Pagtatayo ng mga Tulay
Ilang daang taon na ang nakalipas, isang mapanuring abogado ang nagtanong sa Tagapagligtas:
“Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?
“Sinabi ni Jesus sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”1
Muli noong 1831, ang tagubilin na ito ay inihayag kay Propetang Joseph Smith, nang sinabi ng Panginoon, “At pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili, at gumawa ng kabutihan at kabanalan sa harapan ko.”
Pagkatapos, sa paraan ng pagbibigay-diin, idinagdag Niya, “At muli sinasabi ko sa inyo, pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili.”2
Sa kalagitnaan ng panahon at muli sa mga huling araw, binigyang-diin ng Panginoon ang Kanyang mahalagang doktrina ng pantay na pagkakataon para sa Kanyang mga anak. At pinaalalahanan tayo ni Pangulong Oaks sa turong ito mula sa Aklat ni Mormon: Wala siyang [ang Panginoon] tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”3
Sa lahat ng kontinente at isla sa karagatan, ang matatapat ay tinitipon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga pagkakaiba sa kultura, wika, kasarian, lahi, at nasyonalidad ay nawawalan ng kabuluhan habang pinapasok ng mga Banal ang daan ng tipan at lumalapit sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas.
Sa huli, nalalaman natin na tanging pag-unawa lamang sa tunay na Pagkaama ng Diyos ang magdudulot ng lubos na pagpapahalaga sa tunay na kapatiran ng tao. Ang pag-unawang iyan ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na magtayo ng tulay ng kooperasyon sa halip na mga pader ng paghihiwalay.
Ito ang dalangin at biyayang iniiwan ko sa lahat ng nakikinig na mapagtagumpayan natin ang anumang pasanin ng pagtatangi at maglakad nang matuwid kasama ang Diyos—at kasama ang isa’t isa—sa lubos na kapayapaan at pagkakaisa.