Digital Lamang
3 Paraan na ang mga Propeta ay Katibayan na Mahal Ka ng Diyos
Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.
Ang mga propeta ay isa lang sa maraming paraan na ipinapakita ng Ama sa Langit kung gaano Niya tayo kamahal.
Paano ninyo nalalaman na mahal kayo ng Ama sa Langit? Para sa akin, ito ay kapag nakakakita ako ng marikit na paglubog ng araw, nakakahanap ako ng perpektong mensahe para sa araw ko mula sa mga banal na kasulatan, o nakatatanggap ako ng nakatutuwang mga text mula sa mga kaibigan. Ngunit ang mas makapangyarihang katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa akin ay ang pagkakaroon ng buhay na propeta sa mundo ngayon. Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dahil mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, hindi Niya sila pinatahak sa landas na ito ng buhay nang walang direksyon at patnubay.”1 Narito ang tatlong paraan na mararamdaman natin ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng buhay na propeta.
1. Nakatatanggap ang propeta ng paghahayag para sa buong mundo at para din sa akin.
Sa umpisa pa lamang, laging nagbibigay ng paghahayag ang Diyos sa mga propeta. Sinabi ng Panginoon, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). Ang mga miyembro ng Simbahan ay nabiyayaan nang sama-sama at bilang indibiduwal dahil sa modernong paghahayag, kabilang na ang pagsasalin at paglathala ng Aklat ni Mormon, pagtatayo ng mga templo, at pagtutuon ng pansin sa pag-minister sa isa’t isa.
Para sa akin, nabago ni Pangulong Thomas S. Monson (1927-2018) noong 2012 ang buhay ko nang ipinahayag niya na maaari nang maglingkod sa mission ang mga sister sa edad na 19. Nakaramdam ako ng sobra-sobrang pagmamahal at tiwala mula sa Diyos sa sandaling iyon, at dahil sa pahayag na iyon, nakaalis ako papunta sa mission ko anim na araw matapos ang ika-19 na kaarawan ko. Binago ng desisyon ko na maglingkod sa panahon na iyon ang direksyon ng buong buhay ko.
Ipinapakita rin ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng mga partikular na mensahe na nauukol para sa atin sa pamamagitan ng payo ng mga propeta. Ngunit kinakailangan pa rin nating makinig na mabuti at tanungin ang ating sarili, “Anong bahagi ng mensahe na ito ang para sa akin?” Sa tuwing ang mga dalangin o katanungan ko ay nasasagot sa pamamagitan ng mga mensahe ng mga propeta at apostol, ipinaparamdam sa akin ng Espiritu na mahal ako ng Diyos at kilala Niya ako nang personal.
2. Ang mga propeta ay maaaring maging personal na gabay mo.
Nagbigay ang Ama sa Langit ng propeta para sa panahon natin, si Pangulong Russell M. Nelson. Kahit na ilang dekada ang maaaring tanda niya sa iyo, ang mga karanasan niya sa buhay ay isang malaking kapakinabangan habang nagbabahagi siya ng karunungan at payo mula sa Diyos. Iniisip ang ating mga pangangailangan, naghanda ang Ama sa Langit para kay Pangulong Nelson ng mga karanasan sa buong buhay niya at patuloy na ginagabayan siya ng Diyos upang maturuan at maintindihan niya ang ating henerasyon.
Hawak ni Pangulong Nelson ang lahat ng susi upang makatanggap ng paghahayag. Ang Ama sa Langit, na alam na alam ang mga paghihirap at pangangailangan ng ating henerasyon, ay nagbibigay ng paghahayag kay Pangulong Nelson kung paano niya tayo pinakamahusay na matuturuan at magagabayan. Ang debosyonal ni Pangulong Nelson na “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,”2 kung saan itinuro niya ang payo at tagubilin ng Panginoon sa mga millenial, ay katibayan na ginagamit ng Ama sa Langit si Pangulong Nelson upang tumulong na gabayan tayo sa buhay.
3. Ang mga propeta ay nagbababala sa panganib.
Dahil mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit, nais Niyang maging pisikal at espirituwal na ligtas tayo. Kailangan nating maging maingat sa lahat ng tinig sa maingay na mundo, ngunit lagi nating mapagkakatiwalaan ang boses ng propeta dahil mapagmahal na nangako ang Diyos sa atin na hindi Niya papayagan na iligaw tayo ng propeta sa kamalian. Pinakiusapan tayo ni Pangulong Nelson na basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw at tumanggap ng personal na paghahayag upang manatiling espirituwal na ligtas.3 Sabi niya, “Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”4
Ang mga propeta ay isa lamang sa maraming paraan na ipinapakita ng Ama sa Langit kung gaano Niya tayo kamahal. Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ipinapakita nila ang mga pangako at tunay na katangian ng Diyos at ni Jesucristo sa Kanilang mga tao.”5 Habang nagtitiwala ako sa mga salita ng mga propeta at sinusunod ang kanilang payo, nakatatanggap ako ng sagot sa mga tanong ko. Lubos akong nagpapasalamat sa pagpapakitang ito ng pagmamahal ng Diyos.