang sa akin ng snowman cookie jar na wala na akong kasamang mag-bake. Ang Santa figurine ay tila ba nagsasabi na walang dahilan para magsabit ng mga medyas, at ang pambalot na may disensyong stripes ng peppermint ay ipinaalala sa akin sa umagang iyon na wala na akong maririnig na tinig ng masasayang mga bata.

Ngayong taon, pumunta na sa kolehiyo ang bunso naming anak, at malungkot at tahimik ang aming bahay. Pinili ko ang mga dekorasyong hindi Santa at ibinalik ang lahat sa kani-kanilang kahon.

Dahil nasa ibang lugar ang asawa ko, mag-isa akong nagsabit ng dekorasyon sa puno. Nagpost online ang manugang ko ng retrato ng mga apo ko na nagsasabit ng dekorasyon sa kanilang puno, at nangulila ang puso ko sa kahapon. Inisip ko kung paano naging ganoon kabilis lumipas ang panahon. Paano lumaki nang ganoon kabilis ang mga anak ko? Nag-iisip pa rin, tiningnan ko ang bombilya na hawak ko. Isa itong pulang bombilya.

Tiningnan kong mabuti ang kulay, matingkad na pula. Krimson. Tiningnan ko ang mga simpleng dekorasyon na natira: ilang mga belen, isang sabsaban na gawa sa mga popsicle stick, at isang dekorasyon na may nakasulat na NOEL sa gintong mga titik. Naluha ako. Ang bombilya ay pula—pula tulad ng nagbabayad-salang dugo ng Tagapagligtas.

Naisip ko kung paano ang mga dekorasyon, mga cookie cutout, at ang kasiyahan ng mga bata sa umaga ng Pasko ang laging nakapagpapasaya sa akin noon tuwing Pasko. Pagkatapos ay naisip ko ang aking mga anak at ang kanilang walang-hanggang mga pamilya. Naisip ko ang kaligayahan ko sa pamilya ko at ang kaligayahan nila sa kanilang sariling pamilya. Pinagnilayan ko kung paano ginawang posible iyon ng sanggol sa sabsaban. Isang matamis at magandang pakiramdam ang umusbong sa puso ko nang pagnilayan ko ang regalo ng Tagapagligtas—hindi lamang para sa akin kundi para sa lahat ng tao.

“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan” (Lucas 2:10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Habang patuloy akong nagsasabit ng dekorasyon sa puno, pinag-isipan ko ang mapagpakumbabang kapanganakan at buhay ni Jesucristo. Dumating Siya upang ayusin ang nasira, itaguyod ang naaapi, aliwin ang nalulumbay, magdala ng kapayapaan sa pagiging hindi perpekto, at magbigay habag sa nagdurusa. Ipinanganak Siya at namatay upang mabuhay tayong muli kasama Niya sa kaharian ng Ama. Dumating Siya upang malaman ng tao ang tunay na kaligayahan. Naging masaya ako at nakahanap ako ng kaligayahan kay Cristo dahil si Cristo ay ang Pasko.