2018
Pagdaragdag ng mga Kaloob ng Espiritu sa Iyong Listahan sa Pasko
Disyembre 2018


Pagdaragdag ng mga Kaloob ng Espiritu sa Iyong Listahan sa Pasko

gifts of the Spirit

Paglalarawan ni Josh Talbot

Noon pa may ay magaling na akong gumawa ng grilled cheese sandwich. Dahil sa masarap na luto na iyon at sa ilan pang ibang resipe, napanatili kong buhay ang aking sarili at malakas noong kabuuan ng mission ko at pati na rin sa aking pagtanda. Pero pagkatapos ay ikinasal ako at nagkaroon ng mga anak, na bawat isa ay may iba-ibang gustong kainin. Kailangan kong dagdagan pa ang aking menu!

Gayunman, sa mga gabing ako ang magluluto, ang pagsubok sa paggawa ng mga bagong luto ay tunay na naging hamon. Unang-una, ang oras para magluto ng hapunan ay kadalasang limitado. Kahit na gusto kong magluto ng iba’t ibang pagkain, palagi akong nagkakaproblema. Hindi ko agad mahanap ang mga sangkap, o kulang kami ng ilang sangkap. Mas madalas sa hindi, babaguhin ko ang aking nakaplanong hapunan at sa halip ay gagawa ng mabilis at madaling lutuin.

Pero patuloy ko pa ring ginusto na pagbutihin ang bagay na ito. Kaya nagpasiya akong gumawa ng isang bagay na hindi ko pa nagawa. Nanalangin ako para sa isang partikular na espirituwal na kaloob.

Isang Kaloob, Maraming Gamit

Partikular na nanalangin ako para sa kaloob na kaayusan. Oo, kaayusan! Mayroon na kaming lalagyan ng mga pampalasa. Mayroon na rin kaming lalagyan ng mga kagamitang panluto. Pero kahit na may ganoon nang nakalagay, tila mas matagal na oras ang ginugugol ko sa paghahanap ng mga kasangkapan kaysa pagluluto.

Sa patuloy kong pananalangin para sa kaloob na ito, nagsimula akong makatanggap ng mga partikular na ideya. Isang lalagyan ng mga pampalasa na nakakabit sa dingding ang magsasaayos sa mga pampalasa at hahayaan silang manatiling abot-kamay. Isang magnetic na kitchen bar (nakakabit din sa dingding) ang makapagtatabi ng mga kutsilyo at iba pang kagamitang panluto na yari sa bakal. Ang mga ito at iba pang mga ideya, kapag naisaayos na, ay magdudulot ng malaking kaibhan sa aking pagsisikap na magluto. Kailangan ng kaunting thyme? Garlic salt? Garlic powder? Ako ang bahala!

Pero pagkatapos ay may isang nakakatawang bagay na nangyari. Nagsimulang sumulpot sa aking isipan ang maliliit na ideya para sa maliliit na paraan para mas maisaayos ang ibang bagay sa aking buhay. Halimbawa, hindi dadalhin ng aming tatlong-palapag na homemade laundry tower ang aking pamilya sa lupang pangako, pero maging si Nephi ay hahanga sa paraan kung paano ko ito ginawa—sa pamamagitan ng mga pahiwatig na dumating sa akin nang paisa-isa.

Pinagbuti ng espirituwal na kaloob na kaayusan ang aking buhay at ang buhay ng aking pamilya na higit pa sa maaasahan ko.

At dumating ang lahat ng ito dahil hiniling ko ito.

Maraming Kaloob, Kaunting Humihingi

Itinuro ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto ang tungkol sa ilan sa mga iba’t ibang espirituwal na kaloob na mayroon, katulad ng pananampalataya o paggaling (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:5–11). At pagkatapos ay itinagubilin niya sa kanila na “maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob” (I Mga Taga Corinto 12:31).

Maaaring mahirap mawari sa isipan ninyo ang ideya na ang pagnanasa ay maaaring maging mabuting bagay, pero sa pagkakataong ito ay oo. Tinagubilinan tayo na tingnan ang ilan sa mga espirituwal na kaloob na nakikita natin sa iba at pagkatapos ay hilingin sa Diyos na basbasan tayo ng gayunding kaloob. Dapat ang pag-asa natin sa paggawa nito ay mas mapaglingkuran ang iba at maitayo ang kaharian ng Diyos (tingnan sa D at T 46:26–29).

Mayroong napakaraming kaloob—higit na mas marami kaysa sa makikita sa mga banal na kasulatan. Ang pagtitiis ay isang espirituwal na kaloob. Gayundin ang optimismo. At tapang. At pagiging tagapamayapa. Itinuro ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu: “Minsan ay inilalarawan ko sa aking isip ang isang malaking imbakan sa langit, lubusang punung-puno ng mga espirituwal na kaloob, na para sa lahat ng mga Banal na may pananampalatayang hilingin ang mga ito. Sa kasamaang palad, hindi marami ang humihiling, kaya ang imbakan ay palaging punung-puno.”1

Inilarawan ni Elder Lawrence ang isang kaibigan na nagpasiyang ipanalangin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa. Ikinuwento niya ang kanyang karanasan: “Isinulat niya: ‘Partikular akong nananalangin para sa karagdagang pag-ibig sa kapwa nang ilang buwan. … Unti-unting nagbago ang aking pagtingin sa iba. … Nagsimula akong hindi lang mahalin ang mga taong nakapaligid sa akin kundi naging masayang kasama sila. Dati, maaaring lumalayo ako, pero ngayon ay tunay na interesado ako sa lahat ng tao.’”2

Inyong mga Kaloob, Nakahanda at Naghihintay

Ang mga espirituwal na kaloob ay higit na mas mahalaga kaysa sa mga pisikal na kaloob! Sa totoo pa nga, ito ang pinakamagandang mga kaloob. Inutusan tayo sa mga banal na kasulatan, “Masigasig [nating] hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob” (D at T 46:8).

Anuman ang inaasahan ninyong bubuksan sa umaga ng Pasko, subukan at isipin ang ilan sa “pinakamagandang mga kaloob” na naghihitay rin para sa inyo. Ang mga ito ay “nakabalot na” at handa kayong pagpalain at ang mga taong nakapaligid sa inyo.

Kaya sige na at humiling.

Mga Tala

  1. Larry R. Lawrence, “Why Not Ask?” (Brigham Young University–Idaho devotional, Hunyo 13, 2017), byui.edu/devotionalsandspeeches.

  2. Larry R. Lawrence, “Why Not Ask?”